top of page
Search

@Editorial | Abril 13, 2024



Bukod sa malalang trapik at sira-sirang kalsada, isa sa nakakapag-init pa ng ulo ay ang mga astang hari sa lansangan.


Sila ‘yung mga kapalmuks na taga-gobyerno na ayaw na naiipit sa trapik kaya gumagamit ng sirena, blinkers at iba pang signaling o flashing devices.


Ang nakalulungkot, tila walang magawa ang mga otoridad partikular ang mga traffic enforcers. Sa halip na harangin at hulihin, may pagkakataon na sila pa ang humahawi sa ibang motorista para magbigay ng daan sa mga VIP kuno.


Pero, ngayong ipinagbawal na sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno na gumamit ng wang-wang, blinkers at ibang katulad na devices, tingnan natin kung may matigas pa rin ang ulo na susuway.


Batay sa Administrative Order No.18, ang hindi otorisado at pagkalat ng wang-wang at iba pang devices ay nagdudulot ng pagkaantala ng trapiko at hindi ligtas na mga kalsada at kapaligiran.


Samantala, hindi naman sakop ng direktiba ang Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), fire trucks, hospital ambulances at iba pang emergency vehicles.


Kasunod nito, magsasagawa umano ng crackdown ang PNP laban sa mga motorista na patuloy na gumagamit ng sirena at blinkers.


Paalala, hindi lang mga taga-gobyerno ang bantay-sarado kundi lahat ng nasa kalsada.


Sa ilalim ng PD 96 walang penalty sa mga first offense subalit, kukumpiskahin ang mga blinkers habang may criminal liability na sa ikalawang offense at pagkakakulong ng hanggang anim na buwan. Hindi rin ligtas ang mga nagbebenta ng wang-wang at blinkers.


Apela sa ating mga lider at kinatawan sa gobyerno, bilang tayo ang nagpapatupad ng batas, magsilbi sana tayong ehemplo at hindi 'yung pasimuno pa ng pagpapasaway. 


 
 

@Editorial | November 29, 2023



Maramina ang umaaray sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas. Taliwas sa mga ulat na pababa na ang presyo matapos bumaba ng 2% ang presyo ng regular milled rice nitong Oktubre sa P42.21 per kilo mula sa P43.05 noong Setyembre.


Bumaba rin umano ang presyo ng well milled rice ng 2.1% sa P45.76 per kilo mula sa P46.75 noong Setyembre.

Iginiit din na maraming suplay ng bigas sa bansa at hindi lamang ito nailabas nang tama, bagay na sana'y inaayos na ng gobyerno, mula sa pagtatanim, processing hanggang sa distribusyon at retail para maramdaman naman ang mas pinahusay na produksyon sa sektor ng agrikultura.

Ang problema, nagbabanta na namang tumaas pa ang presyo ng bigas ngayong Kapaskuhan.

Nananatili raw na mataas ang farmgate price ng palay ngayong patapos na ang anihan.


Nagbabala na rin ang isang grupo na posibleng pumalo sa 60 pesos kada kilo ng bigas sa mga susunod na linggo kung magpapatuloy ito.

Sa ganitong sitwasyon, sana'y malaman agad ng pamahalaan kung bakit iba ang nangyayari sa tila ibinibida? Ang sinasabing pagbaba ng bigas, bakit naging pataas?

Dapat ding mas paigtingin ang inspeksyon sa mga bodega ng bigas dahil baka may mga nakakalusot na naman.


Napakahalaga ng bigas, halos ito na lang ang pumupuno sa sikmura, kahit wala ng ulam, mabusog lang.


 
 

@Editorial | October 27, 2023




Parami nang parami ang kaso ng teenage pregnancy o ‘yung pagbubuntis kahit na nasa murang edad pa lamang.


Base sa datos ng Commission on Population and Development (CPD), noong 2021 ay nasa 2,300 na kabataan na may edad 10 hanggang 14 ang nabuntis.


Mas mataas umano ito kumpara sa 2,000 kaso na naitala bago ang pagpasok ng pandemya.


Sa ngayon ay nakatakdang bumuo ang pamahalan ng mga programa at polisiya na inaasahang tutugon sa patuloy na pagtaas ng teenage pregnancy sa bansa.


Kahit na mababa pa lamang ang bilang na ito kumpara sa buong populasyon ng Pilipinas ay kailangan na itong matugunan dahil sa banta nito sa kalusugan at buhay ng mga kababaihan.


Magbibigay din ang pamahalaan ng Comprehensive Sexual Education sa mga kabataan kung saan bahagi ito ng long-term solution.


Inaasahan din ang tulong ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Interior and Local Government (DILG) na magbibigay ng tugon sa naturang problema.


‘Ika nga sa kasabihan ng matatanda, “Ang hindi marunong maghintay, madalas ay maagang nagiging nanay”.


Lagi nating tandaan na sa simula lang ang sandaling sarap pero ang kapalit nito ay pangmatagalang hirap.


Napakahalaga rin ng suporta ng pamahalaan upang hindi mapagkaitan ng magandang kinabukasan ang mga kabataan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page