top of page
Search

by Info @Editorial | December 18, 2025





Isa sa pinakamalalang suliraning kinakaharap ng ating lipunan ngayon ay ang patuloy na pagkalat ng ilegal na droga sa mga barangay. 


Mas masakit at mas nakakagalit isipin na sa ilang pagkakataon, ang mismong mga taong inaasahang mangunguna sa paglaban dito—ang mga lider sa komunidad—ay sila pang sangkot. 


Kapag pati ang barangay chairman ay nagiging tulak ng droga, malinaw na hindi lamang krimen ang problema, kundi ang bulok na sistema ng pamumuno.


Ang barangay ang pinakaunang antas ng pamahalaan. Dito dapat nagsisimula ang kaayusan, disiplina, at malasakit sa mamamayan. Ngunit paano magkakaroon ng tiwala ang mga residente kung ang kanilang pinuno ay pasimuno sa pagsira ng kinabukasan ng kabataan? 


Ang droga ay hindi lamang sumisira ng katawan at isipan; winawasak nito ang pamilya, kinabukasan, at kapayapaan ng buong komunidad.


Hindi sapat ang kampanya laban sa droga kung ang mga lider ay hindi malinis. 

Ang tunay na solusyon ay nagsisimula sa pananagutan.


 
 

by Info @Editorial | December 17, 2025





Ang Simbang Gabi ay para sa panalangin at paghahanda sa Pasko, hindi para sa gulo. Kaya malinaw ang panawagan: gabayan ang mga anak at huwag hayaang sila'y masangkot sa away, bisyo o anumang kaguluhan.


Responsibilidad ito ng mga magulang. Hindi sapat ang payagang magsimba; kailangan ding siguraduhing uuwi nang maayos ang mga anak at hindi gagala kung saan-saan. Ang kakulangan sa gabay ang madalas na ugat ng gulo.


May papel din ang komunidad at Simbahan. Kailangang may kaayusan at disiplina sa paligid upang maging ligtas ang lahat, lalo na ang kabataan.


Pakiusap din sa kinauukulan, dagdagan ang mga bantay lalo na sa mga lugar na mas matao at lantad sa gulo. Kapag may nahuling pasaway, agad patawan ng parusa para hindi na umulit at pamarisan.


Simple ang mensahe: kung nais nating igalang ang Simbang Gabi, ipakita ito sa kilos. Gabayan ang kabataan, pigilan ang gulo, at panatilihin ang diwa ng pananampalataya at kapayapaan.

 
 

by Info @Editorial | December 16, 2025





Sa pagharap ng bansa sa patuloy na hamon sa kalusugan—mula sa kakulangan ng ospital at health workers hanggang sa mataas na gastos sa gamutan—napapanahon at makatarungan ang dagdag-pondo sa sektor ng kalusugan sa taong 2026. 

Ang kalusugan ay hindi luho, ito'y karapatan.


At ang gobyerno ay may tungkuling tiyaking ang serbisyong pangkalusugan ay abot ng lahat, lalo na ng pinakamahihirap.


Sa maraming lalawigan, nananatiling limitado ang access sa maayos na pasilidad, gamot, at sapat na health personnel. 


Sa lungsod, may mga ospital na siksikan, kulang sa kagamitan, at may health workers na labis ang trabaho ngunit kulang ang sahod at suporta. 


Kung walang sapat na pondo, patuloy na mabibinbin ang serbisyong dapat sana’y agarang naibibigay—na sa ilang pagkakataon ay nagiging usapin ng buhay at kamatayan.


Ang dagdag-pondo sa 2026 ay dapat ilaan sa pagpapalakas ng primary healthcare, modernisasyon ng mga ospital, sapat na suplay ng gamot, at makatarungang benepisyo para sa health workers. 


Higit sa lahat, ang pondo ay dapat gamitin nang tapat, malinaw, at may pananagutan.

Ang kalusugan ng mamamayan ang salamin ng kaunlaran ng bansa. 


Sa 2026, ang dagdag-pondo sa Health ay hindi lamang gastusin—ito ay pamumuhunan sa kinabukasan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page