top of page
Search

ni Dominic Santos (OJT) @Life & Style | Mar. 14, 2025



Graphic: Si Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Pinay na nag-uwi ng gintong medalya sa ‘Pinas, mula sa women’s 55kg category for weightlifting noong 2020 Tokyo Olympics


Sa mundo ng prestihiyosong palaro na Olympics, ang paggamit ng lakas at giting ng mga manlalaro sa iba’t ibang bansa kabilang na ang Pilipinas ay puhunan ng bawat isa sa kanila. Ito rin ang kadalasang deskripsyon na ginagamit para ilarawan naman ang mga kalalakihan sa buong mundo sa matagal na panahon.


Sa halos 10 dekada o 100 taon mula nang lumahok ang ating bansa sa Olympics, kasabay ng mahabang panahon ng paghihintay upang makamit ang medalya, may nag-iisang indibidwal na nagpakita ng katatagan at kahusayan para tuluyang maiuwi ang karangalan sa larangan ng weightlifting.


Katulad ng ginagawa at pinanggagalingan ng lakas ni Captain Barbell, isang karakter mula sa Filipino komiks na sumikat noong dekada 60, ang weightlifting ay isang sport kung saan nagbubuhat ng barbel ang bawat manlalaro.


Makalipas ang higit anim na dekada, kasabay din ng kasikatan ni Captain Barbell, dahil sa taglay na lakas at determinasyon umugong ang pangalang Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Pinay na nag-uwi ng gintong medalya sa ‘Pinas, mula sa women’s 55kg category for weightlifting noong 2020 Tokyo Olympics.


Isang natatanging babae, na sa mundo ng palakasan kung saan madalas na ibinibida ay mga kalalakihan, si Hidilyn ay nagbigay ng karangalan sa bansa at nakilala sa buong mundo sa pamamagitan ng pagbubuhat ng barbel.


Maihahalintulad din natin si Hidilyn kay Darna na isang superhero dahil sa angkin niyang lakas para maging kampeonato at kapangyarihan na maging tanyag sa iba’t ibang panig ng mundo.


Bagama’t hindi man kagaya ng kuwento ng buhay ni Captain Barbell na isang ulilang basurero, lumaki sa isang payak na pamumuhay mula sa maliit na bayan ng Zamboanga, anak ng magsasaka at tricycle driver si Hidilyn Diaz.


Sa murang edad pa lamang ay nakitaan na siya ng potensyal sa weightlifting ng kanyang mga pinsan dahil na rin sa brusko niyang pangangatawan kahit na isa siyang babae.


Mula sa mga gawa-gawang barbel lang, na nagpapatunay ng kanyang humble beginnings, sinimulan ni Hidilyn ang pag-eensayo sa weightlifting at nagpapatuloy din sa kasalukuyan.


Taong 2002 nang mag-umpisang sumabak si Hidilyn sa kompetisyon, ang Batang Pinoy sa Puerto Princesa, kung saan una siyang nagwagi sa sport na ito dahil aniya, wala siyang kalaban.


Noong 2007, ang naging unang paglahok naman niya sa Southeast Asian Games at dito nakamit ang kanyang bronze medal. Ito rin ang naging simula ng pagtanggap ni Hidilyn ng maraming parangal mula sa iba’t ibang kompetisyon sa mundo na kanyang sinalihan.


Isang taon matapos ang paglahok niya sa SEA Games, unang sinubukan ng noo’y 17-anyos pa lamang na si Hidilyn sa Olympics. Sa palarong ito una siyang nakaranas ng kabiguan makaraang maging pang-ika-11 manlalaro sa 12 players na lumaban noon.


Sa kabila ng pagkatalo ay hindi nagpatinag si Hidilyn, para sa kanya, palaging may panibagong araw upang muling bumangon at ipagpatuloy ang nasimulan. Hindi rin naging madali ang lahat para kay Hidilyn mula sa mga pinagdaanan niya tungo sa pagkamit ng gintong medalya.


Sa mga panahong iyon, matinding hamon ang kinaharap ni Hidilyn dala ng kontrobersiya tungkol sa hindi sapat na pondo para sa paghahanda sa Olympics.

Gayunman, pinatunayan pa rin niya na hindi imposibleng mangarap at magtagumpay sa taong patuloy na nagsisikap.


Maituturing na isang simbolo na ang tunay na lakas ay hindi lamang nasusukat sa pisikal na kaanyuan at katangian kundi nasa pagpupursigi na makamit ang mga pangarap sa kabila ng mga hirap. Kaya naman noon pa man isa nang inspirasyon si Hidilyn sa mga kababaihang nangangarap sa buhay.


