top of page
Search

ni Tope Ilagan @Feature | Nov. 9, 2024


Ang Marikina ay tinaguriang “Shoe Capital of the Philippines”, subalit higit pa r'yan ang ating bayang kinalakihan.


Maglakad ka man sa kahit saang kalye ng Lungsod ng Marikina, alam mo sa sarili mo na nasa Marikina ka na agad. Ang mga kalye ng Quezon City at Maynila, hindi mo alam kung saan nag-uumpisa at nagtatapos. Ang Ortigas, konti na lang, akala mo nasa Makati o BGC ka na.


Sa tagal nating namumuhay sa Marikina, ilang field trips na ang napuntahan at talagang makikita ang ganda at husay ng mga produktong Marikina. Ang mga negosyo sa paggawa ng sapatos na minana pa mula sa mga lolo't lola, para nating nasasaksihan ang galing sa paglikha ni Juan Luna, na kung saan, bawat sapatos, bagama’t pares ay isang Spolarium. Isang obra na matibay, matatag, abot-kaya at panlaban sa mga gawang Paris o Milan. 


Ito ang isang bagay na hindi dapat matigil ipakita hindi lamang sa ibang bansa kundi pati sa bawat Pilipino para maunawaan na ang paggawa ng sapatos ay 'di lamang negosyo o industriya, ito'y isang sining sa museong hindi naluluma.


Bakit nga ba espesyal ang Marikina? Tiyak na may mga magsasabi na ang Marikenyo at Marikenya ang nagbibigay-kulay sa lungsod. Kahit ilang bagyo o pag-apaw ng Tumana ang dumaan sa isang taon, makikita pa rin ang mga tao na kayang ngumiti at higit sa lahat, tumulong sa kanilang kapitbahay.


Hindi naman araw-araw ay may unos o pagsubok na kinakaharap ang lungsod, para sa mga residenteng malapit sa Marikina River Park, napakaganda ng nasisilayan ditong paglubog ng araw. Makikita sa park ang mga pamilya na isang testimonya na sa kabila ng bawat unos, ang lungsod ay yumayabong. Bawat sakuna ay isang oportunidad para mapatibay ang bawat isa.


Umunlad ang Marikina dahil ginusto ng mga tao ang isang maunlad na lungsod. Makikita ang progresibong pagbabago... bagong kalsada, bagong aspalto, bagong tulay, bagong high rise buildings. Pero ito ang pinakamaganda, nagawa pa rin ito nang hindi binabago ang hubog at pakiramdam na parang isang buong pamilya pa rin ang bayan ng Marikina. Kahit saang barangay, mararamdaman pa rin ang small-town vibe.


Ang mga hamon at pagsubok ay lilipas pero ang pagkakaroon ng busilak na hangarin para iangat ang lungsod at bawat isang Marikenyo at Marikenya ay hindi matitinag.

Malayo ang lalakbayin para maramdaman ang tunay na pagbabago pero ang Marikenyo at Marikenya ay handang magbago para sa ikabubuti, hindi lamang ng lungsod, kundi pati ng kapwa. 


Habang diretso ang tingin tungo sa pag-unlad, kapit-bisig naman ang mga residente ng lungsod tungo sa sama-samang lakas ng Marikina.

 
 

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | July 31, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig

Dear Sister Isabel,


Isang mapagpalang araw sa inyong lahat d’yan sa Bulgar. Sisimulan ko ang kuwento ng buhay at pag-ibig ko noong ako’y nasa abroad pa. 


Napilitan akong tanggapin ang trabaho sa Korea kahit ang status ko ay TNT o tago nang tago, dahil kailangan kong magkaroon ng trabaho na by hook or by crook. 


Namatay ang aking asawa dahil sa pagkalunod. May 3 kaming anak na pawang maliliit pa. Kaya nang alukin ako ng bestfriend ko na magtrabaho sa Korea, agad ko itong tinanggap kahit alam kong hindi legal ang aking entry, at ang isa ko pang problema ay panlalaki ang magiging trabaho ko. 


Sa madaling salita, natuloy ako sa Korea kasama ang iba pang mga kalalakihan. Ako lang ang nag-iisang babae sa grupo namin na umalis galing ‘Pinas. 


Pagdating sa Korea, may trabaho naman na nakalaan sa amin. Ang masaklap lang, nagawa akong gahasain ng kapwa ko Pilipino. Nagkataon pa na nagbigay ng amnesty sa mga illegal worker sa Korea, kaya sinamantala ko ito, at umuwi agad ako sa ‘Pinas kahit wala akong ipon. 


