top of page
Search

by Info @Editorial | September 5, 2025



Editorial


Sa gitna ng ginagawang imbestigasyon sa nakaraang pondo at pagbusisi naman para sa susunod na budget, ngayon pa lang ay natutuwa na ang mga nasa sektor ng edukasyon.


Pinasalamatan ni Education Secretary Sonny Angara si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at ang Department of Budget and Management (DBM) sa paglalaan ng P1.224 trilyon para sa sektor ng edukasyon sa panukalang FY 2026 national budget — kung saan sa kauna-unahang pagkakataon, inilaan ng Pilipinas ang 4% ng Gross Domestic Product (GDP) para sa edukasyon, alinsunod sa pamantayan ng UNESCO. 


Sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng DBM sa Kongreso, makakakuha ang Department of Education (DepEd) ng pinakamalaking bahagi na P928.52 bilyon. 


Tatanggap naman ang mga State Universities and Colleges (SUCs) ng P134.99B, ang Commission on Higher Education (CHED) ng P34B, at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng P20.24B.


Ang panukalang budget ng DepEd, na nakabatay sa 5-Point Reform Agenda nito, ay mas mataas ng 18.9% kumpara sa FY 2025 General Appropriations Act. 


Ang mas malaking budget ay maaaring magbunga ng mas maraming silid-aralan, mas modernong teknolohiya sa pagtuturo at mas malawak na access sa edukasyon lalo na sa mga liblib na lugar.


Kaya umaasa tayo na ito ay makakarating sa mga dapat puntahan.

Huwag din sanang makalimutan ang para sa mga guro at iba pang empleyado, mula sa makatarungang suweldo, benepisyo hanggang sa training na makatutulong para mas maitawid nang maayos ang edukasyon sa mga mag-aaral.

 
 

by Info @Editorial | September 4, 2025



Editorial


Habang inihahanda ang pambansang badyet para sa 2026, malinaw ang panawagan: Tigilan ang political insertion.


Ang budget ay pera ng taumbayan — hindi ito dapat gamitin para sa kampanya o pansariling interes ng mga pulitiko.


Ang trabaho ng Department of Budget and Management (DBM) ay tiyakin na bawat pisong ilalaan sa badyet ay may malinaw na layunin: para sa serbisyo-publiko — hindi para sa pork barrel, ghost projects, o dagdag-pondo sa mga pulitiko.

Kaya ang apela sa DBM, maging maagap sa pagtukoy at pagbabantay sa mga kahina-hinalang item sa National Expenditure Program (NEP). 


Lumalapit na ang halalan. Dito kadalasang nagsisimula ang mga insertions sa badyet na ginagamit para makakuha ng boto. Ito ang dapat bantayan. Hindi dapat payagan na maging kasangkapan ng mga pulitiko ang pondo ng bayan.


Simple lang ang hiling ng mamamayan: Unahin ang edukasyon, kalusugan, trabaho, at ayuda — hindi ang pulitika.


DBM, nasa inyo ang responsibilidad. Tiyakin ninyong malinis at makatarungan ang 2026 national budget. 



 
 

by Info @Editorial | September 3, 2025



Editorial


Kakasimula pa lang ng Ber months, pero hindi malamig na simoy ng hangin ang sumalubong sa atin — kundi mainit na balita ng panibagong taas-presyo ng petrolyo. 


Sa gitna ng inaasahang simula ng Kapaskuhan, dagdag-gastos agad ang pasalubong sa bawat Pinoy.Halos sunud-sunod ang pagtaas ng presyo ng gasolina, krudo, at LPG.


Kasunod nito, posibleng taas-pasahe, dagdag-presyo ng bilihin, at mas mabigat na gastusin naman sa araw-araw. Mula jeepney driver hanggang karaniwang empleyado, lahat tinatamaan.Paulit-ulit na lang. Kapag tumataas ang presyo sa pandaigdigang merkado, agad itong ramdam dito. Pero kapag bumababa? Mabagal ang rollback, minsan wala pa. 


Walang malinaw na aksyon o konkretong solusyon ang gobyerno. May ayuda, oo — pero pansamantala lang. Kailan pa magkakaroon ng matagalang plano?Hindi na bago ang isyu, pero luma pa rin ang sagot. Kailangang seryosohin na ang paggamit ng alternatibong enerhiya, ayusin ang pampublikong transportasyon, at suriin ang buwis sa produktong petrolyo.Hindi dapat pagtiisan ng taumbayan ang problemang ito.


Ang Pasko ay panahon ng pag-asa, hindi ng pag-aalala kung saan huhugot ng pamasahe o pambili ng pagkain.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page