top of page
Search

@Editorial | August 26, 2022


Mula noon hanggang ngayon, problema pa rin ang baha.


Ang masaklap, mukhang patindi nang patindi ang sitwasyon, partikular sa Metro Manila.

Kaya nais paimbestigahan sa Kamara ang estado at kakayahan ng “anti-flood master plan” para sa Kalakhang Maynila at mga kalapit na lugar. Ito ay para matiyak ang “cost-effective” na paggastos para sa naturang plano.


Layon ding makahanap ng mga solusyon sa lumalalang pagbaha.


Batid naman natin na isa ang Pilipinas sa mga bansang madalas tamaan ng kalamidad na mayroong average na 20 bagyo kada taon.


Napag-alamang mayroong P350 billion Metro Manila Flood Management Master Plan, na roadmap ng pamahalaan at naka-programa mula 2012 hanggang 2035. Kumusta kaya ang proyekto?


Samantala, bukod sa pagkakaroon ng epektibong proyekto kontra baha, napakahalaga na lahat ay nakikibahagi sa paglutas sa problema.


Kung lahat ay disiplinado, kahit paano ay mapipigilan ang grabeng baha. Matagal nang sinasabi na kontrolin ang basura, itapon nang maayos, pero marami pa rin ang pasaway.

Huwag nating hintaying mas lumala ang sitwasyon na bigla na lang tayong lumubog sa baha. Walang ibang panahon kundi ngayon.


Alamin at makiisa sa mga programa at proyekto para makaiwas sa pagbaha. Huwag nang pasaway, plis lang!

 
 

@Editorial | February 13, 2022



Nagbigay ng katiyakan ang Commission on Elections (Comelec) sa publiko na sapat ang suplay ng kuryente at walang mararansang power interruption sa araw mismo ng halalan sa Mayo.


Ayon sa tagapagsalita ng Comelec, sa ngayon ay tuluy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga major power supplies at electric cooperatives sa buong bansa para matugunan ang isyu sa power supply pagdating ng halalan.


Mayroon na umano silang binuong working group na tututok dito na siyang makikipag-ugnayan sa iba’t ibang power producers sa bansa.


Kung magsasagawa ang mga electric companies ng schedule power interruptions tulad ng maintenance breaks ay kailangan nila itong malaman para maiwasan ang critical moments.


Napag-alamang sa mga nakaraang eleksiyon, mayroon namang naka-standby na power generator ang Comelec kung sakaling magkaroon ng power interruption, lalo na’t automated na ang halaan.


Ang mga ganitong isyu ang isa sa mga dapat mabigyang-linaw agad ng kinauukulan upang hindi magdulot ng pangamba o duda sa taumbayan.


Bagama’t ilang buwan pa bago ang eleksiyon, mas mainam na handa at nasa maayos ang lahat.


Babala naman sa mga walang magawa sa buhay kundi ang magpakalat ng fake news kaugnay sa eleksyon, manahimik na kayo, utang na loob.


 
 

@Editorial | October 18, 2021



Kasunod ng pagbaba sa Alert Level 3 ng National Capital Region (NCR), may mga alkalde na nag-aalangan.


Kaugnay nito, una nang nagpahayag ang ilang lungsod na hindi ipatutupad ang general policy na pinapayagan nang lumabas ang lahat ng edad.


Una nang lumabas sa ulat na pinagbabawalan pa ring makalabas ang mga bata, senior citizens at maging ang mga mayroong comorbidities sa Valenzuela, Quezon City, Pateros, San Juan at Parañaque.


Bagama't sa sa San Juan ay pinapayagan naman ang mga bata na lumabas pero para lamang sa essential activities.


Kung hindi magkakaroon ng single policy, posibleng malito at magkagulo ang mga residente ganundin ang mga tagapagpatupad ng batas.


Kaya tama na magpulong muna ang mga alkalde at subukang magkaroon ng iisang panuntunan.


Mahirap na may kani-kanyang polisiya ang mga local government units (LGUs).


Tila nagkaroon pa ng isyu sa ginawang pagbababa sa Alert Level 3 sa NCR, nang sabihing hindi umano kinonsulta ang mga alkalde sa nasabing desisyon, kaya marahil umaapela ang iba sa kanila.


Sana ay maging maayos na ang lahat, maiwasan na sana ang malabong usapan. Kung tayong mga nasa posisyon ay 'di nagkakaintindihan, paano natin pangungunahan ang ating nasasakupan?


Para naman sa mga bata at matatanda na naglabasan na, huwag pasaway at laging sundin ang mga protocols laban sa COVID-19.


Huwag magpabaya, hinay-hinay sa gala at laging mag-ingat.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page