top of page
Search
  • BULGAR
  • Mar 1, 2024

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Marso 1, 2024


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rolly ng Bataan.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nasa restaurant ako, uminom ako ng tubig doon at hindi ko namalayan na ninakawan na pala ako. Nakuha ng magnanakaw ‘yung bag ko. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Rolly

Sa iyo, Rolly,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nasa restaurant ka ay may magkakalat ng tsismis laban sa iyo, gagawin ito ng isa mong kaaway na may lihim na inggit sa iyo.


Ang umiinom ka ng tubig ay nagpapahiwatig na liligawan ka ng isang lalaking matagal nang may gusto sa iyo, pero hanggang doon na lang dahil hindi ka niya pakakasalan.


Samantala, ang nanakawan ka ng bag ay babala na may mawawala sa iyong ari-arian.


Ito rin ay nangangahulugan ng pagkalugi sa negosyo. May posibilidad na ma-bankrupt ka sa kasalukuyan mong pinagkakakitaan.

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Pebrero 28, 2024


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Norberto ng Cavite.


Dear Maestra,


Binata pa ako at naghahanap ng mapapangasawa.


Napanaginipan ko na pinauwi ako sa probinsya ng mga kapatid ko para tanggapin ‘yung mana ko sa yumao kong ama.


Nang makarating ako sa probinsya, nagmadali akong maglakad papunta sa gate, nang bigla akong natapilok, sumakit ang paa ko at hindi ko na ito maihakbang.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Norberto ng Cavite


Sa iyo, Norberto,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nagpunta ka sa probinsya para tanggapin ‘yung mana sa yumao mong ama ay hindi totoo na may mamanahin ka, sinabi lang nila iyon sa iyo para umuwi ka sa probinsya at siguraduhing pakakasalan mo ang babaeng gusto nilang mapangasawa mo.


Samantala, ang nagmamadali kang maglakad papuntang gate ng bahay n’yo, natapilok at sumakit ang paa mo hanggang sa hindi mo na ito maihakbang ay senyales na mahirap lang ang mapapangasawa mo. Hindi siya mahusay sa mga gawaing bahay, may katamaran din siya at mahilig makipagkuwentuhan sa kapitbahay.


Matapat na sumasaiyo,

Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Pebrero 27, 2024


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Joel ng Malabon.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nasusunog ang bahay namin. Nagmamadali akong lumabas para maligtas ko ang aking sarili, pero nang hawakan ko ang pinto para sana makalabas ay napaso ako.

Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko ?

Naghihintay,

Joel ng Malabon

Sa iyo, Joel,


Maganda ang ibig sabihin ng panaginip mo na nasusunog ang bahay n'yo, ito ay pagbabago ng kapalaran tungo sa pag-unlad. Gaganda na ang iyong buhay at susuwertehin ka na rin sa maraming bagay.


Samantala, ang napaso ka nang hawakan mo ang pinto para makalabas ka ay senyales na may magandang kapalaran ang nakalaan sa iyo. Bubuhos ang grasya sa iyo at hindi ka na kakapusin kailanman.

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page