top of page
Search

by Info @Editorial | September 25, 2025



Editorial


Sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa flood control scandal, inamin mismo ni dating DPWH Engr. Brice Hernandez na lahat ng kanilang proyekto sa unang distrito ng Bulacan mula 2019 ay palpak. 


Hindi lang isa, hindi lang ilan — lahat. Substandard, walang kalidad at ang mas masahol, may sistematikong “profit-sharing” umano sa pagitan ng ilang opisyal at kontratista.


Hindi na ito tsismis. Isa itong pag-amin mula sa loob mismo ng ahensya.


Nangangahulugan ito na ang kaligtasan ng mga tao ang nakompromiso. Isipin natin ang mga eskwelahan, ospital at tulay na ginawa nila. Mga proyektong pinondohan pero hindi nagamit nang tama. Taumbayan ang talo at delikado ang buhay.


Talagang may sindikato sa loob ng gobyerno.


May organisadong nakawan sa pondo ng bayan. 


Ilang dekada nang ganito ang kalakaran. Pero kung mismong nasa loob na ang umaamin, wala nang dahilan para hindi kumilos ang gobyerno. Ipakulong na ang mga sangkot, at magkaroon na ng reporma sa sistema ng mga ahensya.


Hindi sapat ang pagbibitiw. Hindi sapat ang pag-amin. Nais ng taumbayan ng katarungan.


 
 

by Info @Editorial | September 24, 2025



Editorial


Nahuli ang 89 na menor-de-edad na nanggulo sa gitna ng rally kontra-korupsiyon. Imbes na makisigaw laban sa katiwalian, nang-alaska, nanira ng mga gamit, nanakit, at ayon sa ulat, may ilan pang sangkot sa pagnanakaw. 


Tanong ng marami, bakit sila nandoon, at nasaan ang kanilang mga magulang?Hindi normal na makita ang ganito karaming menor-de-edad sa lansangan, walang direksyon, habang ang iba ay seryosong nakikibaka para sa kinabukasan. 


Nakakabahala na tila ginagamit o pinababayaan lang ang mga bata sa ganitong uri ng kaguluhan.Bagama’t may pananagutan ang mga magulang, huwag ding kalimutan na ang gobyerno at lipunan ay may malaking papel sa paghubog sa kanila. Kung ang lider ay kurakot, ang sistema ay bulok, at ang kabataan ay gutom at walang oportunidad, saan pa sila pupulutin?Hindi sapat na hulihin lang sila at pauwiin. Dapat may malinaw

na plano para sa gabay, edukasyon, at disiplina.


Kailangang papanagutin ang mga nasa likod ng gulo, lalo na kung may nanlinlang o gumamit sa mga bata para sa sariling interes.


 
 

by Info @Editorial | September 23, 2025



Editorial


Binalot na naman ng karahasan ang Mendiola — lugar na matagal nang simbolo ng boses at paninindigan ng bayan.S


Sa halip na maging ligtas na espasyo para sa mapayapang pagpapahayag ng saloobin laban sa korupsiyon, nauwi ito sa insidente na nagbunga ng gulo, takot, at pagkadismaya.Arestado ang mga kabataang nanunog ng mga sasakyan, nanira ng government at private properties, nanakit ng kapulisan at may iba pang nadamay.


Hindi biro ang panawagan ng mga raliyista: Itigil ang korupsiyon, managot ang mga tiwali. Ito’y lehitimong hinaing na matagal nang isinisigaw ng sambayanan. Gayunman, ang mga kilos-protestang tulad nito ay sinisira ng mga elementong ang layunin ay hindi ang makiisa kundi manggulo para sa pansariling interes o pampulitika.Kaya’t marapat lamang na magkaroon ng masusing imbestigasyon. Tukuyin at panagutin hindi lamang ang mga nasa lansangan kundi pati ang mga nasa likod ng operasyon. 


Kung may mga pulitiko na may kinalaman, dapat silang pangalanan at sampahan ng kaso.


Huwag nating hayaang malunod sa karahasan ang boses ng mamamayan. Ang Mendiola ay dapat maging tagpuan ng pag-asa at pagbabago, hindi ng takot at dugo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page