Tunay na hindi mababase sa kasarian ang lakas at kahinaan ng isang tao dahil kahit sa mundong tila dinodomina ng mga kalalakihan ay may mga kababaihan na kayang makipagsabayan at may kakayanang taglay, katulad ni Hidilyn na nagbigay ng karangalan hindi lang para sa sarili kundi pati sa ating bayan.


Ngayong National Women’s Month, nawa’y maging instrumento si Hidilyn sa mga kababaihan para magpursigi at ipakita ang kanilang likas na lakas at determinasyon upang magtagumpay.

 
 

ni Lester Bautista (OJT) @Life & Style | Mar. 7, 2025



Graphic: Si Alice Galang Eduardo, ang founder, president at chief executive officer (CEO) ng Sta. Elena Construction and Development Corporation, builder ng mga malalaking gusali.


Minsan ka na bang namangha sa mga magagandang gusali sa Metro Manila? ‘Yung mga naglalakihan at matatayog na istruktura gaya ng Mall of Asia, City of Dreams, Solaire Resort, Okada Manila at Resorts World Hotel and Casino.


Ikagugulat mo kaya kung malalaman mong babae pala ang nasa likod ng mga matataas na gusaling ito? And how did she crack a man’s world? Siya ang babaeng walang hindi kayang gawin…


Kilala sa mundo ng konstruksyon si Alice Galang Eduardo, ang founder, president at chief executive officer (CEO) ng Sta. Elena Construction and Development Corporation, builder ng mga malalaking gusali sa ating bansa.


Hindi agad naging matayog tulad ng isang gusali ang kuwento ng buhay ni Alice. Nagdaan siya sa maraming pagsubok at sakripisyo bago nakilala at tinaguriang “Woman of Steel”.


Bata pa lamang, malinaw na para kay Alice kung ano ang kanyang gusto at ito ay maging isang engineer. Subalit, may ibang pangarap ang kanyang ina para sa kanya — nais nitong mag-aral siya ng nursing o kaya ay medisina.


Sa kabila ng hindi nila pagkakasundong mag-ina, hindi sumuko si Alice. Sa halip din na maghinanakit, nag-aral na lamang siya ng kursong Management at sabay na tinutulungan ang pamilya sa kanilang negosyo — rice milling, trading at clothing export.


Dalawampu’t walong taon nang magsimula si Alice sa industriya ng konstruksyon. Isang simpleng pangarap at kuryosidad lang niya ito na magtagumpay sa mundo na pinaniniwalaang dominado ng mga kalalakihan. Siguro, ito ay dahil ang kanyang mantra sa buhay, “walang hindi kayang gawin.”


Tadhana na marahil, nakatagpo siya isang araw ng kliyente at nag-alok sa kanya kung interesado siyang maging supplier ng steel splice. Sa halip na mag-atubili, positibong tinugon ito ni Alice ng, “Lahat puwedeng gawin,” kahit na hindi pa siya sigurado at wala pang higit na kaalaman tungkol dito.


Ang kanyang kasagutan na may kasamang tapang at determinasyon ay naging susi sa pagpasok niya sa industriya ng konstruksyon. At ang kanyang puhunan? Sinseridad, passion at aggressiveness o pagiging agresibo.


Para kay Alice, mahalaga na maipakita sa lahat na may lakas at tapang na taglay upang magtagumpay. Dahil kapag nabatid nilang ikaw ay determinado, magtitiwala ang marami sa iyo. Sa bawat pagkakataon, pinatutunayan ni Alice na kaya niyang makipagsabayan at maging mahusay sa isang larangan na karaniwang para lamang sa mga kalalakihan.


Bukod sa katangiang ito, si Alice ay maituturing ding isang bilyonaryo. Alam n’yo bang kahit noong bata pa siya ay nakahiligan na niyang mag-ipon? Natutunan niyang magtanim at maghintay upang umani ng mga benepisyo sa pamamagitan ng sipag at tiyaga. Kung susuriin ang kanyang kuwento, isang teknik ito ng tagumpay na hindi lang batay sa suwerte kundi binubuo ng determinasyon at matalinong pagpaplano.


Ngunit, ang istorya ng buhay ni Alice ay higit pa sa pagiging isang matagumpay na negosyante. Isa rin siyang ina na pinili ang magpatuloy at magpursige sa kabila ng mga pagsubok at personal na hamon sa kanyang buhay.


Si Alice ay isang single mother sa tatlong anak — sina Jacqueline, Jameson at Jessica. Isang bahagi rin ng kanyang kuwento ay nang magdesisyon siyang wakasan ang kanyang kasal. Mas naging hamon pa para kay Alice nang ma-diagnose ang bunsong anak na mayroong autism. Subalit sa kabila ng lahat, natutunan pa rin niyang yakapin ang karunungan ng Diyos sa sitwasyon ng kanyang anak. Para kay Alice, “Siya pala ang magiging kasama ko every day, every night, sa lahat ng struggles ko siya. Siya ang mag-i-inspire din talaga sa akin.”


