top of page
Search

by Info @Editorial | October 16, 2025



Editorial


Ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ay hindi basta-bastang dokumento. Isa itong sinumpaang salaysay ng katotohanan — isang salamin ng yaman, utang, at ari-arian ng isang lingkod-bayan. 


Kamakailan nang naglabas ang Office of the Ombudsman ng memorandum na nagtatalaga ng bagong guidelines para ma-access ng publiko ang SALN ng mga opisyal ng gobyerno.  Ito ay upang labanan ang katiwalian at pag-abuso sa kapangyarihan.

Kaya dapat na ang bawat detalye sa SALN ay totoo, tapat, at walang itinatago.


Sa tuwing may opisyal na nagsusumite ng SALN na may kulang, mali, o sinadyang paglihis sa katotohanan, hindi lang siya lumalabag sa batas — binibigo rin niya ang tiwala ng taumbayan. Ang SALN ay hindi para lang sa pagsunod sa requirement. Isa itong kasangkapan upang masiguro ang transparency at accountability. Kaya’t hindi sapat na magsumite lang — dapat ay totoo ang nilalaman. 


Sapagkat kung ang SALN ay nagiging kathang-isip, nawawala ang saysay ng batas, at nananaig ang kultura ng kasinungalingan at korupsiyon.


 
 

by Info @Editorial | October 15, 2025



Editorial


Kahit walang face-to-face classes, hindi dapat tumigil ang pagkatuto ng mga estudyante. Responsibilidad ng mga paaralan at guro na tiyaking naihahatid nang malinaw ang aralin, gamit man ang modules, online classes, o ibang alternatibong paraan.Batid nating hindi lahat ng bata may internet o gadgets, kaya dapat may printed modules o offline materials. 


Hindi rin sapat ang basta ipasa lang ang aralin — kailangan ng paliwanag, gabay, at malinaw na instruksyon para maunawaan ito.Masasabing ito’y hamon sa lahat. Kaya dapat laging bukas ang komunikasyon sa pagitan ng guro, magulang, at estudyante.


Kung may hindi naintindihan, kailangang may paraan para humingi ng tulong.Ang edukasyon ay karapatan ng bawat bata. Hindi dapat maging hadlang ang kawalan ng harapang klase para matuto. 


Sa pamamagitan ng tamang sistema at pagtutulungan, pilitin nating maihatid pa rin ang dekalidad na edukasyon saan mang lugar.

 
 

by Info @Editorial | October 14, 2025



Editorial


Makatarungan lamang na kasuhan ang mga ‘congtractors’ o kongresistang sangkot sa mga proyekto ng gobyerno kung saan sila mismo ang kumontrata. 


Isa itong malinaw na pag-abuso sa kapangyarihan at paglabag sa batas.Hindi dapat pinapayagan ang mga mambabatas na magnegosyo gamit ang pondo ng bayan. 


Imbes na magsilbi sa publiko, ang ilan ay nagsisilbing kontratista sa mga flood control projects — mga proyektong dapat sana’y tumutulong sa mga binabahang komunidad, pero nauwi sa sariling kita.


Tama ang Ombudsman sa hakbang nitong maghain na ng kaso. Ngunit hindi dapat dito magtapos. Kailangang imbestigahan ang lahat ng nasa listahan, at kung may ebidensya, kasuhan at panagutin. Hindi sapat ang pagsuspinde o pagharap lang sa ethics complaint.


Kung may sala, dapat makulong.Habulin din ang mga ghost at substandard projects na iniwan. Hindi lang ito usapin ng korupsiyon, kundi ng buhay at kaligtasan ng mamamayan.Walang sinuman — kahit pa kongresista — ang puwedeng makinabang sa pera ng bayan nang walang pananagutan. 


Panahon na para managot ang mga mapang-abusong opisyal.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page