top of page
Search

by Info @Editorial | Apr. 14, 2025



Editorial

Dumarami ang mga kaso ng bullying, alitan, at personal na suliranin sa loob ng paaralan. 


Ang nakapanlulumo, umaabot pa ito sa pagbubuwis ng buhay at pagkawasak ng kinabukasan ng mga kabataan.


Sa harap ng mga hamong ito, mahalaga ang papel ng guidance counselor bilang tagapayo at tagapag-ugnay sa mga estudyanteng nangangailangan ng gabay. 


Gayunman, isang seryosong suliranin ang kinahaharap ng maraming eskwelahan — ang kakulangan sa guidance counselor.


Sa ilang pampublikong paaralan, daan-daang mag-aaral ang kailangang pagsilbihan ng iisang guidance counselor, kung meron man. Dahil dito, hindi agad natutugunan ang mga problemang emosyonal at sosyal ng mga mag-aaral.


Ang pagtatalaga ng sapat na guidance counselors ay hindi luho kundi isang pangangailangan. 


Kung nais nating magkaroon ng ligtas, payapa, at produktibong kapaligiran sa paaralan, kailangang mamuhunan ang gobyerno at mga institusyong pang-edukasyon sa mental at emosyonal na suporta para sa kabataan.


Nararapat lamang na kilalanin at palakasin ang papel ng guidance counselor sa bawat paaralan. Bigyan sila ng sapat na resources, training, at respeto upang magampanan ang kanilang tungkulin nang buong husay. Dahil sa huli, hindi lamang talino ang sukatan ng tagumpay ng isang mag-aaral, kundi pati ang kabutihang asal, disiplina, at kakayahang makisama sa lipunan.

 
 

by Info @Editorial | Apr. 13, 2025



Editorial

Muli na namang nabubuksan ang sugat ng ating demokrasya — ang karahasang kaakibat ng eleksyon. 


Halos kaliwa’t kanan na naman ang mga balitang pagpatay, pananakit, pananakot, at pamumulitika gamit ang dahas. 


Ilang kandidato at tagasuporta na ang tinambangan. May mga pinalad na makaligtas subalit, meron ding binawian ng buhay. Ang isa pang masaklap, may iba pang nadadamay, tulad ng batang walang kamuwang-muwang.


Nakalulungkot isipin na ang dapat ay pagdiriwang ng kalayaan at karapatang pumili ng mga kinatawan sa gobyerno ay nagiging madugo, marumi, at marahas.

Ang eleksyon ay hindi dapat magmistulang giyera. Ang dugo ay hindi bahagi ng proseso ng demokrasya. 


Pigilan natin ang karahasan sa halalan. Itakwil ang mga kandidatong naghahasik ng takot. 


Suportahan natin ang mga nagtataguyod ng mapayapang laban. Bantayan ang ating mga komunidad, at protektahan ang ating boto.


Hindi natin kailangan ng pamumunong balot ng takot. Ang nararapat sa puwesto ay mga lider na nagsusulong ng dignidad.


Kung nais natin ng maayos na pamahalaan, dapat magsimula tayo sa makatarungan at mapayapang halalan.


 
 

by Info @Editorial | Apr. 12, 2025



Editorial

Tuwing Semana Santa, hindi lamang pagninilay at panalangin ang inihahanda ng mga Pilipino — kasama na rin dito ang paglalakbay patungo sa mga probinsya, simbahan, at iba pang lugar ng pananampalataya o bakasyon. 


Ang mga kalsada ay nagiging abala, ang mga terminal ay napupuno, at ang mga resort ay halos hindi mahulugang karayom. 


Gayunman, sa kabila ng kasiyahan at tradisyon, ang kaligtasan ay dapat manatiling pangunahing prayoridad. Batid naman natin ang mga insidenteng naitatala taun-taon — aksidente sa daan, pagka-stranded, at iba pang aberya.


Kaya napakahalaga ng maagang pagpaplano, maayos na kondisyon ng sasakyan, at sapat na pahinga ng mga drayber para sa ligtas na paglalakbay. 


May papel din ang mga pasahero — maging mapagmatyag, sumunod sa mga patakaran, at maging maagap sa anumang problema.


Ang gobyerno, sa kabilang banda, ay may tungkuling maglatag ng mas maayos na sistema sa transportasyon — mga checkpoint, traffic advisories, at tulong mula sa mga otoridad sa mga matataong lugar. 


Ang Semana Santa ay panahon ng pagninilay, hindi ng trahedya. Sa bawat pagpihit ng manibela, sa bawat hakbang patungo sa biyahe, piliin nating maging responsable. 


Laging isaisip na maglakbay nang may malasakit — sa sarili at sa kapwa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page