top of page
Search

by Info @Editorial | October 10, 2025



Editorial


Isang nakababahalang pangyayari ang naganap kamakailan sa isang paaralan sa Davao City kung saan bumagsak ang kisame ng isang silid-aralan habang may klase. 

Sa kabutihang-palad, walang naiulat na namatay, ngunit may ilang estudyanteng nasaktan at labis na natakot. 


Isa itong malinaw na paalala sa lahat lalo na kinauukulan na ang kaligtasan ng mga mag-aaral ay hindi dapat isinasantabi.Ang paaralan ay dapat maging ligtas na lugar para sa pagkatuto, hindi banta sa buhay ng ating mag-aaral. 


Hindi sapat ang pagkakaroon ng mga libro, guro, at silid – kailangang matibay, ligtas, at maayos ang mga pasilidad. Dapat ding regular na sinusuri.


Kailangang sagutin kung kailan huling isinagawa ang inspeksyon sa silid-aralan? May mga nauna bang senyales ng pinsala na hindi pinansin? Saan napupunta ang pondo para sa maintenance?Dapat itong maging panawagan sa Department of Education at Department of Public Works and Highways na paigtingin ang pagsusuri at pagpapanatili ng mga pasilidad ng paaralan sa buong bansa. 


Hindi natin kailangang maghintay ng trahedya bago kumilos.


Sa mga magulang, guro, at lokal na pamahalaan – may pananagutan din tayong bantayan at isulong ang kaligtasan ng mga bata. 

 
 

by Info @Editorial | October 9, 2025



Editorial


Ngayong Oktubre, inaasahan na muling tataas ang singil sa kuryente. 

Ito ay dahil umano sa mas mataas na generation charge, epekto ng paghina ng piso kontra dolyar, at paggalaw ng presyo sa spot market ng kuryente. 


Sa madaling salita, ang dagdag-gastos ay ipapasa na naman sa konsyumer. Kamot-ulo na naman.


Paulit-ulit na lang ito. Tuwing may krisis, ang laging talo ay ang mga ordinaryong Pinoy. 

Habang tumataas ang presyo ng kuryente, stagnant naman ang sahod. Lalong humihirap ang buhay — hindi lang sa tahanan kundi pati sa maliliit na negosyo.Nasaan ang aksyon ng gobyerno? Nasaan ang proteksyon para sa mga pinakaapektado?


Dapat maghigpit ang gobyerno sa regulasyon. Kailangan ding may maayos na ayuda sa mahihirap. 


Higit sa lahat, dapat mas seryosohin ang pag-develop ng mas mura, lokal, at renewable na enerhiya.

 
 

by Info @Editorial | October 8, 2025



Editorial


Nakababahala ang ulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na may 25 overseas Filipino workers (OFWs) ang kasalukuyang nasa death row sa iba’t ibang bansa. 


Totoong bumaba na ito mula sa dating 50 hanggang 60 kaso, ngunit ang tanong: Bakit may Pilipino pa ring naghihintay ng bitay sa ibang bayan?Hindi sapat ang “pagbaba ng bilang” bilang sukatan ng tagumpay. Bawat kaso ay may kasamang pamilya, luha, at pangarap na unti-unting nawawala. 


Ang masakit, karamihan sa mga kasong ito ay may kaugnayan sa kakulangan ng legal na tulong, maling akusasyon, o kawalan ng sapat na kaalaman sa batas ng ibang bansa. Kailangan nang dagdagan ang pondo para sa legal aid, palawakin ang access sa abogado, at palakasin ang pre-departure education ng mga OFW. 


Hindi sila dapat pabayaang humarap sa banyagang korte na walang kakampi.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page