top of page
Search

@Editorial | April 2, 2023


Nalalapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, tiyak gagawa na naman ng eksena para mabahiran ito ng pamumulitika at fake news.


Tulad ng usapin kamakailan na kumukuwestiyon sa ilang local government units (LGUs) na nagbabawal umano na makakuha ng benepisyo ang mga senior citizens na hindi rehistradong botante.


Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi kailangang magrehistro ng senior bilang botante para makatanggap ng mga benepisyo mula sa kanilang lokal na pamahalaan.


Sa ilalim ng Republic Act 7432 na inamyendahan ng RA 9257 at 9994, nakasaad na ang mga Pilipino na edad 60 pataas ay entitled na makatanggap ng 20% diskuwento sa mga bilihin at serbisyo mula sa lahat ng mga establisimyento.


Entitled din ang mga senior sa assistance mula sa gobyerno pagdating sa employment, edukasyon, kalusugan, social services, programang pabahay, access sa pampublikong transportasyon, insentibo para sa social care at social pension.


Ginawa ng ahensya ang pahayag kasabay ng inilabas na Memorandum Circular 2023-045 na nagbibigay-diin sa mga benepisyo na dapat matanggap ng mga senior citizen kahit na hindi sila botante.


Kailangan lamang na magsumite ng katibayan na residente sa naturang lokal na pamahalaan, barangay certification, at anumang valid government ID na may nakalagay na address para ma-claim ang mga nabanggit na benepisyo.


Malinaw ‘yan, lahat ng senior citizen, botante man o hindi ay may karapatan sa ayuda mula sa gobyerno.


Sa mga nagpapakalat ng fake news at namumulitika, tigilan n’yo!


 
 

@Editorial | March 3, 2023



Isa sa masasabing nagpapalala sa karamdaman ng tao ay ang hindi pagpapatingin sa doktor.


Marami sa ating mga kababayan ang natatakot magpa-checkup dahil sa gastos.


Kaya dapat itong mabigyan na ng pansin ng kinauukulan.


Sa ngayon, isinusulong na ng ilang mambabatas ang free medical checkup sa bansa sa lahat ng members sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.


Sa pamamagitan nito ay masisiguro na lahat ay may sapat na access na matugunan ang iniindang karamdaman o para malaman kung mayroon mang potential serious health condition ang isang tao.


Sa ilalim ng Universal Health Care Act, lahat ay automatic na member ng PhilHealth, at kailangan umano na kasama na sa benepisyo ng nasabing ahensya ang free medical checkups.


Ang paglalaan ng oras sa free medical checkups ay malaki ang maitutulong sa pagsalba ng buhay ng isang tao.


Sana maging mas seryoso ang gobyerno sa panukalang ito. Kalingain natin ang lahat ng mamamayan, anumang estado sa buhay.


Nakasalalay sa kalusugan ang isang maayos na pamayanan. Gamitin natin ang pondong mayroon tayo para maging maayos ang kalagayan ng bawat isa.


Napakalaking bagay na hindi na pinoproblema ng mag-anak kung saan kukuha ng panggastos.


Ilapit natin sa taumbayan ang serbisyong medikal nang wala nang pagsasakripisyo.


 
 

@Editorial | March 1, 2023



Isang linggong tigil-pasada, mula Marso 6 hanggang 12, ang ikinasa ng iba't ibang transport group.


Ito ay bilang pagtutol sa nakaambang phaseout sa mga traditional jeepney, UV Express at multicab na bigong sumanib sa mga kooperatiba para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVM) ng gobyerno.


Aabot sa 40,000 units ng traditional jeepneys at UV Express ang inisyal na magtitigil-pasada oras na hindi bawiin ng Land Transportation Franchising and Regulatory (LTFRB) ang Memorandum Circular 2023-013 ukol sa PUV Modernization.


Humihingi naman sila ng paumanhin sa mga pasaherong maaapektuhan ng kanilang tigil-pasada.


Nauunawaan natin ang hinaing ng mga operator at driver na hirap talagang makatugon sa bagong programa gayunman, hindi maiiwasan na maaapektuhan din talaga ang publiko kapag natuloy ang kanilang protesta. Mahaba-mahaba ang isang linggo, tiyak na naiisip na ng mga komyuter ang mala-kalbaryong sitwasyon. Apektado ang trabaho at negosyo. Napakahalaga ng transportasyon, kaya nitong patigilin ang ekonomiya.


Kaya dapat tutukan ng kinauukulan ang usapin sa PUV Modernization, baka sakaling may paraan pa upang hindi matuloy ang malawakang tigil-pasada.


Naniniwala tayo na magiging maayos din ang lahat kung mapag-uusapan. Kailangan lang ng magandang plano, pakikinig at pagkakasundo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page