top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | January 19, 2023



ree

Sasalangin ang pinakamahuhusay na koponan at manlalaro ng Mobile Legends: Bang Bang sa bansa na kinabibilangan ng M4 World Champions na ECHO Philippines at runner-up Blacklist International upang katawanin ang Pilipinas upang maging parte ng SIBOL national team para sa 32nd edisyon ng SEA games simula Mayo 5-17 sa Phnom Penh, Cambodia.


Inaanyayahan ng SIBOL at national sports association (NSA) nitong Philippine Esports Organization (PEsO) ang dalawang bigating koponan kasama ang kinatawan galing sa Collegiate Center for Esports na back-to-back champions Lyceum of the Philippines University at 2022 Realme Cup titlist Cerebrum Pro, upang magkaroon ng bigating National Seletion na makakatapat ang apat na iba pang koponan na magmumula sa Cambodia SIBOL MLBB men’s qualifier na kasalukuyang ginaganap ang single elimination round patungo sa semis.


Magtatapat sa Round 4 ang Bren Esports at Smart Omega Neos; Euphoria Esports laban sa Archives Esports; Big Four Global kontra Speed Depot; at ONIC Proud kaharap ang ZOL Esports.


Tangan ng Pilipinas ang back-to-back na titulo sa SEAG nang unang kunin ito noong 2019 sa Manila meet at madepensahan ng SIBOL, na kinatawan ng Blacklist sa Vietnam Games noong Mayo 2022, ngayon ay magkakaroon ng malupit na pagpili sa bisa ng National Selection sa walong koponan mula sa mga imbitado at semifinalist’s ng qualifier. “Hindi pa. Lahat daraan sa Qualifier which includes ECHO PH at Blacklist International. Though some teams, imbes na sa open qualifiers, kasali na sila sa closed qualifier if they accept the invitation. This will be decided by Team SIBOL management,” pahayag ni PESO secretary-general Joebert Yu. “Generally speaking naman, lahat may chance pa rin makasama at magrepresent,” dagdag ni Yu. Bukod sa popular na MLBB sa men’s team ay magkakaroon na rin ito ng koponan para sa women’s team.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | January 17, 2023


ree

Pagkakataon naman ng ECHO Ph na manaig bilang panibagong kampeon ng Mobile Legends: Bang Bang M4 World Championships upang maging ikatlong sunod na Filipinong koponan na manaig sa prestihiyosong online gaming matapos madaling walisin ang dating kampeon na Blacklist International sa iskor na 4-0, Linggo ng gabi sa Tennis Indoor, Senayan, Indonesia.


Tinapos ng ECHO Ph ang isang taong paghahari ng Blacklist sa pinakamataas na estado ng kompetisyon sa buong mundo at maibulsa ang $300,000 o mahigit sa Php16.4- M pangunahing papremyo sa kabuuang $800,000 na ipinamigay sa malakasang torneo, habang nauwi ng dating defending champion na Blacklist ang $120,000 bilang 2nd placer.


Naitala ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno ang kauna-unahang manlalaro ng ML:BB na naging two-time World champion matapos makuha ang unang titulo sa Bren Esports noong 2021 sa Singapore, kung saan sila ang unang koponang Pinoy na nagkampeon sa kompetisyon na sinundan ng Blacklist International noong isang taon.


Nakasama ni Nepomuceno sa koponan sina Frederick Benedict “Bennyqt” Gonzales, Jankurt Russel “KurtTzy” Matira, Frediemar “3MarTzy” Serafico, Tristan “YAWI” Cabrera, Jaypee “JAYPEE” Dela Cruz, Sanford “Sanford” Vinuya at Jhonville Borres “Outplayed” Villar, habang susubukang makabawi ng Codebreakers sa susunod na edisyon na binubuo nina team captain Johnmar "OhMyV33nus" Villaluna, Danerie James “Wise” del Rosario, Kiel "Oheb" Soriano, Salic "Hadji" Imam at at Edward Jay “Edward” Dapadap, Kent Xavier “Kevier” Lopez, Mark Jayson “Eson” Gerardo, at Dexter Louise “DEXTER” Alaba.


Inanunsyo rin ang pagtatalaga sa Pilipinas bilang susunod na host country ng M5 World Championships sa Disyembre ngayong taon, kung saan minsan ng hinawakan ng bansa ang isang pandaigdigang ML:BB tourney na MSC 2019 sa Araneta Coliseum na pinagharian ng Onic Esports; na sinundan ng makasaysayang 30th SEA Games nang talunin ng SIBOL ang Indonesia.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | January 16, 2023


ree

Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay muling magaganap ang isang All-Filipino championship match sa M4 World Championship (Mobile Legends: Bang Bang) tournament sa pagitan ng defending titlist Blacklist International at ECHO PH na itinala ang pambihirang panalo kontra Indonesian team na RRQ Kingdom nitong Sabado ng gabi sa iskor na 3-1 sa Tennis Indoor sa Senayan, Indonesia.


Tatangkain ng Blacklist na makaulit ng panalo sa rematch kontra ECHO PH na kanilang tinalo sa upper bracket Finals sa dikdikang 3-2 iskor noong Biyernes ng gabi.


Todo handa ang pangunahing pambato ng Codebreakers na sina team captain Johnmar "OhMyV33nus" Villaluna at Danerie James “Wise” del Rosario, habang inaasahang bubuhos ng suporta ang mga kakamping sina Kiel "Oheb" Soriano, Salic "Hadji" Imam at Edward Jay “Edward” Dapadap, Kent Xavier “Kevier” Lopez, Mark Jayson “Eson” Gerardo, at Dexter Louise “DEXTER” Alaba.


Susubukang agawin at makabawi ng ECHO PH na pagbibidahan nina Frederic Benedict “Bennyqt” Gonzales, Jankurt Russel “KurtTzy” Matira, Karltzy, Frediemar “3MarTzy” Serafico, Tristan “YAWI” Cabrera, Jaypee “JAYPEE” Dela Cruz, Sanford “Sanford” Vinuya at Jhonville Borres “Outplayed” Villar.


Bago magtapat sa finals ng Upper Bracket, naunang tinalo ng Blacklist ang paboritong RRQ Hoshi Indonesia sa iskor na 3-2 sa upper bracket ng knockout stage, Miyerkules ng gabi, habang pinulbos ng ECHO PH ang ONIC Esports ng Indonesia sa 3-1 panalo.


Parehong binalewala ng Codebreakers at ECHO ang maingay at katunggaling manood na buhos ang suporta sa Indonesian teams sa dikdikang laban na nauwi sa matinding palitan ng mahusay na pagpapatakbo ng diskarte at husay sa pagmamando ng laro.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page