top of page
Search

by Info @Editorial | June 4, 2025



Editorial

Sa pagsisimula ng buwan ng Hunyo, isang panibagong hamon ang kinakaharap ng sambayanang Pilipino — ang muling pagtaas ng singil sa kuryente. 


Ang bawat sentimong dagdag sa kuryente ay bigat sa bulsa ng ordinaryong Pilipino. Sa panahong hindi pa rin ganap na nakababawi ang maraming pamilya mula sa epekto ng pandemya at mataas na inflation, ang dagdag-singil ay hindi lamang usapin ng numero sa bill — ito ay dagdag-pasaning emosyonal, mental, at pinansyal.


Bagama’t kinikilala natin ang paliwanag ng kumpanya na ginagawa nila ang lahat upang ipagpaliban ang singil at magsagawa ng staggered payment, hindi ito sapat na konsolasyon para sa mga maralita at nasa laylayan ng lipunan. 


Panawagan sa Energy Regulatory Commission (ERC) at sa Department of Energy (DOE) na gampanan ang kanilang papel — hindi lamang bilang tagapamagitan kundi bilang tunay na tagapagtanggol ng interes ng publiko.


Kailangang mas maging bukas at malinaw ang proseso ng pagtataas ng singil. Hindi lamang kuryente ang nakataya rito, kundi ang kalidad ng buhay ng bawat Pilipino. 


Sa gitna ng pagtaas ng lahat ng bilihin, ang taas-singil sa kuryente ay tila isa na namang dagok na maaari sanang iwasan kung may sapat na malasakit at maayos na pamahalaan.


Ang kuryente ay hindi luho, kundi pangunahing pangangailangan. Dapat itong maging abot-kaya, sapat, at maaasahan. At higit sa lahat, dapat itong magsilbi sa taumbayan, hindi dagdag-pasanin.


 
 

by Info @Editorial | June 3, 2025



Editorial

Matapos ang balasahan sa gabinete, hamon naman kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., alamin ang tunay na problema sa kanyang administrasyon.


Matatandaang nadismaya ang Pangulo sa resulta ng nakaraang halalan kaya iniutos ang rigodon sa gabinete. 


Gayunman, may mga nagsasabi na hangga’t inaatake si Vice President Sara Duterte, hindi maibabalik ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno.


Una nang umalma si VP Sara at kinuwestiyon ang umano’y pag-atake sa kanya ni House Speaker Martin Romualdez gayung bahagi naman siya ng administrasyon.


Ang pagpapaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang impeachment laban kay VP Sara ang itinuturo ring dahilan ng pagkatalo ng mga kandidato ni PBBM. 


Tila nais na ng taumbayan ng ceasefire sa pagitan nina Romualdez at VP Sara kaya may panawagan umano na magtalaga ng bagong House Speaker upang magkabati muli ang mga Duterte at Marcos gaya ng ipinangako nilang “Uniteam”.


Masasabing masalimuot ang pulitika. Hangga’t nakikita ng mamamayan na nagbabangayan at naghihilahan pababa ang mga inaasahang lider ng bansa, hindi mangyayari ang tunay na pagkakaisa.


 
 

by Info @Editorial | June 2, 2025



Editorial

Sa pagpasok ng tag-ulan, isa sa mga pangunahing alalahanin ng mamamayan at ng pamahalaan ay ang seguridad sa pagkain, lalo na pagdating sa suplay ng bigas — ang pangunahing pagkain ng bawat pamilyang Pilipino. 


Sa mga panahong ito, nalalagay sa panganib ang mga pananim bunsod ng matinding pag-ulan, pagbaha, at iba pang kalamidad na maaaring magdulot ng pagkaantala o pagkasira ng ani. Bagama’t may mga pahayag mula sa mga kinauukulan na may sapat na buffer stock at lokal na produksyon, hindi ito dahilan upang tayo ay makampante.

Dapat tiyakin ng Department of Agriculture (DA), na may malinaw na plano upang maiwasan ang krisis sa bigas. 


Kabilang dito ang tamang pamamahagi ng binhi bago ang pagtatanim, tulong pinansyal sa mga magsasaka, at mabilis na tugon sa mga apektadong lugar kapag may kalamidad.Mahalaga ring tutukan ang problema ng hoarding at artificial shortage na posibleng gawin ng ilang negosyanteng nais samantalahin ang sitwasyon. 


Dapat maging maagap sa pagbabantay ng presyo at suplay ng bigas sa mga pamilihan. Mas mainam din kung palalakasin ang lokal na produksyon sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, irigasyon, at pagsasanay sa mga magsasaka. Ang seguridad sa bigas ay hindi lamang isyu ng agrikultura kundi ng pambansang kaayusan.


Kaya’t ngayon pa lamang, habang maaga at hindi pa nararamdaman ang matinding epekto ng tag-ulan, dapat nang kumilos upang siguruhin ang sapat, abot-kaya, at ligtas na suplay ng bigas para sa bawat Pilipino.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page