Totoong pinatunayan ni Alice na hindi lang siya isang “Woman of Steel” sa larangan ng konstruksyon, kundi isang tunay na superman ng ‘Pinas — isang ina na may pusong matatag gaya ng bakal at tapang na hindi matitinag.


Sa kabila ng lahat ng mga narating ni Alice, isang mensahe ang nais niyang ibahagi sa mga kababaihan: Ang pagiging babae ay hindi hadlang sa tagumpay.


Tulad ng kantang “It’s A Man’s Man’s Man’s World,” ay may isang babae na nagpapatunay na ang galing, tapang at kakayahan ay hindi nakasalalay sa kasarian. At ang istorya ng buhay ni Alice ay isang halimbawa ng babae na nagagawang makipagsabayan sa larangang pinaniniwalaang panlalaki lamang, kung saan nagsasabing hindi kailanman “babae lang” ang mga babae.


Ngayong Women’s Month, ating bigyang pagpapahalaga ang mensahe ng kanyang buhay — na walang limitasyon ang mga babae sa pag-abot ng kanyang mga pangarap. Ang tagumpay ni Alice Eduardo ay patunay na ang mga kababaihan ay hindi lamang bahagi ng isang kuwento, kundi sila mismo ang sumusulat at bumubuo nito.

 
 

ni Tope Ilagan @Feature | Nov. 9, 2024


Ang Marikina ay tinaguriang “Shoe Capital of the Philippines”, subalit higit pa r'yan ang ating bayang kinalakihan.


Maglakad ka man sa kahit saang kalye ng Lungsod ng Marikina, alam mo sa sarili mo na nasa Marikina ka na agad. Ang mga kalye ng Quezon City at Maynila, hindi mo alam kung saan nag-uumpisa at nagtatapos. Ang Ortigas, konti na lang, akala mo nasa Makati o BGC ka na.


Sa tagal nating namumuhay sa Marikina, ilang field trips na ang napuntahan at talagang makikita ang ganda at husay ng mga produktong Marikina. Ang mga negosyo sa paggawa ng sapatos na minana pa mula sa mga lolo't lola, para nating nasasaksihan ang galing sa paglikha ni Juan Luna, na kung saan, bawat sapatos, bagama’t pares ay isang Spolarium. Isang obra na matibay, matatag, abot-kaya at panlaban sa mga gawang Paris o Milan. 


Ito ang isang bagay na hindi dapat matigil ipakita hindi lamang sa ibang bansa kundi pati sa bawat Pilipino para maunawaan na ang paggawa ng sapatos ay 'di lamang negosyo o industriya, ito'y isang sining sa museong hindi naluluma.


Bakit nga ba espesyal ang Marikina? Tiyak na may mga magsasabi na ang Marikenyo at Marikenya ang nagbibigay-kulay sa lungsod. Kahit ilang bagyo o pag-apaw ng Tumana ang dumaan sa isang taon, makikita pa rin ang mga tao na kayang ngumiti at higit sa lahat, tumulong sa kanilang kapitbahay.


Hindi naman araw-araw ay may unos o pagsubok na kinakaharap ang lungsod, para sa mga residenteng malapit sa Marikina River Park, napakaganda ng nasisilayan ditong paglubog ng araw. Makikita sa park ang mga pamilya na isang testimonya na sa kabila ng bawat unos, ang lungsod ay yumayabong. Bawat sakuna ay isang oportunidad para mapatibay ang bawat isa.


Umunlad ang Marikina dahil ginusto ng mga tao ang isang maunlad na lungsod. Makikita ang progresibong pagbabago... bagong kalsada, bagong aspalto, bagong tulay, bagong high rise buildings. Pero ito ang pinakamaganda, nagawa pa rin ito nang hindi binabago ang hubog at pakiramdam na parang isang buong pamilya pa rin ang bayan ng Marikina. Kahit saang barangay, mararamdaman pa rin ang small-town vibe.


Ang mga hamon at pagsubok ay lilipas pero ang pagkakaroon ng busilak na hangarin para iangat ang lungsod at bawat isang Marikenyo at Marikenya ay hindi matitinag.

Malayo ang lalakbayin para maramdaman ang tunay na pagbabago pero ang Marikenyo at Marikenya ay handang magbago para sa ikabubuti, hindi lamang ng lungsod, kundi pati ng kapwa. 


Habang diretso ang tingin tungo sa pag-unlad, kapit-bisig naman ang mga residente ng lungsod tungo sa sama-samang lakas ng Marikina.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page