top of page
Search

by Info @Gulat Ka 'No?! | Feb. 2, 2026



Patrick Winata, isang martial artist mula sa Fakfak, West Papua, na literal na ibinuhos ang lakas ng katawan at damdamin upang makapasok sa Guinness World Records bilang “Most Boxing Pad Punching Rounds in 24 Hours.”


Suntok ng kamao, patak ng pawis, at tibok ng pusong hindi sumusuko. Iyan ang umalingawngaw sa isang indoor boxing ring sa Jakarta, Indonesia, habang sabay-sabay na nagbibilang pababa ang mga manonood.


Hindi ito ordinaryong laban, mga Ka-BULGAR, dahil 24 hours itong digmaan ng isang tao laban sa sariling pagod, sakit, at limitasyon.


Kaya naman, sabay-sabay na nating kilalanin si Patrick Winata, isang martial artist mula sa Fakfak, West Papua, na literal na ibinuhos ang lakas ng katawan at damdamin upang makapasok sa Guinness World Records bilang “Most Boxing Pad Punching Rounds in 24 Hours.”


Sa loob ng isang buong araw, walang tulog at walang atrasan—paulit-ulit niyang hinataw ang boxing pad hanggang umabot sa 223 rounds, ang nagawa niya sa loob ng 24 oras.


Pero hindi lang rekord ang habol ni Patrick, dahil bata pa lamang siya ay mulat na siya sa mga hindi patas na reyalidad ng mundo.


Isa sa pinakamasakit para sa kanya ang kalagayan ng mga batang may cancer sa Indonesia. Mula rito isinilang ang “Project24”— isang kilusan na humahamon sa mga tao na ibigay ang kanilang 24 oras, hindi para sa kasikatan, kundi para sa pag-asa.


May isang batang pasyente na naging personal na inspirasyon ni Patrick—isang batang akala nilang gumagaling na, ngunit biglang lumala ang kondisyon habang naghahanda siya para sa record attempt.


Nangako si Patrick na iuuwi niya ang Guinness certificate at ipapakita mismo sa ospital bilang patunay na natupad niya ang pangako. Ngunit makalipas ang dalawang araw, pumanaw ang bata. Masakit, pero doon niya hinugot ang lakas para tapusin ang laban. So sad, ‘di ba?


Gayunman, hindi rin biro ang paghahanda. Apat na buwang matinding training, disiplina sa pagkain, at mental conditioning ang kanyang dinaanan.


May mga sandaling gusto na niyang umatras—lalo na sa mismong laban.

Tatlong bahagi ang muntik nang magpabitaw sa kanya: una, ang oras na tila hindi umuusad; pangalawa, ang sandaling parang zombie na ang katawan dahil sa matinding panghihina; at pangatlo, ang yugto kung saan namanhid na ang kanyang mga kamay at paa. Hanggang sa isang kamay na lang ang gumagana, pero hindi pa rin siya sumuko. Grabe ‘no!


At dahil sa kanyang tagumpay, nakalikom ang Project24 ng mahigit 234 milyong rupiah para sa pediatric cancer support na ibinahagi sa Yayasan Kanker Anak Indonesia (YKAKI), isang cancer foundation sa Indonesia.


Ang kuwentong ito ay hindi lamang tungkol sa boxing o Guinness record. Isa itong paalala na may mga laban na mas mahalaga kesa sa tropeo.


Kung pagod ka na sa mga hamon ng buhay, ‘wag sumuko, beshie!


Alalahanin natin si Patrick—isang taong may malaking puso, umabot sa hangganan ng katawan, pero hindi kailanman iniwan ang dahilan kung bakit siya lumalaban. Sapagkat sa bawat oras na ginugol niya sa ring, may batang muling nabibigyan ng pag-asa.


Kayo ba? Kaya n’yo ba ang kanyang ginawa para sa iba? Hindi na kailangan ng ganu’ng paghihirap, besh. Minsan, sapat na ang simpatya, pagmamahal, at pag-unawa sa kapwa. Gets?


 
 

by Justine Berganio @Lifestyle | November 1, 2025



Halloween


Tuwing sumasapit ang dilim, kapag tayo’y tulog, sila naman ay gising. At sa mga oras na ‘yon, hindi lang hampas ng hangin o huni ng mga ibon ang maririnig sa gabi. Minsan, may mga boses, yabag, at bulong na tila dumadaloy sa hangin—mga tunog na hindi mo alam kung saan nanggagaling.


