top of page
Search

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 20, 2021






Dear Doc. Shane,

Ang kapatid ko ay single mom at kapapanganak pa lamang sa kanyang panganay. Limang araw na ang nakalilipas mula nang manganak siya ay namamaga pa rin ang kanyang mga paa. Kailan kaya ito mawawala at normal lang ba ito? – Baldo


Sagot

Ang pamamaga ay kusang mawawala habang pinakakawalan ng katawan ang sobrang tubig na naipon sa loob ng huling mga buwan ng pagbubuntis. Ang kidney ang responsable sa ganitong uri ng paglilinis na maaaring mangahulugan na ang bagong panganak ay iihi nang mas madalas kumpara sa dati. Ang balat ay maglalabas din ng tubig sa pamamagitan ng pagpapawis nang mas marami.


Ang pamamanas o pamamaga ng mga paa ilang araw matapos manganak ay bibihirang maging seryosong problema. Ito ay kusang nawawala pagdaan ng ilang araw. Subalit, kung ang pamamaga ay hindi mawala sa loob ng isang linggo o kaya ay may kasamang matinding pagsakit ng ulo o sakit ng mga paa, kailangang magpunta agad sa health center o magpakonsulta sa doktor dahil ito ay maaaring palatandaan ng mataas na presyon ng dugo.

 
 

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 18, 2021







Dear Doc. Shane,

Sa edad kong 37 ay malakas pa rin ang aking regla, halos nakaka 6 hanggang pitong pads ako sa isang araw. Wala naman akong kakaibang nararamdaman kaya lang worried ako na baka maging anemic ako dahil dito. Ayoko nang magkaanak pa kaya sa ngayon ang gamit ko ay IUD, may kaugnayan kaya ito sa lakas ng aking regla? – Jessica


Sagot Ang tawag sa ganyang kaso ay menorrhagia. Ito ay ang labis na pagreregla lampas sa karaniwang panahon ng regla ng babae kung saan ay maaaring makaranas ng malakas na ‘mens’ at kinakailangang magpalit ng kanyang sanitary pad o tampon, oras-oras.

Sa karaniwang kaso, ang babae ay nakapaglalabas ng apat hanggang anim na kutsara ng dugo sa panahon ng kanyang pagreregla. Subalit, ang sukat na ito ay maaaring madoble ng lamad (mucus), selula at piraso ng himaymay (membrane) mula sa endometrium at magmukhang namumuong dugo. Ang dugo na mula sa pagreregla ay karaniwang hindi namumuo dahil ang matris ay gumagawa ng enzyme na sumisira sa mga mekanismong nagiging sanhi ng pamumuo ng dugo.

Ang regla, ang yugto na nagwawakas ang itlog na hindi pertilisado at dumadaloy palabas sa ari ng babae. Normal lang na malakas ang regla ng babae sa panahon ng pagdadalaga at kung nalalapit na ang panahon ng menopause (tuluyang paghinto ng regla).

Narito ang ilang sanhi ng menorrhagia: Ang isa sa mga sanhi ng menorrhagia ay ang paggamit ng Intra-Uterine Device (IUD) na ipinapasok sa ari para maiwasan ang pagbubuntis; ang pagkakaroon ng mga tumor o kanser sa uterus at ang pagbabago ng hormone na may palatandaan ng malabis na produksiyon ng estrogen. Ang labis na paggamit ng aspirin o iba pang gamot na nakapagpapabilis sa pagnipis ng dugo na maaari ring maging dahilan ng abnormal na pagreregla. Maaaring nakukunan ang babae na siyang sanhi ng malakas na pagdurugo lalo na kung dumarating ito sa unang bahagi ng pagbubuntis. Inaakala ng maraming kababaihan na ito ay malakas lamang na daloy ng regla. May kinalaman sa malakas na pagdurugo ang tubal pregnancy, endometriosis, alta-presyon, diabetes at sakit sa dugo.

Ang mga babaeng naninigarilyo ay limang ulit ang panganib na magkaroon ng menorrhagia kaysa sa mga babaeng hindi naninigarilyo. Hindi pa lubusang natutuklasan ang dahilan nito may hinuha ang ilang mananaliksik na ang paninigarilyo ay nakapipigil sa paglabas ng itlog sa obaryo.

Ano ang dapat gawin? Ang madalas at malakas na pagreregla ay nangangailangan ng kumpletong check-up tulad ng pelvic examination, pap smear, pag-eeksamin sa dugo at ihi. Ang pagsusuri sa hormone ay magtitiyak kung mayroon o walang ovulation o kaya ay ‘di balanse ang produksiyon ng hormone.

Maaaring sumailalim ang babae sa pelvic sonogram at hysteroscopy, na ang matris ay sinisilip sa pamamagitan ng fiberoptic viewing tube at ng D and C (dilation and curettage) na ang cervix ay pinaluluwag, pagkaraan ay kinakayod nang bahagya ang isang bahagi ng pinakadingding ng uterus upang masuri sa anumang sakit na taglay.


Ang malakas na pagreregla ay maaaring maging sanhi rin ng iron deficiency anemia'. Kapag napatunayan ito, iminumungkahi ang pag-inom ng suplementong iron. Kabilang sa mga pagkaing mayaman sa iron ang atay at iba pang karne mula sa laman-loob ng hayop, pulang karne, halamang-ugat, tahong, isda, pinatuyong apricot, tinapay at cereal.

 
 

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 17, 2021






Dear Doc. Shane,

Kapag ba malakas manigarilyo ang tao ay malaki ang chance na magkaroon ng lung cancer? Pero kapag ba na-detect ito nang maaga ay may pag-asa pa siyang gumaling? – Louie


Sagot

Ang sinasabing pangunahing dahilan kung bakit nagkakaroon ng lung cancer ay ang paninigarilyo. Ayon sa medical report, tinatayang nasa 85 porsiyento ng lung cancer ay nakuha sa paninigarilyo.


Ang mga naninigarilyo nang mahigit pa sa dalawang kaha isang araw ay malaki ang tsansa na mamatay sa lung cancer. Ang iba pang dahilan ng lung cancer ay ang air pollution, coal tar fumes, petroleum oil mists, asbestos, arsenic, chromium, nickel, iron, isopropyl oil at radioactive substance.


Ang mga sintomas ng lung cancer ay ang mga sumusunod:

  • Madalas na pag-ubo

  • Paninikip ng dibdib

  • Paglura na may kasamang dugo

Kapag nasa late stages na ang lung cancer, ang sintomas ay:

  • Mabilis na pagbaba ng timbang

  • Matinding paninikip ng dibdib

  • Garalgal sa lalamunan

  • Nahihirapang makalunok

Karaniwang nade-detect ang lung cancer kapag malala na at hindi na maaaring operahan. Kapag ang cancer ay na-detect nang maaga at hindi pa kumakalat sa iba pang bahagi, maaari pa itong operahan. Ang radiation therapy at chemotherapy ay ginagawa depende sa type ng cancer. Ang radiation therapy ay ginagamit para matulungang ma-relieve ang pasyente sa kirot na dulot ng cancer.


Payo sa mga naninigarilyo, mainam na itigil na ang bisyong ito lalo na at hindi maganda ang kahihinatnan nito kapag hindi na makaiwas at nakararami ng kaha ng sigarilyo sa loob ng isang araw.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page