top of page
Search

by Info @Editorial | June 10, 2025



Editorial

Sa pagbubukas ng klase, isa na namang malaking gastusin ang kakaharapin ng maraming magulang — ang pagbili ng school supplies. 


Sa panahong mataas ang presyo ng pangunahing bilihin, dagdag-pasanin pa kapag tumaas ang presyo ng mga gamit sa pang-eskwela gaya ng notebook, lapis, papel, at uniporme. Kaya naman, nararapat lamang na bantayan at aksyunan ng gobyerno ang presyo ng mga ito upang hindi lalong mabigatan ang mga pamilyang Pilipino.


Ayon sa mga ulat, may ilang tindahan at supplier na sinasamantala ang panahon ng pasukan upang magtaas ng presyo, lampas sa itinakdang suggested retail price (SRP). 

Kung hindi ito mahigpit na mababantayan, ang mga ordinaryong mamimili ang laging talo. 


Dito pumapasok ang mahalagang papel ng Department of Trade and Industry (DTI) na siyang dapat mag-inspeksyon, magtakda ng SRP, at magparusa sa mga lalabag.


Dapat ding hikayatin ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng school supplies caravan o diskwento caravan kung saan makakabili ang mga magulang ng mas murang gamit. 

 
 

by Info @Editorial | June 9, 2025



Editorial

Sa tuwing dumarating ang Araw ng Kalayaan, ipinagdiriwang natin hindi lamang ang kasaysayan ng ating bansa kundi pati ang mga oportunidad para sa mas maunlad na kinabukasan. 


Isa sa mga pinakamahalagang inisyatibo tuwing Hunyo 12 ay ang nationwide job fair na inoorganisa ng Department of Labor and Employment (DOLE) at mga katuwang na ahensya.


Sa panahon ng matinding kompetisyon at kawalang-katiyakan sa ekonomiya, ang mga job fair ay isang malaking oportunidad para sa maraming Pilipino.


Sa iisang lugar, nagtitipun-tipon ang daan-daang kumpanya na may bukas na trabaho — lokal man o overseas. Ito ay isang pambihirang pagkakataon na hindi dapat palampasin.


Sa isang job fair, bawat minuto ay mahalaga. Maging maagap, magtanong, at ipakita ang kahandaan. Ang tagumpay ng job fair ay nakasalalay hindi lamang sa dami ng trabahong iniaalok kundi sa aktibong partisipasyon ng publiko. 


Kung nais nating umangat ang kabuhayan ng bawat Pilipino, kailangan nating samantalahin ang mga ganitong inisyatibo.

 
 

by Info @Editorial | June 8, 2025



Editorial

Dumating na ang panahon ng tag-ulan at kasabay nito, baha na naman.Sa saglit na buhos ng ulan, ilang lugar sa bansa, lalo na sa Kalakhang Maynila, ang agad nang lumubog sa baha. 


Paralisado ang trapiko, stranded ang mga tao, lubog ang mga kabahayan at apektado rin ang kabuhayan.


Kailan ba matatapos ang ganitong kalbaryo?Tila nasasanay na ang publiko sa baha. Ngunit ang pagiging sanay ay hindi dapat maging dahilan upang maging manhid sa ugat ng problema. 


Ilang dekada nang isinisigaw ng mga eksperto ang solusyon: maayos na urban planning, tamang waste management, rehabilitasyon ng mga estero at ilog, at sapat na drainage system. 


Pero tila wala pa ring nangyayari. Dedma lang? Manhid na?


May mga proyekto, oo, pero kulang, mabagal, at minsan ay nasasayang lang ang pondo.

Hindi rin maikakaila ang pagiging pasaway ng taumbayan lalo na sa basura, matuto na sana tayo.


Hindi lamang "emergency response" ang mahalaga kundi lalo na ang "disaster prevention".


Huwag na nating hintayin na tuluyan tayong malunod sa problemang puwede pa sanang makontrol kung tututukan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page