top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 8, 2021



ree

Pinayagan ng Food and Drug Administration (FDA) ang ‘compassionate use permit’ ng Ivermectin sa isang ospital upang gamitin sa pasyenteng may COVID-19, ayon kay FDA Director General Eric Domingo ngayong araw, Abril 8.


Aniya, “Na-grant na iyong special permit for compassionate use kasi alam naman namin na investigational product ito against COVID-19. May isang ospital na nag-apply for compassionate use at na-grant na nga nang araw na ito.”


Dagdag pa niya, "Ito lang naman po ang laging sinasabi ng FDA, hindi po kami kontra sa Ivermectin, kailangan lang po na irehistro ang produkto at dumaan lamang po sa tamang proseso ng pagsiguro po ng quality ng gamot na makakarating sa tao."


Matatandaang ipinagbawal ng FDA ang paggamit ng veterinary product na Ivermectin bilang alternatibong gamot sa COVID-19 dahil may masamang epekto ito sa tao.


Samantala, hindi naman binanggit ni Domingo kung anong ospital ang nagsumite ng ‘compassionate use permit’.

Sa ngayon ay 646,404 na ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa COVID-19.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 7, 2021



ree

Inabot nang hatinggabi ang pamimigay ng ayuda sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) sa Maynila at Quezon City nitong Miyerkules, Abril 8.


Batay sa ulat, tig-30 na benepisyaryo lamang ang pinapayagang pumunta sa covered court ng Maynila upang tumanggap ng ayuda, habang ang iba nama’y sa kani-kanyang bahay naghihintay na matawag ang pangalan. Kumbaga, binigyan na sila ng numero at iniaanunsiyo lang sa public address system ang mga pupunta sa covered court. Kani-kanyang bitbit din sila ng ballpen at papel na nakapangalan sa kanila.


Ngayong Huwebes ay mahigit 60,000 na benepisyaryo pa ang target mabigyan ng ayuda sa lungsod.


Kaugnay nito, daan-daang SAP beneficiaries naman ng Barangay Batasan Hills, Quezon City ang matiyagang pumila sa Batasan National High School para makuha ang kanilang ayuda.


Ayon pa sa tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nag-umpisa ang verification process sa mga tatanggap ng ayuda bandang alas-11 nang umaga kahapon, subalit pasado alas-4 nang hapon na nag-umpisa ang mismong payout dahil kinailangan pa umano nilang iimprenta ang payroll ng mga beneficiaries kaya inabot nang hatinggabi ang pila.


Sa ngayon ay kabilang na rin ang mga empleyado ng city hall na namimigay ng ayuda sa prayoridad mabakunahan kontra COVID-19 dahil tumaas ang exposure nila sa virus.


Samantala, inaprubahan na ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ang pagtuturok sa mga senior citizens gamit ang bakunang Sinovac, kaya magtutuluy-tuloy na ang vaccination rollout.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page