top of page
Search

by Info @Editorial | June 16, 2025



Editorial

May panawagan ang ilang manufacturer na itaas ng tatlong piso ang presyo ng sardinas. 


Anila, hirap na silang makabawi sa gastos dahil sa pagtaas ng presyo ng lata, mantika, at iba pang sangkap. 


Pero sa panahon na ang bawat sentimo ay mahalaga, ang dagdag na P3 ay masasabing hindi basta-basta para sa karaniwang Pilipino.


Para sa marami, ang sardinas ay hindi lang ulam — ito ay simbolo ng katatagan sa gitna ng kahirapan. 


Sa isa o dalawang lata, nakakakain na ang buong pamilya. Ngunit paano kung tumaas na ang presyo?


Nauunawaan nating may krisis din sa produksyon. Ang kailangan marahil ay ipaliwanag ang basehan at tiyakin ang konsultasyon sa mga konsyumer.


Ngayon pa lang ay may mga hirit nang hindi ba puwedeng pag-isipang bawasan muna ang kita ng kumpanya kaysa ipasa agad ang bigat sa mga mamimili?


dapat pumapasok ang gobyerno — hindi lang bilang tagapanood, kundi bilang tagapamagitan. 


Marapat lamang na timbangin ang pangangailangan ng mga negosyo at ang kapakanan ng masa. 


Kailangan ding palakasin ang lokal na produksyon upang hindi tayo lubos na nakadepende sa mga imported na materyales.


Sa ngayon, hindi lang ito simpleng usapin ng taas-presyo. Isa itong pagsubok sa ating mga institusyon — kung kaya ba nilang protektahan ang karaniwang tao sa gitna ng patuloy na krisis.


Sana’y hindi dumating ang araw na ang simpleng sardinas ay ituring na rin bilang luho.


 
 

by Info @Editorial | June 15, 2025



Editorial

Ngayong balik-eskwela, mahalaga ang kaligtasan ng mga mag-aaral. 

Isa sa mga inaasahang hakbang ng pamahalaan ay ang regular na pag-iikot ng mga pulis sa mga paaralan. 


Layunin nitong maiwasan ang krimen, pananakot, at iba pang banta sa kapakanan ng kabataan.


Magandang hakbang ito upang masigurong may agarang tugon kung may emergency. Gayunpaman, dapat itong isagawa nang may malasakit at tamang pakikitungo, upang hindi makadagdag sa kaba ng mga estudyante.


Sana ay hindi lang ito sa pagsisimula ng pasukan kundi maging regular na kung kakayanin.Siyempre, ang seguridad sa eskwela ay responsibilidad ng lahat — guro, magulang, pamahalaan, at komunidad. 


Para naman sa mga estudyante, bukod sa pag-iingat, umiwas din sa gulo. Walang mabuting naidudulot ang pakikipag-away lalo na ang pambu-bully. Tayo ay nasa paaralan para matuto at hindi mag-angas.

 
 

by Info @Editorial | June 14, 2025



Editorial

Hindi nakalusot sa 19th Congress ang panukalang dagdag-sahod para sa mga manggagawa. 


Sa gitna ng lumalalang krisis sa kabuhayan, ito ay isa umanong malinaw na kabiguang pulitikal at moral ng mga mambabatas. 


Habang patuloy ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pang bilihin, tila ipinagkait umano sa milyun-milyong manggagawang Pilipino ang isang bagay na matagal na nilang hinihiling — ang makatwirang sahod. Halos linggu-linggo, may oil price hike at apektado nito ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. 


Ngunit ang sahod? Nanatiling tila nakapako. Ang kabuhayan ng karaniwang Pilipino ay patuloy na sinasakal ng lumulobong gastusin, habang ang kita ay hindi makasabay sa galaw ng ekonomiya.


Ang masaklap, habang ang karaniwang manggagawa ay nababaon sa utang para lang maitawid ang araw-araw, may mga opisyal ng gobyerno ang tumatanggap naman ng nakakalulang suweldo at benepisyo kahit ‘di karapat-dapat, may binubulsa pa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page