top of page
Search

by Info @Editorial | September 8, 2025



Editorial


Hindi lang ulan ang dahilan ng baha — katiwalian sa proyekto ang tunay na ugat.

Habang bilyun-bilyong pondo ang inilalaan sa flood control, lumalabas sa kaliwa’t kanang imbestigasyon na maraming proyekto ang ghost, substandard, o pabor lang sa piling kontratista. May mga proyektong hindi makitaan ng kahit anong bakas pero bayad na.


Sa ngayon, sinibak na ang ilang opisyal, nagbitiw ang Kalihim ng isa sa mga responsableng ahensya, at sinuspinde ang bidding. Mabuti — pero hindi pa sapat.


Hindi lang ito usapin ng pondo. Kailangan ng tapat na opisyal, mahigpit na sistema, at pananagutan. Hindi dapat ginagamit ang mga proyekto para sa kita, habang ang taumbayan ay nalulubog sa baha.


Panahon na para kontrolin hindi lang ang baha kundi pati ang korupsiyon. Sa naglalabasang halaga ng mga proyekto, nakapanlulumo na maraming kabuhayan ang nawawasak at buhay na nawawala tuwing may bagyo at pagbaha. Hindi makatarungan at dapat may managot!

 
 

by Info @Editorial | September 7, 2025



Editorial



Sa gitna ng sunog, ang isa sa pinakamahalagang kailangan ng tao ay tamang impormasyon. Gayunman, sa halip na makatulong, may mga tao pa ring nagpapakalat ng fake news.


May nagsasabing may sunog kahit wala, may namatay kahit walang kumpirmasyon, at may mga video o litrato pang gawa-gawa.Katulad ng isang insidente kung saan, mabilis na kumilos ang ilang bumbero para respondehan ang natanggap nilang larawan tungkol sa nasusunog umanong trak sa Parola, Maynila. Pero pagdating sa lugar, buong-buo ang trak. Ibig sabihin, edited ang larawang ipinadala sa kanila.


Sa ilalim ng Revised Fire Code of the Philippines of 2008, ang mga magbibigay ng maling impormasyon tungkol sa sunog ay maaaring magmulta ng P50,000, at maharap sa reklamong unjust vexation sa ilalim ng Revised Penal Code na may parusang pagkakakulong.


Ang ganitong biro o trip ay nakakapinsala. Nakakalikha ng panic, kalituhan, at abala sa trabaho ng mga bumbero, rescuer, at awtoridad. Mas masaklap, nalalagay sa panganib ang buhay ng mga tao dahil sa maling impormasyon.


Kaya dapat lang parusahan ang mga nagpapakalat ng fake news. 


Samantala, dapat ding maging responsable ang bawat isa sa atin. Huwag basta-basta mag-share ng balita kung hindi kumpirmado.


 
 

by Info @Editorial | September 6, 2025



Editorial


Hindi biro ang 2026 proposed national budget — mahigit anim na trilyong piso ang nakataya. Pero gaya ng dati, may mga tanong: Saan mapupunta? Sino ang makikinabang? May itinatago ba?


Marami na tayong karanasan sa maling paggamit ng pondo. May mga proyektong inuulit pero walang resulta. May mga ghost projects, overpriced na gamit, at pabor sa mga kaalyado. Habang ang mga tunay na pangangailangan ng tao — edukasyon, kalusugan, ayuda, trabaho — kulang na kulang.


Kaya huwag tantanan ang pagbusisi. Hindi dapat aprubahan hangga’t hindi malinaw ang lahat. Hindi ito pera ng pulitiko — pera ito ng taumbayan. Walang dapat palusutin.

Kasabay ng pagbusisi sa Kongreso at pagsilip ng iba pang ahensya ng gobyerno, responsibilidad din ng bawat Pilipino ang makialam. Magbantay. Magsalita. Mag-ingay kung kinakailangan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page