top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 9, 2024



Sports News

Laro ngayong Miyerkules – Rizal Memorial

4 p.m. One Taguig vs. Manila Digger 


Matagumpay na nanatili sa Kaya FC Iloilo ang kampeonato ng 2024 Philippines Football League (PFL) matapos ang pinaghirapang 1-0 panalo sa Davao Aguilas Linggo ng gabi sa Rizal Memorial Stadium. Inihatid ni Jarvey Gayoso ang nag-iisang goal para sa ikalawang sunod na kampeonato ng koponan sa pambansang liga


Pinatawan ng penalty si Reynald Villareal ng Aguilas matapos ang labis na foul kay Gayoso malapit sa goal at walang-kabang ipinasok niya ang penalty kick sa ika-18 minuto – ang kanyang ika-23 ng torneo at lalong nagpatibay ng kanyang liderato para sa Golden Boot o pinakamaraming goal. Naging bayani rin si goalkeeper Walid Birrou na sinuntok palayo ang magpapatabla sana na penalty kick ni Ibrahima Ndour sa ika-83 at mula doon ay kumapit ng husto ang Kaya upang masigurado ang resulta. 


Umakyat ang Kaya sa 37 puntos mula 12 panalo at isang tabla. Hindi na ito mahahabol ng pumapangalawang Dynamic Herb Cebu na may 33 galing 11 panalo at dalawang talo. Nakatanggap ang Kaya ng “tulong” mula sa malupit na karibal Stallion Laguna FC na ginulat ang mga Cebuano noong Sabado, 2-1, sa Borromeo Sports Complex. Bumira ng mga goal sina Magson Dourado (57’) at Griffin McDaniel (61’) bago ang konsuwelo ni Rintaro Hama (90’). 


Ayon kay PFL Commissioner Mikhael Torre, pormal na igagawad ang korona sa Kaya matapos ang laro nila sa Loyola. Magkakaroon ng bihirang laro ng PFL ngayong Miyerkules sa pagitan ng One Taguig FC at Manila Digger sa Rizal Memorial simula 4 p.m. ang laro na gaganapin dapat noong Hunyo 8.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 24, 2024



Sports News

Laro ngayong Lunes – Manahan Stadium

7:30 PM Pilipinas vs. Indonesia 

     

Susubukan ng Philippine Men’s Football National Team na bumawi sa ikalawang laro nila sa 2024 ASEAN Football Federation (AFF) Under-16 Boys’ Championship ngayong Lunes kontra sa host at defending champion Indonesia sa Manahan Stadium ng Surakarta simula 7:30 ng gabi. Galing ang mga Pinoy sa mapait  na 0-3 talo sa Laos noong Biyernes sa parehong palaruan.


Binuksan ng mga Laos ang laro sa goal ni Kamkasomphou Daophahad sa ika-39 minuto. Nadoble ang agwat sa sipa ni Xaisongkham Sikanda sa ika-50 at tinuldukan ng isa pa kay Soulinbanh Vongdeuan bago itinigil ng reperi ang laro.


Pareho rin ang 3-0 iskor ng Indonesia laban sa Singapore para sumosyo sa liderato ng Grupo A. Hinatid nina Mierza Firjatullah (39’), Evandra Florasta (59’) at Alberto Hengga (86’) ang mga goal at tiyak sila ang mamarkahan ngayon ng depensang Pinoy. 


Samantala, inihayag ng negosyanteng si Jefferson Cheng ang kanyang pagbitiw bilang Team Manager ng Women’s National Team. Sa tulong ni Cheng, umabot ang Filipinas sa 2023 FIFA Women’s World Cup at maraming iba pang mga makasaysayang karangalan. 


Nagpaalam na si Cheng kay PFF Director For National Teams Freddy Gonzalez na tumatayo rin bilang Team Manager ng mga kalalakihan. Sinubukang magtugma ng layunin ang parehong panig sa nakalipas na ilang buwan subalit umabot sa punto na hindi ito mangyayari kung titingnan ang mga umiiral na kondisyon.   


Walang nakatakdang malaking torneo ang Filipinas sa mga nalalabing buwan ng taon. Sa 2025 pa gaganapin ang Southeast Asian Games at hindi pa tiyak kung kailan ang depensa nila sa AFF Women’s Championship na napagwagian nila noong 2022 sa Rizal Memorial.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 21, 2024



Sports Photo


Laro ngayong Biyernes – Manahan Stadium

3:00 PM Pilipinas vs. Laos


Sasabak ang Philippine Men’s Football National Team sa 2024 ASEAN Football Federation (AFF) Under-16 Boys Championship ngayong Hunyo 21 hanggang Hulyo 4 sa Surakarta, Indonesia. Nagpakilala ang Philippine Football Federation ng 23 kabataan na produkto ng masinsinang pagtuklas sa buong bansa at ilang galing ibayong-dagat. 


Kabuuang mahigit 1,100 ang nagbakasakali sa Metro Manila, Pampanga, Cavite, Cebu, Bacolod, San Carlos, Iloilo, Agusan del Sur, Davao, Koronadal at Dipolog.  Ang huling 33 kandidato ay dumaan sa isang buwang kampo bago napili ang 23. 


Ang koponan ay binubuo nina Rogelio Brizuela III, Rossen Comla, Zachary Dalman, Anthony Elorde, Jimm Fabela, Leonardo Garcia, Alexander Lomibao, Aarran Long, Michael Maniti, Mabien Manuel, Matteo Mercado, Peter Mirasol, Joshua Moleje, Edvard Omitade, Jimuel Panganiban, Tobias Paulino, Francis Poticano, Elijah Sarana, Matthew Steen, Filbert Tacardon at mga goalkeeper Austin Dilodilo, Enrique Sunico at Mateo Veloso. Ang head coach ay si Yuki Matsuda. 


Nabunot ang mga Pinoy sa Grupo A at una nilang haharapin ang Laos ngayong Biyernes sa Manahan Stadium simula 3:00 ng hapon. Ang iba pa nilang asignatura ay kontra defending champion at host Indonesia (Hunyo 24) at Singapore (Hunyo 27). 


Ang Grupo B ay binubuo ng Vietnam, Myanmar, Cambodia at Brunei habang ang Grupo C ay Thailand, Malaysia, Timor Leste at Australia. Ang mga numero uno sa tatlong grupo at ang may pinakamataas na kartada sa mga magtatapos ng pangalawa ay tutuloy sa knockout semifinals at finals sa Hulyo 1 at 4. 


Puntirya ng Pilipinas na makapasok sa semifinals ng torneo sa unang pagkakataon.  Noong 2022, naitala nila ang nag-iisang panalo sa Singapore subalit yumuko sa host Indonesia at Vietnam.  


 
 
RECOMMENDED
bottom of page