top of page
Search
  • BULGAR
  • Oct 19, 2025

by Info @Editorial | October 19, 2025



Editorial


May bagong mukha ang laban sa korupsiyon — mukha ito ng kabataan. 

Kamakalawa, nag-walkout ang mga estudyanteng mula sa iba’t ibang eskwelahan at sumugod sa Mendiola. Hindi para mag-ingay lang, kundi para ipakita na hindi na sila natutulog sa mga isyung matagal nang nilalason ang lipunan.


Pagod na sila. 


Sawang-sawa na sa balitang milyun-milyong pondo ang nawawala, habang maraming pasilidad tulad ng silid-aralan ang sira, may mga pamilyang gutom, at mga manggagawa na kulang ang sahod.Ang rally na ito ay hindi lang pagtitipon. Isa itong panawagan. 


Higit sa lahat, isang babala: hindi na manonood lang ang kabataan. Lumalaban na sila.


At hindi lang ito laban ng estudyante. Laban ito ng lahat ng Pilipinong naniniwalang posible pa rin ang mas maayos at tapat na gobyerno.

 
 

by Info @Editorial | October 18, 2025



Editorial


Hindi biro ang bomb threat. Isa itong krimen. Kaya’t hindi rin dapat biruin ang mga sangkot dito.Kamakailan, ilang paaralan ang nabulabog matapos makatanggap ng mga banta ng pambobomba. Apektado ang mga estudyante, guro, at magulang. Nahinto ang klase. May mga natakot. May mga na-trauma. 


Sa huli, walang bomba pero iniwan nito ang tanong: Bakit may gumagawa ng ganito?


Ang bomb threat ay isang uri ng pananakot. Krimen ito sa ilalim ng batas at kahit sabihing “joke” lang, hindi ito katanggap-tanggap. Hindi ito nakakatawa. May epekto ito sa kaligtasan, edukasyon, at kaisipan ng kabataan.


Kaya’t dapat lang na tuluyan at agad na panagutin ang mga responsable. Patawan ng mas mabigat na parusa para ‘di pamarisan.Sa panahon ngayon, hindi na sapat ang babala. Hindi sapat ang paalala.


Kailangan ng konkretong aksyon. Kailangang maramdaman ng publiko na seryoso ang gobyerno sa pagprotekta sa mga mag-aaral. 


Kung walang mapaparusahan, mauulit at mauulit lang ito.


Ang paaralan ay lugar ng pagkatuto, hindi ng pananakot.

 
 

by Info @Editorial | October 17, 2025



Editorial


Kasunod ng utos na suspendihin ang face-to-face classes sa ilang lugar dahil sa banta ng sunud-sunod na lindol, meron pa ring mga ‘di naiwasang magtanong at mangamba.

Paano na ang pag-aaral ng mga bata na bagama’t tuloy sa pamamagitan ng online at modular ay hirap pa rin.


Kaya ang hakbang ng Department of Education na makipagtulungan sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ay isang tamang desisyon.


Layunin ng pagtutulungang ito na mapanatili ang balanse sa pagitan ng pangangalaga sa kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani, at ng layuning ipagpatuloy ang edukasyon kahit sa panahon ng kalamidad.


Nagkasundo ang DepEd at Phivolcs na palakasin ang koordinasyon sa pagpapalabas ng mga siyentipikong advisory at information materials upang mapanatili ang tiwala ng publiko at maiwasan ang maling impormasyon sa panahon ng krisis.


Plano rin ang pagtatayo ng DepEd Command Center para sa mas mabilis na monitoring at disaster response.


Hindi lang ito usapin ng edukasyon, kundi ng buhay. Kapag batay sa agham ang desisyon, nababawasan ang panganib at naliligtas ang mas maraming mag-aaral at guro. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page