top of page
Search

by Info @Editorial | June 25, 2025



Editorial

Sa gitna ng muling pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, nagdurusa na naman ang mga ordinaryong mamamayan, lalo na ang sektor ng transportasyon. 


Ang non-stop na bigtime oil price hike ay hindi lamang banta sa kita ng mga tsuper at operator, kundi pati na rin sa presyo ng bilihin, pamasahe, at mismong takbo ng kabuhayan ng maraming Pinoy. 


Sa ganitong sitwasyon, ang agarang pagbibigay ng fuel subsidies sa transport group ay isang makatarungan at kailangang hakbang mula sa pamahalaan.Hindi biro ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa mga jeepney, bus, at tricycle drivers. Kapag tumaas ang gastos sa krudo, lumiliit ang kanilang kita — minsan ay hindi na sapat para sa pagkain, bayarin, o pang-maintenance ng sasakyan. 


Sa halip na itaas agad ang pamasahe, na magpapahirap naman sa mga pasahero, mas mainam na tugunan ng gobyerno sa pamamagitan ng direktang subsidiya ang mga naaapektuhan.


Ang fuel subsidy ay isang pansamantalang lunas, ngunit napakahalagang tulong para mapanatili ang operasyon ng pampublikong transportasyon sa panahon ng krisis sa langis.


Gayunman, dapat tiyakin ng pamahalaan na ang sistemang ito ay mabilis, epektibo, at walang bahid ng katiwalian. 

 
 

by Info @Editorial | June 24, 2025



Editorial

Kasunod ng nakaambang pagsirit ng presyo ng langis ngayong linggo, inaasahan naman ang pagtaas ng presyo ng mga produkto tulad ng de-latang pagkain, processed food, at inumin. 


Ayon sa Philippine Amalgamated Supermarkets Association (PASA), direktang maaapektuhan ang gastusin sa distribusyon kaya’t posibleng magpatong na rin ng dagdag-presyo ang mga supermarket sa mga bilihin. 


Paliwanag ng PASA president na si Steven Cua, ang dagdag-gastos mula sa fuel hike ay ipapasa ng mga supplier at distributor sa mga retailer. Bagaman walang itinatakdang halaga ng pagtaas, nasa diskarte pa rin umano ng bawat supermarket kung paano ito ipatutupad. 


Ang bawat galaw sa presyo ng langis ay may domino effect sa iba’t ibang sektor, lalo na sa presyo ng pangunahing bilihin. Ang oil price hike ay posibleng maganap ngayong Martes at ito’y pangunahing sanhi ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan, na nagdudulot ng pangamba at pagtaas sa pandaigdigang merkado ng langis. 


Sa gitna ng patuloy na inflation, dagdag-pasanin na naman ito sa mga mamimili — lalo na sa mga ordinaryong pamilyang umaasa sa murang de-latang pagkain at processed goods. 


Ang pagtaas ng presyo ng langis ay tila isa nang makalumang kasabihan na may awtomatikong kasunod na taas-presyo sa lahat ng bagay. Mula sa pamasahe, kuryente, at ngayon, pati pagkain. Habang nauunawaan nating kailangang sumabay ang mga negosyo sa pagtaas ng operational cost, dapat ding pag-isipan kung paano mapapangalagaan ang kapakanan ng konsyumer. 


Ang gobyerno, lalo na ang Department of Trade and Industry (DTI), ay may mahalagang papel sa pagbabantay at pagsigurong hindi maaabuso ang mga mamimili. 


Ang pagtaas ng presyo ng langis ay may malawak na epekto sa pang-araw-araw na buhay o pamumuhay ng bawat Pilipino. Dito nasusubok ang tamang diskarte ng gobyerno para sa metatag na ekonomiya, at kung gaano kahusay nitong naipapaliwanag ang mga polisiyang dapat sana’y nagbibigay-gaan, hindi dagdag-pahirap sa mga mamamayan. 


Marahil sa ngayon ay kinakailangan nating magtipid o maghigpit ng sinturon, maging mapanuri sa mga bilihin, habang patuloy ang ating panawagan para sa maayos na solusyon sa paulit-ulit na problemang ito. Dahil sa bawat taas ng presyo, hindi lang bulsa ang tinatamaan — pati ang kalidad ng ating pamumuhay.


 
 

by Info @Editorial | June 23, 2025



Editorial


Taun-taon, sa tuwing dumarating ang tag-ulan, hindi na bago sa mga Pilipino ang eksenang baha sa mga lansangan, eskinita, at maging sa mismong tahanan. 


Sa kabila ng pagiging isang pangkaraniwang pangyayari, ang baha ay hindi dapat ituring na normal. 


Ang palala nang palalang problemang ito ay malinaw na repleksyon ng kapabayaan — mula sa mga mamamayan hanggang sa pinakamataas na sangay ng pamahalaan.Hindi maikakaila na may bahagi ang kalikasan sa pagbaha: ang malalakas na ulan, bagyo, at biglaang pagbuhos ng tubig-ulan. 


Gayunman, higit pa rito, ang ugat ng problema ay gawa ng tao. Sira-sirang drainage system at walang habas na pagtatapon ng basura. 


Kung may disiplina sa paglalagay ng basura sa tamang lalagyan, at kung may malinaw at istriktong regulasyon sa mga proyektong pang-imprastruktura, tiyak na mababawasan ang pinsala.Hanggang kailan ba tayo magtitiis sa mga plano at proyekto ng flood control na hindi naman natatapos o napapakinabangan? 


Ang pondo ay naririyan, ngunit tila napupunta sa bulsa ng iilan. Samantalang ang ordinaryong mamamayan, nalulunod ang kabuhayan, pangarap, at minsan pa’y buhay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page