Pero para kay Edgardo Panuncialman Caluag, o mas kilala bilang Ed Caluag, ang tinaguriang “Hari ng Kababalaghan,” at kilalang paranormal investigator ng bansa, ang mga ganitong sandali ay hindi dahilan para matakot, bagkus, ito ang kanyang mundo. 


Mula pagkabata, si Ed ay may kakaibang koneksyon na sa mga nilalang na hindi nakikita ng ordinaryong mata. Noon, sakitin siya, at isa pa, halos dalawang taon din siyang naging bedridden.Sa mga panahong iyon, may batang madalas dumadalaw at nakikipaglaro sa kanya—akala niya’y kapitbahay lang, pero nang dumating ang kanyang ina, bigla itong naglaho. At du’n nagsimula ang misteryong hindi na niya iniwan.


Lumaki siyang tinutukso, tinatawag na “abnormal,” at madalas pang pinagtatawanan. Pero imbes na matakot o magtago, niyakap ni Ed ang kanyang kakaibang kakayahan. Nagbasa, nag-research, at naglakbay siya hanggang sa naging isa sa pinakakilalang paranormal investigators sa bansa.


Mula sa mga seminar sa Luneta, hanggang sa mga ghost tour sa Intramuros, at sa mga TV shows tulad ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), hindi lang siya basta nagpasikat, dahil nagbigay rin siya ng linaw sa mga misteryong pilit pinagtatakpan ng takot at duda.

Ngunit higit pa sa kababalaghang natutunan ni Ed, ang tunay na misyon niya ay unawain ang dalawang mundo—ang espiritwal at ang makatao. 


Aniya, “‘Yung mundo nga na hindi pantao pilit kong inuunawa, ba’t hindi ko uunawain ‘yung mundo ng tao?”


Hindi lang “third eye” ang bukas kay Ed, dahil maging ang kanyang puso’t isipan ay bukas din para sa mga bagay na lampas sa lohika ng agham. Habang ang iba ay tumatakbo palayo sa dilim, siya nama’y humaharap dito, dala ang tapang at kuryosidad ng isang tunay na paranormal investigator.


Gayunman, payo naman niya para sa mga may “third eye” o sa mga simpleng taong nakakaramdam ng kakaiba, huwag umanong basta-basta sumubok. Respeto at tamang intensyon ang sandata. Gaya ng kanyang sikat na katagang, “Hindi ako pumunta rito para makipag-away.” 


Ayon pa sa kanya, “Always set your intention, let them know. Hindi ‘yung basta-basta ka mag-i-invade, ‘pag may taong biglang pumasok sa bahay mo na hindi mo kilala, siyempre magagalit ka.”


At kung may gusto raw siyang ibulgar, simple lang—maging mapanuri. Dahil hindi lahat ng “psychic” na makikita ninyo ay totoo. At siyempre, ‘wag kalimutang manood sa channel ng nag-iisang Ed Caluag!


Ngayong episode ng eBulgar Mo, ipinapakita ni Ed Caluag na hindi mo kailangan ng agimat para makita ang katotohanan, dahil ang kailangan mo lang ay bukas na isip at malalim na pang-unawa.Para sa kanya, ang tunay na “third eye” ay hindi lang nasa noo, dahil nasa puso rin ito. Dahil kung marunong kang makiramdam sa damdamin ng kapwa, mas malalim pa ‘yon kesa sa anumang multo.


Ngayong Undas, muli nating gunitain ang ating mga mahal sa buhay, ipagdasal natin silang lahat—upang sila ay maliwanagan at makatawid sa kabilang buhay.


Habang nananatili ang mga kababalaghan na hanggang ngayon ay wala pa ring kasagutan, nandito sina Michelle at Thons, na muling nagbukas ng panibagong kuwento ng kuryosidad at kaalaman upang maunawaan natin na hindi lang ang mga buhay ang naghahanap ng kasagutan, kundi pati na rin ang mga espiritung nananatili at naghahanap ng sagot sa kanilang mga tanong.


Sa likod ng bawat kuwentong nakakatindig-balahibo, naroon si Ed — ang gurong naging gabay sa dilim, at patunay na minsan, ang tunay na misteryo ay hindi sa mundo ng mga patay, kundi sa kung gaano kahanda ang tao na maniwala sa mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng karaniwang mga mata.


