top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 7, 2024



Sports Photo


Laro ngayong Martes – Gelora Bung Karno, Jakarta

8:30 p.m. Pilipinas vs. Indonesia 


Nanatiling palaban ang Philippine Men’s Football National Team at Coach Tom Saintfiet papasok sa kanilang 2026 FIFA World Cup qualifier kontra sa host Indonesia ngayong araw sa Gelora Bung Karno Stadium sa Jakarta. Kahit wala nang pag-asa tumuloy sa susunod na yugto, gagawin ng pambansang koponan ang lahat na wakasan ang kampanya ng positibo.


Naglaho ang lahat ng pag-asa ng bansa sa huling laro, ang makabasag-puso na 3-2 talo sa Vietnam noong Huwebes sa Hanoi. Kailangan ng hindi bababa sa tagumpay, lumamang agad ang mga Pinoy sa goal ni Patrick Reichelt subalit nawalan ito ng bisa at naitakas ng Vietnamese ang tagumpay na kailangan rin nila upang manatiling buhay sa torneo. 


Sa kanilang ika-anim at huling laro, gagawin ng mga Pinoy Booters ang lahat upang makauwi ng magandang pasalubong para sa kanilang mga tagahanga. Matatandaan na ang nag-iisang puntos ng bansa ay galing sa 1-1 tabla sa mga Indones noong Nobyembre sa harap ng mahigit 10,000 sa Rizal Memorial Stadium. 


Samantala, nanatili sa defending champion Kaya FC Iloilo ang liderato ng 2024 Philippines Football League (PFL) sa huling laro ng ika-10 linggo ng liga noong Linggo ng gabi sa Rizal Memorial. Binugbog ng Kaya ang Mendiola FC 1991, 9-1, kahit wala ang kanilang mga pambansang manlalaro Jarvey Gayoso at Mark Swainston. 


Sa ibang mga laro, tinakasan ng United City FC ang Tuloy FC, 1-0, at nagtabla ang Maharlika Taguig FC at Loyola FC, 2-2. Sa Cebu, nanaig ang Dynamic Herb Cebu FC sa bisitang Davao Aguilas, 1-0, sa isang mainit at pisikal na laro. 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 6, 2024



Sports Photo

Laro ngayong Huwebes – My Dinh Stadium, Hanoi

8 p.m. Pilipinas vs. Vietnam


Daraan sa lalong kumikitid na kalye ng Philippine Men’s Football National Team sa pangarap na mapabilang sa 2026 FIFA World Cup sa Hilagang Amerika. Hindi bababa sa panalo ang kailangan nila sa napakahalagang tapatan nila ngayong gabi kontra host Vietnam sa My Dinh Stadium sa Hanoi simula 8 p.m. 


Kasalukuyang may isang puntos lang ang mga Pinoy mula sa isang tabla at tatlong talo sa Grupo F. Kung magwawagi, maagaw nila ang pangatlong puwesto sa mga Vietnamese na may 3 puntos buhat sa isang panalo laban sa Pilipinas at tatlong talo. 


Binigo ng Vietnam ang Pilipinas, 2-0, noong Nob. 16 sa Rizal Memorial Stadium. Sina Nguyen Van Toan at Nguyen Dinh Bac ang naghatid ng mga goal. Pagkakataon din ito para kay Coach Tom Saintfiet na maitala ang  unang panalo matapos dumapa ng dalawang beses sa Iraq noong Marso, 1-0 sa Basra at 5-0 sa RMSC. Kailangan ding makisama ang numero uno at walang talong Iraq at talunin din nila ang pumapangalawang Indonesia sa kasabay na laro sa Jakarta. 


Samantala, nagwagi ang Italy Selection laban sa Philippine Under-19 Men’s Team sa penalty shootout, 5-3, para makuha ang Philippines-Italy Friendship Cup sa Rizal Memorial.  Nagtapos ang takdang 90 minuto sa 2-2 at imbes na maglaro ng karagdagang 30 minuto ay ginanap agad ang shootout. 


Naipilit ng Italy ang shootout nang ipasok ni Joaquin Antonio Collo ang bola sa ika-95 minuto matapos magkumpulan ang mga manlalaro sa harap ng goal. Nagpalitan ng maagang goal sina Ryen Co Lim ng U19 (4’) at Ramil Bation III ng Italy (18’) hanggang maagaw muli ng mga Pinoy ang 2-1 bentahe bago mag-halftime sa sipa ni Mark Christian Ricario (45’+1’). 




 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 4, 2024



Sports Photo


Numero uno sa ikalawang sunod na linggo ang defending champion Kaya FC Iloilo matapos daigin ang Manila Digger FC, 3-1, sa ika-9 na linggo ng 2024 Philippines Football League (PFL) sa Rizal Memorial Stadium. Sa Borromeo Sports Complex, nagtala ng mga bagong marka ang Dynamic Herb Cebu FC at dinurog ang bisitang Don Bosco Garelli United, 16-2, at ipakita na seryoso sila na maagaw ang korona. 


Pantay sa 1-1 ang Kaya at Digger sa first at binura ni Salifu Jatta (26’) ang naunang goal ni Jarvey Gayoso (18’). Kumilos ang Kaya sa second half at sumandal sa mga nagpapanalong goal nina Robert Lopez Mendy (55’) at Shuto Komaki (79’). 


Ibang klaseng opensa ang ibinuhos ng Gentle Giants at parehong may hat trick o tatlong goal sina Zamoranho Ho-A-Tham (35’, 78’ 80’) at Abou Sy (51’, 82’, 88’) habang brace o tig-dalawa sina Guytho Mijland (14’, 91’), Chima Uzoka (54’, 68’) at Rintaro Hama (66’, 73’).  Ito ang pinakamaraming goal sa isang laro at pinakamalaking inilamang ngayong taon. 


Humabol ang Davao Aguilas at nagwagi sa Loyola FC, 3-0, at kasabay nito ay tumabla sa Kaya na parehong may 22 puntos sa standing. Pangatlo ang Cebu na may 21 habang may 20 ang Stallion Laguna FC at 18 sa United City FC. Sinayang ng Stallion at United City ang pagkakataon na lumapit sa liderato at nakuntento sila sa 1-1 tabla.  


Samantala, magkakaroon ng exhibition match ang Philippine Men’s Under-19 laban sa mga kinatawan ng Italya – ang Philippines-Italy Friendship Cup 2024 – ngayong Martes simula 7:30 p.m. sa Rizal Memorial. Hatid ito ng Embahada ng Italya bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Day at bukas sa publiko. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page