top of page
Search

by Info @Editorial | Mar. 22, 2025



Editorial

Ang mga guro ay naglalaan ng oras at lakas hindi lamang sa pagtuturo kundi pati na rin sa paggawa ng mga papeles, ulat, at dokumentasyon na kinakailangan ng sistema. 

Bagama’t mahalaga ang tamang pagtatala at pagsusuri sa mga estudyante, ang patuloy na pagdami ng paperwork ay nagiging sagabal sa kanilang pangunahing layunin: ang magturo.


Kaugnay nito, plano ng Department of Education (DepEd) na bawasan ng 57% ang paperwork ng mga guro sa pamamagitan ng bagong kautusan.


Batay sa datos ng ahensya, pumapalo sa 174 na mga school form ang ginagawa o sinasagutan ng mga guro na mabigat na para sa kanila.


Sa bagong panuntunan ng ahensya, limang forms na lamang ang kinakailangang sagutan ng mga titser. Ibinaba rin sa 31 ang ancillary task at 39 na teaching related assignment.


Nilinaw naman ng ahensya na ito ay nakadepende sa posisyon ng mga ito sa paaralan na kanilang pinapasukan.


Masasabing ang hakbang na ito ay tugon upang mas mapabuti ang kalidad ng edukasyon at mabawasan ang pasanin ng mga guro sa administratibong gawain.


Una nang natuklasan ng pag-aaral ng DepEd na labis ang oras na ginugugol ng mga guro sa paperwork, na naglilimita sa kanilang oras sa paggawa ng lesson plans at pakikisalamuha sa mga estudyante.


Lumabas din sa isang survey na 42% ng mga titser ang nagtatrabaho ng mahigit 50 oras kada linggo, kung saan malaking bahagi nito ay napupunta sa gawaing hindi direktang may kaugnayan sa pagtuturo. 


Kaya umaasa tayo na sa gagawing bawas-paperwork, ang mga guro ay mas magagampanan na ang kanilang papel bilang mga tagapaghubog ng mga kabataan. 


Ang pagbawas ng paperwork ay hindi lamang isang hakbang para sa kapakanan ng mga guro kundi para sa kabutihan ng buong sektor ng edukasyon.

 
 

by Info @Editorial | Mar. 21, 2025



Editorial


May inaasahang tigil-pasada simula Marso 24 hanggang 26. 

Ito ay base sa anunsiyo ng grupong Manibela, kung saan, layon nilang kuwestiyunin ang magkaibang bilang ng jeepney consolidation na inilalahad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) na indikasyong hindi umano nagtutugma ang datos ng dalawang ahensya sa PUV modernization.


Tila wala nang katapusan ang isyu sa pagitan ng PUV operators, drivers at gobyerno.

Batid naman natin na ang jeepney, na matagal nang simbolo ng kulturang Pilipino, ay nahaharap sa isang malaking hamon: ang proseso ng modernization. 


Isinulong ito ng pamahalaan upang mapabuti ang sistema ng pampasaherong transportasyon sa bansa, ngunit nagdulot din ito ng mga agam-agam at pagtutol mula sa mga tsuper at operator ng jeepney. 


Sa kabila ng magandang layunin ng modernisasyon, hindi maikakaila na may mga hindi pagkakaunawaan at problema sa implementasyon na nagiging sanhi ng mga tigil-pasada.Mahalaga ring maunawaan ng pamahalaan ang kalagayan ng mga tsuper.


Marami sa kanila ay umaasa lamang sa kanilang araw-araw na kita mula sa pamamasada, at ang pagbibigay ng pautang o subsidies ay hindi sapat upang matugunan ang kanilang pangangailangan. Kaya’t hindi maiwasang magdulot ng mga problema tulad ng tigil-pasada kung saan maraming commuters ang apektado, at nagkakaroon ng matinding trapik at abala sa buong bansa.


Sa kabilang banda, hindi rin maiiwasan ang pangangailangan ng modernisasyon. Ang lumang jeepney ay nagdudulot ng polusyon at panganib sa kalusugan ng mga pasahero at tsuper. Ang makabagong mga sasakyan ay naglalayong maging environment-friendly at mas ligtas sa kalsada. 


Dahil dito, ang solusyon ay hindi simpleng pagpili ng isang panig lamang. Kailangang magkaroon ng masusing pag-uusap at kompromiso sa pagitan ng gobyerno, mga tsuper, at iba pang sektor.

 
 

by Info @Editorial | Mar. 20, 2025



Editorial


Sa bawat patak ng pawis, pagod at sakripisyo ng mga magsasaka, muling nahaharap ang sektor ng agrikultura sa isang hamon na hindi biro — ang malupit na epekto ng sobrang supply ng mga produkto at ang umano’y sobrang pag-aangkat ng produkto.


Sa kabila ng pangarap ng mga magsasaka na makamit ang tamang ani at kita, tila ba hindi na sapat ang kanilang mga pagsusumikap upang magtagumpay.


Ang isa pang masaklap na katotohanan, kung sino pang nagtatanim ng pagkain, sila pa ang nakararanas ng gutom.


Sa kabila ng mga pagsusumikap ng mga magsasaka na magtanim ng gulay tulad ng kamatis at sibuyas, nauurong ang kanilang mga kita dahil sa malaking volume ng mga imported na produkto na hindi lamang mura, kundi dumating pa sa mas mataas na kalidad, at ito ang nagiging atraksyon sa mga mamimili.


Habang ang mataas na produksyon naman mula sa mga lokal na taniman, kapag hindi naipagbibili agad, ay nasisira lang.


Marapat lamang na tumutok ang gobyerno at mga sektor ng lipunan sa pagbibigay ng konkretong solusyon upang matulungan ang ating mga magsasaka. 


Kailangan ng mga magsasaka ng tamang ayuda, proteksyon mula sa sobra-sobrang importasyon, at mga mekanismo na magsisigurado na ang kanilang mga produkto ay makakapasok at magkakaroon ng tamang halaga sa merkado. 


Maunawaan sana natin ang napakahalagang papel ng mga magsasaka sa ating kabuhayan at sa hinaharap. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page