Nagulat ang magulang ko sa biglaang pag-uwi ko, pero hindi ko pa rin sinabi sa kanila ang tunay na dahilan. Gayunman hindi naman nila ako pinilit na sabihin kung bakit umuwi agad ako. 


Lalong nadagdagan ang problema ko nang malaman kong nabuntis pala ako ng lalaking nang-rape sa akin, at hindi ko alam ang gagawin.


Kaya narito ako para sumangguni sa inyo. Gulung-gulo na isip ko, at ‘di ko na alam ang susunod kong hakbang. Nawa’y matulungan n’yo ako. Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat, 

Gloria ng San Ildefonso, Bulacan



Sa iyo, Gloria,


Nakikisimpatya ako sa sinapit mo. Sa aking palagay, ang dapat mong gawin ay ipagtapat sa iyong magulang ang nangyari sa iyo sa abroad. Unang-una, sila ang iyong magulang na handang damayan ka sa lahat ng sandali. Sabihin mo muna ito sa iyong ina, at itaon mong nasa magandang mood siya. Naniniwala akong uunawain at gagawa niya ito ng paraan para mailagay sa ayos ang sinapit mo. Walang magulang na ‘di nakakatiis sa kanyang anak. Palagi silang handang umunawa, at siya na ang hayaan mong magsabi sa iyong ama. 


Sa awa at tulong ng Diyos, makakaraos ka rin sa problemang sinasapit mo ngayon. Marahil sa takdang panahon, Diyos na rin ang gagawa ng paraan para sabihin sa ama ng bata ang nangyari. Panindigan mo ang pagpapalaki sa magiging anak n’yo, dahil tiyak na tutulungan ka ng Diyos. ‘Di ka niya pababayaan sapagkat ang dinadala mo sa iyong sinapupunan ay anak ng Diyos. 


Ugaliin mong magdasal, dahil malalampasan mo rin ang pangyayaring naganap sa buhay mo. Lahat ng problema ay may kalutasan.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


File Photo

 
 

Bulgarific

Hello, Bulgarians! Sa kabila ng kawalan ng ibang transport public modes tulad ng buses at jeepneys sa pagiging general community quarantine at pagbubukas ng mga opisina at negosyo sa NCR at ibang bahagi ng bansa epektibo Hunyo 1, nanawagan ang isang transport coalition sa pamahalaan na payagan silang bumiyahe sa regular na ruta para sa ikakagiginhawa ng madla.

Sa kanilang position paper sa Senado, ipinahayag ni Ariel Lim, principal convenor ng National Public Transport Coalition (NPTC), ang hindi patas na pagtrato, panggigipit at kawalang pakiramdam ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kanilang pangunahing aalahanin na nakatuon sa modernization program ng ahensiya nagsimula noong isang taon at kasalukuyang pinatutupad mula noong may lockdown hanggang sa pairalin ang GCQ sa maraming lugar sa bansa.

Napansin ni Lim na ginagamit ng LTFRB ang emergency powers na ibinagi rito ng mas malawak na emergency powers ng Pangulo na napapaloob sa “Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan Law)” para sa hindi makatarungang gawain at kapangyarihan sa public transport industry na ang stakeholders tulad ng mga operators at drivers ay nagdurusa mula noong lockdown.

Mula nang naging epektibo ang Bayanihan Law, ilang pagbabago ang isinagawa ng LTFRB sa public transport sector, na pagpatupad ng Modernization of Public Vehicle Programs na kasalukuyang tinatalakay sa lahat ng stakeholders kasama ang Senado, House of Representatives at Public Utility Vehicle (PUV) Organizations.

Ayon kay Lim, ang kanilang grupo ay hinahamon ang mungkahing programa ng naturang agencies hindi dahil sa hindi nila sinusuportahan ang Modernization Law, kundi one-sided ang policies na nakakapinsala sa PUV drivers at operators.

“Sa kanilang emergency powers, nagpatupad sila ng mga pagbabago o desisyon na hindi pantay at makakapinsalasa maliliit na players tulad ng

(a) Pag-release ng Social Amelioration Package “ayuda” sa mga PUV drivers base sa kanilang Driver’s Academy Database na may limitadong PUV Drivers Information, sa halip na gamitin ang LTFRB Franchise Database na sakop ang mas maraming PUV drivers at operators na sakop nito. Hindi sumunod ang LTFRB-DSWD sa mandato na Joint Memorandum Circular No. 1-2020. Karamihan sa mga PUV drivers na mas kailangan ang ayuda ay hindi naisama.

