top of page
Search

by Info @Editorial | January 5, 2026



Editoryal, Editorial


Ang Traslacion ay isa sa pinakamalaking pagtitipon ng pananampalataya sa bansa, ngunit kasabay ng debosyon ang hamon ng seguridad. 


Sa dami ng debotong nagtitipon, kailangang maging mas maayos ang lahat upang maiwasan ang aksidente, stampede, at iba pang panganib.


Mahalaga ang papel ng mga awtoridad sa pagpapatupad ng malinaw na ruta, mahigpit na crowd control, at mabilis na serbisyong medikal. 


Ang presensya ng mga pulis, marshal, at health workers ay hindi upang hadlangan ang debosyon, kundi upang tiyaking ligtas ang bawat isa. 


Ngunit hindi matatamo ang seguridad kung aasa lamang sa pamahalaan. Ang disiplina ng mga deboto—pagsunod sa patakaran, pag-iwas sa tulakan, at paggalang sa kapwa—ang tunay na sandigan ng isang ligtas na Traslacion. 


Ang pananampalataya ay higit na nagiging makahulugan kapag ito’y sinasabayan ng malasakit at responsibilidad.


Sa huli, ang isang ligtas na Traslacion ay bunga ng sama-samang pagkilos. Kapag pinahalagahan ang kaligtasan, mas nagiging makabuluhan ang debosyon at mas tunay ang diwa ng pagkakaisa.

 
 

by Info @Editorial | January 4, 2025



Editoryal, Editorial


Sa patuloy na pagdami ng e-trike at e-bike sa bansa, naging mahalagang bahagi na ang mga ito ng pang-araw-araw na biyahe ng maraming Pilipino. 

Murang pamasahe, tipid sa enerhiya, at mas environment-friendly. 


Kaya ang ipinatutupad na pagbabawal sa kanilang pagdaan sa mga pangunahing kalsada ay muling nagbukas ng mainit na diskusyon tungkol sa kaligtasan at kaayusan.


Hindi maikakaila na may batayan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng pagbabawal. Ang mga major road ay dinaraanan ng mabilis at mabibigat na sasakyan. Sa ganitong sitwasyon, mas mataas ang panganib ng aksidente para sa mga e-trike at e-bike na mas mabagal at mas maliit. 


Marami ring operator at rider ang kulang sa sapat na training, protective gear, at malinaw na regulasyon. 


Sa ganitong konteksto, ang pagbabawal ay maaaring ituring na hakbang para sa kaligtasan ng lahat.


Ngunit hindi rin dapat isantabi ang epekto nito sa kabuhayan at mobilidad ng karaniwang mamamayan. Para sa maraming drayber, ang e-trike ang tanging pinagkukunan ng kita. Para sa mga pasahero—lalo na ang mga estudyante, senior citizen, at manggagawa—ito ang pinakaabot-kayang paraan ng transportasyon. 


Sa halip na simpleng pagbabawal, mas makabuluhan ang komprehensibong solusyon. Kabilang dito ang pagtatakda ng malinaw na ruta, dedicated lanes, tamang rehistrasyon, at pagsasanay sa mga rider. Dapat ding paigtingin ang imprastraktura para sa light electric vehicles at palawakin ang pampublikong transportasyon upang may mapagpilian ang mga mamamayan.


 
 

by Info @Editorial | January 3, 2025



Editoryal, Editorial


Umabot na sa 235 ang naitalang firework-related injuries sa buong bansa mula December 21, 2025 hanggang 4 a.m. ng Enero 1, 2026, ayon sa Department of Health (DOH).


Taun-taon na lang, paulit-ulit ang problema sa paputok tuwing sasalubungin ang Bagong Taon. 


May batas, may babala, may nasasaktan na—pero may pasaway pa rin. Hindi na ito tungkol sa tradisyon, kundi sa kawalan ng disiplina.


Alam na delikado ang ilegal na paputok, pero tuloy pa rin ang pagbili at paggamit nito. Kaya ang resulta, putol na daliri, paso, sunog, kamatayan. Hindi aksidente ang mga ito—bunga ito ng katigasan ng ulo. Mas pinipili ng ilan ang ilang minutong saya kaysa sa kaligtasan ng sarili, pamilya at kapitbahay.


May ligtas na alternatibo na inaalok ng pamahalaan, pero binabalewala. Ang totoo, ang pasaway sa paputok ay hindi lang lumalabag sa batas—panganib din sila sa buhay ng

iba.


Kung hindi kayang sumunod, huwag magpaputok. Hindi sukatan ng saya ang lakas ng ingay. Ang responsableng mamamayan ang tunay na handa sa bagong taon.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page