top of page
Search

by Info @Editorial | July 4, 2025



Editorial

Sa gitna ng tumitinding krisis sa edukasyon at ekonomiya, inihain ang panukalang P1,000 buwanang allowance para sa lahat ng estudyante. Tunog progresibo. Tunog makatao.


Ngunit kailangang suriin — makatotohanan ba ito? Magandang layunin ang pagtulong sa mga estudyanteng hirap makatawid sa araw-araw. Pero kung walang malinaw na pondo, baka maging pabigat pa ito sa gobyerno. 


Mas kailangang unahin ang reporma. Dahil sa dulo, ang edukasyon ay hindi lang usapin ng pera, kundi ng kalidad at integridad ng sistemang nagpapatakbo rito.


Sa halip na one-size-fits-all na allowance, bakit hindi ituon ang pondo sa mas mahalagang reporma — ayusin ang curriculum, dagdagan ang pasilidad, at itaas ang sahod ng mga guro? Hindi sapat ang pera sa bulsa kung bulok pa rin ang sistema ng edukasyon.


 
 

by Info @Editorial | July 3, 2025



Editorial

Sa halip na maging tagapagpatupad ng batas at tagapagtanggol ng mamamayan, ilang miyembro ng kapulisan ang patuloy na nasasangkot sa katiwalian at krimen — isa na rito ang hulidap, o ang ilegal na pag-aresto para lamang makapangikil ng pera.Ang hulidap ay isang malinaw na anyo ng pang-aabuso sa kapangyarihan. 


Kung ang dapat magpatupad ng batas ay siya ring lumalabag dito, saan pa aasa ang karaniwang mamamayan? Panahon na upang seryosohin ang paglilinis sa hanay ng kapulisan. Kailangan ng mas mahigpit na background checks, tuluy-tuloy na moral at legal na pagsasanay, at agarang aksyon sa tuwing may reklamo. Hindi sapat ang suspensyon — ang mga tiwaling pulis ay dapat managot at mapatawan ng mas mabigat na parusa.


Hindi lahat ng pulis ay masama. Marami pa ring tapat at tunay na nagseserbisyo. Ngunit hindi natin maaaring balewalain ang iilan na siyang sumisira sa buong institusyon. Ang isang lipunang may tiwaling tagapagpatupad ng batas ay lipunang unti-unting guguho. 


Hindi sapat ang mga pangako ng reporma. Ang kailangan ay konkretong aksyon, tunay na pananagutan, at muling pagbawi sa tiwala ng taumbayan.

 
 

by Info @Editorial | July 2, 2025



Editorial

Isang nakababahalang tagpo ang naitala kamakailan kung saan na-hulicam ang ilang estudyanteng piniling tawirin ang rumaragasang ilog habang nakataas ang kanilang kamay upang hindi mabasa ang kanilang bag. Ang eksenang ito, na tila ordinaryo na lang sa mga taga-roon, ay malinaw na salamin ng matinding kakulangan sa imprastrukturang dapat sana’y nagtataguyod sa edukasyon at kaligtasan ng mga kabataan.


Hindi dapat maging normal ang ganitong uri ng panganib. Hindi dapat maging bahagi ng araw-araw na buhay ng isang bata ang paglulusong sa lebel-leeg na ilog, lalo’t ang layunin lamang nila ay makapag-aral at makauwi nang ligtas. 


Nakalulungkot na ang ilang estudyante ay napipilitang isugal ang kanilang buhay dahil sa kawalan ng isang simpleng tulay.


Ang mga otoridad tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at lokal na pamahalaan ay kailangang kumilos, hindi lang sa paggawa ng ulat kundi sa konkretong aksyon. 


Ang edukasyon ay karapatan ng bawat bata, ngunit paano ito maisasakatuparan kung ang mismong daan patungo rito ay puno ng panganib? 


Sa halip na ipagkibit-balikat ang pangyayaring ito, gamitin sana natin ito bilang panawagan para sa tunay na pagbabago at pagkilos — hindi bukas, kundi ngayon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page