- BULGAR
- Jan 8
by Info @Editorial | January 6, 2026

Sa gitna ng kakulangan sa silid-aralan, guro, aklat, kuryente, at maayos na pasilidad sa maraming pampublikong paaralan, naglaan ang Department of Education ng P100 milyon para sa AI Center.
Mahalaga ang teknolohiya pero paano makikinabang ang mga estudyanteng nag-aaral sa siksikang classroom, walang internet, at kulang sa upuan?
Paano gagamit ng AI ang mga paaralang wala pang computer o maaasahang kuryente?
Hindi problema ang pagtingin sa hinaharap. Ang problema ay ang tila kakulangan ng pagtutok sa kasalukuyan.
Ayusin muna ang basic: sapat na guro, disenteng pasilidad, aklat, at kalidad ng pagtuturo.
Kung bagsak ang pundasyon, walang silbi ang high-tech na proyekto.
Kung itutuloy ang AI Center, dapat malinaw kung sino ang makikinabang, paano ito makakarating sa mga pampublikong paaralan sa kanayunan, at paano ito hindi mauuwi sa isa na namang mahal pero hindi nagamit na proyekto.
Sa ngayon, tanggap nating mahalaga ang AI pero dapat ding tanggapin na ang pinakamalaking kakulangan ng DepEd ay basic education.