(b) Inuuna ang modernized vehicles sa traditional vehicles. Pinayagan ng LTFRB MC 2020-17 ang ilang PUVs na mag-operate sa ilalim ng GCQ, maliban sa traditional jeepneys na kinabibilangan ng daan-daang PUV drivers sa buong bansa.

(c) Nangangailangan ng Special Permit at Motor Vehicle Inspection sa ilalim ng LTFRB MC 2020-16 sa kabila ng pagkakaroon ng valid franchise at valid inspection certificates. Ang pag-a-apply ng prangkisa ay nangangailangan ng maraming dokumento, kasama na ang magastos at nakakapagod na pamamaraan kasama na ang vehicle inspections.”

Ang katotohanang inisyu ng LTFRB ang prangkisa ay nangangahulugang ang aplikante ay qualified para mag-operate bilang PUV. Kung gayun, bakit pa kailangan ng Special Permit at kailangan kaming sumailalim sa Motor Vehicle Inspection System (MVIS) na ang fee ay at least Php1, 800 per inspection per car, mataas ng 300% sa inspection bago ang COVID-19?

Ito ay dahil mas malaking halaga ang sisingilin kapag mas malaking sasakyan ang ininspeksiyon. Ang pagpapatupad ng MVIS ay kasalukuyang iniimbestigahan ng Committee on Transportation at House of Representatives. Ang isyung “to solve traffic problems” ay kinuwestiyon ng Senado noong isang taon na kalaunan ay hindi pinayagan.

Giit ni Lim, sa GCQ ay hindi papayagan ang lahat ng PUV drivers na pumasada, kaya karamihan sa kanila ay walang pagkakakitaan. Dahil karamihan sa mga PUV drivers ang hindi nakatanggap ng ayuda at hindi papayagang pumasada, isang stimulus package na papayagang mag-reschedule o restructure ang kanilang bayad sa finance lease ng kanilang sasakyan o utang na walang multa at additional interests ay dapat ipagkaloob.

May mga financial institutions na nire-require ng agarang one-time payment sa lahat ng monthly principals at accrued interest na pumatak sa Marso hanggang Mayo 2020, sa Hunyo 1.

Samantala, pinuna ng mga senador ang DOTr sa “poor planning” at “lack of foresight”, dahil maraming mananakay ang stranded dahil sa hindi sapat na mass transportation noong naging GCQ na ang Metro Manila.

Binatikos nila ang DOTr sa mga hiwalay napahayag, isang araw matapos ipatupad ang GCQ, na karamihan sa mga mananakay ay stranded nang ilang oras sa kahihintay ng public transport.

Umapela si Sen. Grace Poe sa pamahalaan na tulungan ang mga manggagawa na nakipaglaban para makarating sa trabaho dahil sa kawalan ng mass transportation.

Ayon naman kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, “Ang gulo at paghihirap ng komyuter na nagtitiis nang isang araw ay dulot ng poor planning. Pinapakita ang lack of foresight at insensitivity.”

Dagdag pa nito, “Mas mabuti sana, ang ginawa ng DOTr. Hindi puwede magpatuloy ang ganitong sistema. Kung nais nating buhayin ang ekonomiya, dapat siguraduhin nating ang ating manggagawa sa kanilang trabaho na hindi isinaalang-alang ang kanilang kalusugan at kalusugan ng ibang tao.”

Hirit naman ni Sen. Nancy Binay, “Ano’ng nangyari sa foresight nila? Mabuti sila’t aircon ang mga sasakyan. Eh, kung subukan kaya ng mga opisyal ng DOTr na mag-commute mula sa kani-kanilang bahay papasok sa opisina nila (sa Clark City o Ortigas)? Dapat maramdaman nila ang hirap na pinagdadaanan ng mga commuter. Hindi sila makakapagplano nang maayos kung hindi nila nararamdaman ang pakikibaka ng mga tao araw-araw.”

Samantala, tingin naman ni Sen. Joel Villanueva, tila nakalimutan ng pamahalaan na ang mga manggagawa ay umaasa lang sa public transportation.

♥♥♥

For event invitations, please, email bulgarific@ gmail.com or PM us on our Facebook page.

Got to go! It’s so Bulgarific!

xoxo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page