top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 11, 2022



Hinikayat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko na simulan na ang paglilinis at pagkalas sa mga election-related paraphernalia, makaraan ang pangangampanya ng mga kandidato nitong 2022 National and Local Elections.


Pahayag ng MMDA, dapat nang baklasin ang mga nakadikit o nakasabit na election posters, tarpaulin at iba pang ginamit sa kampanya at itapon na ang mga ito sa tamang basurahan.


Anila, hindi tamang itapon ang mga basura ng pangangampanya kung saan-saan lamang dahil ito ay magdudulot ng pagbabara ng mga daluyan ng tubig at pagkakaroon ng polusyon.


Giit ng ahensiya, ang pagsuporta sa mga ibinotong kandidato ay dapat tumbasan o higitan ng taumbayan ng pagpapakikita ng pagmamahal at malasakit sa kalikasan.


Gayundin, mahalaga umanong pairalin ng bawat isa ang tunay na disiplina magmula sa sarili, na maipapakita sa pamamagitan ng pagkakaroon ng inisyatibong linisin ang kapaligiran, lalo sa kani-kanyang nasasakupan.


 
 

ni Zel Fernandez | May 11, 2022



Kasunod ng naging pag-aaklas ng ilang mga kabataan at manggagawa sa harap ng opisina ng Comelec bunsod ng kasalukuyang resulta ng halalan, nakiusap ang Philippine National Police (PNP) sa mga raliyista na gawin ang kanilang kilos-protesta sa tamang lugar.


Ani PNP Director for Operations at Deputy Commander ng Security Task Force for National and Local Elections, P/MGen. Valeriano de Leon, hindi anila pipigilan ang anumang uri ng pagkilos lalo na kung bahagi ito ng malayang paghahayag ng saloobin na naaayon sa pagiging demokratikong bansa ng Pilipinas.


Paliwanag pa ng PNP, iginagalang ng ahensiya ang karapatang maghayag ng saloobin ng bawat Pilipino, salig sa itinatadhana ng Saligang Batas.


Ngunit, apela ni De Leon sa mga nais masagawa ng mga kilos-protesta, maging mahinahon at tiyaking hindi ito magdudulot ng abala sa mas nakararami, lalo pa ngayon na halos normal na muli ang sitwasyon pagkaraan ng eleksiyon.


Kaugnay nito, nauna nang nagbabala si PNP Officer-In-Charge, P/LtG. Vicente Danao, Jr. na sakaling mayroong umanong magmatigas o magpumilit pa ring ipagsawalambahala at labagin ang batas ay gagamitin nito ang buong puwersa upang managot ang mga nasa likod ng anumang uri ng marahas na pamamaraan ng protesta.


 
 

ni Zel Fernandez | May 11, 2022



Buo ang paniniwala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na naging susi sa matagumpay na 2022 national at local elections ang matibay at magandang ugnayan sa pagitan ng mga law enforcement agencies kabilang ang AFP, PNP at Coast Guard.


Kaugnay nito, binigyan din ni AFP Spokesman, Col. Ramon Zagala ng espesyal na pagkilala at papuri ang mga gurong nakatalaga sa mga presinto, sa pagiging alisto nito sa pagpapaalam sa mga awtoridad ng anumang uri ng aktibidad na posibleng maging banta sa seguridad ng halalan sa bansa ngayong taon. Katuwang din dito ang Department of Education (DepEd) Election Task Force.


Gayundin, bagaman halos patapos na ang eleksiyon sa mayorya ng mga lalawigan at probinsiya sa bansa, ayon kay Zagala, patuloy pa rin umanong nakabantay ang AFP sa pakikipag-ugnayan sa mga field commander.


Samantala, tinatayang aabot sa 70,000 sundalo mula sa Air Force, Navy at Army ang nakakalat hanggang ngayon sa iba’t ibang panig ng bansa upang makiisa at umagapay sa pagpapanatili ng mapayapang halalan, bilangan ng mga boto hanggang sa araw ng proklamasyon ng mga mananalong bagong pinuno ng bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page