- BULGAR
- Mar 19, 2025
by Info @Editorial | Mar. 19, 2025

Tuwing halalan, ang ating bansa ay nababalot ng kaliwa't kanang isyu sa pulitika na tumatalakay sa iba't ibang aspeto ng pamumuhay ng mamamayan.
Ang mga isyung ito ay karaniwang nagsisilbing pangunahing tema sa mga kampanya ng mga kandidato. Mula sa mga isyu ng kahirapan, edukasyon, kalusugan, at pambansang seguridad, hanggang sa mga personal na atake, disinformation at mga akusasyon ng katiwalian.
Kaya ang mga botante ay nahaharap sa isang mahirap na desisyon kung sino ang karapat-dapat na mamuno sa ating bansa.
Sa kabila ng lahat ng ito, ang publiko, bilang mga botante, ay may tungkuling maging mas wais at mapanuri sa pagpili ng mga lider na iluluklok sa gobyerno.
Dapat nating tandaan na ang isang masusing pagsusuri sa bawat kandidato, sa kanilang mga plataporma, track record, at kredibilidad, ay higit na mahalaga kaysa sa mga emosyonal na reaksyon o sandali ng kasikatan na kadalasang nakakapag-impluwensya sa ating desisyon.
Marami sa ating mga kababayan ang madaling matukso sa mga pahayag at pangako ng mga kandidato, lalo na kung ito ay may kasamang mga dramatikong anunsyo o magagandang pangako na tila mabilis matupad.
Sa halip na maging biktima o mabudol ng mga taktika ng mga pulitiko, ang publiko ay dapat magpakita ng mas mataas na antas ng pananagutan sa pagboto.
Magsikap tayo na maging mapanuri, huwag basta magpadala sa mga emosyon at propaganda, at piliin ang mga lider na tunay na may malasakit at kakayahang maglingkod para sa ikabubuti ng nakararami.