 
 

ni Shine Hubilla (OJT) @Life & Style | Mar. 24, 2025





Sa mundo ng pamamahayag, hindi biro ang tumayo sa gitna ng peligro, lalo na kung ang mga kuwentong nais mong ihayag ay binabalewala ng lipunan. Pero para kay Kara David, walang puwang ang takot pagdating sa paghahanap ng katotohanan.


Si Kara Patria Constantino David-Cancio o mas kilala bilang Kara David ay lumaki sa Maynila, na bata pa lamang ay nahubog na sa mundo ng media at serbisyo-publiko. Siya ang bunso sa apat na magkakapatid.


Ang kanyang ama, na si Professor Randy David ay isang batikang sociologist, journalist at public intellectual, habang ang kanyang ina naman ay si Karina Constantino-David, isang kilalang civic leader at dating chairperson ng Civil Service Commission.


Sa halos tatlong dekada niya bilang isang journalist, dokumentarista at propesor, si Kara ay hindi lang simpleng tagapaghatid ng balita, isa siyang tunay na tagapagtanggol ng mga inaapi.


Sa bawat kuwentong kanyang inilahad, bitbit niya ang tinig ng mga nasa laylayan, mga buhay na hindi madalas nabibigyang pansin, mga pangarap na nais magtagumpay at mga pamilyang patuloy na lumalaban para sa mas magandang kinabukasan.


Sa kanyang mga dokumentaryo, hindi lang siya tagapag-ulat kundi katuwang ng mga taong kanyang nakikilala. Isa sa kanyang pinakatanyag na gawa ay ang ‘Ambulansiyang de Paa (2009)’, na tumalakay sa kakulangan ng serbisyong pangkalusugan sa Oriental Mindoro.


Ipinakita rito kung paano kailangang maglakad nang ilang oras ang mga pasyente para makarating sa pinakamalapit na ospital, isang realidad na hindi dapat ipagsawalang-bahala. Dahil sa kanyang matapang na pagsasaliksik, hinirang siya at nagwagi ng George Foster Peabody Award, isang prestihiyosong parangal sa larangan ng journalism.


Hindi lang iyon, sa iba niyang dokumentaryo tulad ng ‘Gamu-gamo sa Dilim’, ‘Buto’t Balat’ at ‘Selda Inosente’, mas lalo niyang pinatingkad ang mga nararanasang suliranin ng mga Pilipino sa malalayong lugar, ang malnutrisyon, kahirapan at kawalan ng access sa edukasyon.


Pero para kay Kara, hindi sapat ang pagsisiwalat ng katotohanan, kailangan ito ng aksyon. Kaya noong 2002, itinatag niya ang Project Malasakit, isang foundation na nagbibigay ng scholarship sa mga kabataang gustong makapag-aral ngunit walang kakayahang tustusan ang kanilang edukasyon.


Sa loob ng mahigit dalawang dekada, daan-daang kabataan na ang natulungan ng proyektong ito, marami sa kanila ngayon ay matagumpay na sa kani-kanilang larangan. Bukod sa pagiging isang journalist, isa rin siyang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, kung saan ibinabahagi niya ang kanyang kaalaman at prinsipyo o papanaw sa mga susunod na henerasyon ng mga mamamahayag. Masasabi rin natin na isa siyang mapagmahal na ina sa kanyang anak na si Julia, isang lector at commentator sa simbahan at isang triathlete.


Sa kabila ng kanyang abalang iskedyul, sinisigurado niyang nabibigyan ng sapat na oras ang kanyang pamilya at personal na interes gaya ng sports at ang kanyang faith. Sa panahon ngayon, kung saan patuloy na hinahamon ang kakayahan ng kababaihan, si Kara David ay isang patunay na hindi lamang tapang ang kailangan, dapat may taglay na talino, malasakit, at paninindigan. Hindi siya umuurong sa mga mapanganib na kuwento, hindi siya natatakot sa mga hadlang at higit sa lahat, hindi niya isinuko ang kanyang misyon. At sa pamamagitan ng kanyang propesyon, ipinapakita niyang hindi kailangan ng mataas na kapangyarihan para maging isang bayani ng ating bayan at protektor o tagapagligtas ng katotohanan.


Bilang pagdiriwang ngayong Women’s Month, kaisa tayong nagbibigay pugay sa lahat ng kababaihan sa buong mundo!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page