top of page
Search

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 26, 2021



Dear Doc. Shane,

Matagal na ang aking ubo at may kasamang plema at nahihirapan akong huminga. Wala naman akong hika kaya sabi ng nanay ko baka pulmonya ito. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito? – Raffy


Sagot

Ang pulmonya (pneumonia) ay impeksiyon sa baga kung saan ito ay nagkakaroon ng malubhang pamamaga na dala ng virus, bakterya, fungus at mga katulad na mikrobyo.


Ang air sacs ng baga ay napupuno ng fluid o nana. Kasabay ng impeksiyon na ito ang ubo, lagnat at hirap sa paghinga.


Karaniwang napipigilan ng katawan ang pagkakaroon ng pulmonya, ngunit kung mahina ang immune system, ito ay lumalala. Kapag hindi ito naagapan, maaaring magkaroon ng sepsis kung saan lumilipat ang mikrobyo sa dugo at kumakalat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.


Sanhi:

Ang pneumonia ay galing sa bakterya, virus, fungi at iba pang mikrobyo na umaatake sa baga at katawan ng may mahinang immune system.


Nagdudulot ng pulmonya ang mga sumusunod:


Bacterial Pneumonia. Ang lung infection ay nanggagaling sa bakterya. Mas mapanganib ito kung kagagaling lang sa sipon at trangkaso.


Viral Pneumonia. Ang viral pneumonia ay kadalasang hindi kasing lubha ng bacterial pneumonia maliban na lamang kung ang nagdulot nito ay trangkaso at kung pasukin ang katawan ng bakterya. Kung malakas ang immune system, madaling napupuksa ang pulmonary infection.


Mycoplasma Pneumonia. Ito ay dulot ng Mycoplasma, isang klase ng mikrobyo na may mga katangian na katulad ng sa virus at bakterya. Ang mycoplasma pneumonia ay hindi kasing mapanganib ng bacterial pneumonia.


Pneumocystis Carinii Pneumonia (PCP). Ang PCP ay pneumonia na kadalasang nangyayari sa mga may Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS).


Bata man o matanda ay maaaring kapitan ng pneumonia. Pero mas madaling magkasakit ang may mahinang immune system. Mas mapanganib ang pulmonya para sa mga sumusunod:

  • Nakatatanda (edad 65 pataas) at maliliit na bata

  • Naninigarilyo at labis uminom ng alak

  • May mahinang immune system dahil sa HIV/AIDS o cancer treatment

  • May stroke o kagagaling lang sa stroke

  • Laging nasa kulob at mataong lugar tulad ng kulungan

Sintomas ng pneumonia:

  • Ubo na may plema

  • Mataas na lagnat

  • Pagiging matamlay

  • Panginginig

  • Sakit ng dibdib

  • Mabilis na tibok ng puso

  • Hilo at pagsusuka dahil dito

Gumagamit ng iba’t ibang paraan ng pagsusuri ang doktor tulad ng:

  • Physical exam. Pakikinggan ng doktor sa pamamagitan ng stethoscope kung may mga kaluskos at pagpupuputuk-putok sa paghinga ng pasyente.

  • CT Scan at X-Ray. Sisilipin ng doktor kung gaano kalubha ang impeksiyon sa baga.

  • Pagsusuri ng plema. Matutuklasan ng doktor kung anong uri ng pulmonya ang kumapit sa pasyente kapag sinuri ang mga katangian ng plema.

  • Blood test. Susuriin ang dugo kung ang mikrobyo ay nasa dugo na.

Paano maiiwasan ang pneumonia?

  • Mag-ehersisyo araw-araw at kumain ng mga masustansiyang pagkain

  • Iwasan ang paninigarilyo dahil pinahihina nito ang iyong baga at immune system

  • Kailangan ding mag-ingat sa maruruming bagay at lugar dahil maaaring pamahayan ang mga ito ng bakterya

  • Maaaring magpabakuna para sa proteksiyon laban sa pulmonya

  • Ugaliing maglinis sa katawan para hindi kapitan ng mikrobyo

  • Magpatingin sa doktor kung makararanas ng mga sintomas ng pneumonia upang mabigyan ng tamang lunas

 
 

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 25, 2021






Dear Doc. Shane,

Inaatake ng epilepsy ang anak ko at kinokombulsiyon siya sa tuwing tumataas ang kanyang lagnat. Siya ay 5 taon pa lamang kaya naaawa ako sa tuwing inaatake siya nito. Bagama’t saglit lang ‘yun o mga ilang minuto lang ay nawawala rin. Ano ba ang sanhi nito? – Ogie

Sagot Ang epilepsy ay neurological condition — kilala ito sa tawag na seizure disorder.


Ang epileptic seizures ay maaaring may kinalaman sa pinsala sa utak o maaaring namana sa pamilya. Ang seizure ay biglang bugso ng electrical activity sa utak na may epekto sa pakiramdam o kilos ng tao sa loob ng ilang sandali.


Ang seizures ay sintomas lamang ng sari-saring disorder na nakaaapekto sa utak. May mga seizure na hindi kapansin-pansin ngunit, mayroon din namang nakapipinsala.

Anuman ang edad ng tao, maaaring magkaroon ng epilepsy, pero madalas lumalabas ito sa mga bata lalo na kung ito ay ipinanganak na may depekto sa isang parte ng utak o kaya may history na nabagok ang ulo o nagkaroon ng impeksiyon ang utak.


Bagama’t marami sa mga may epilepsy ay hindi matunton ang dahilan, ang madalas na sanhi nito ay stroke, tumor sa utak o head injuries.

Risk factors ng epilepsy:

  • Baby na kulang sa buwan

  • Baby na nagka-seizure sa unang buwan

  • Baby na abnormal ang brain structure

  • Hemorrhage sa utak

  • Trauma sa utak o kakulangan ng oxygen sa utak

  • Abnormal na mga ugat sa utak

  • Stroke

  • Cerebral palsy

  • History ng kombulsyon o seizure dahil sa lagnat

  • Alzheimer’s disease

  • Drug addiction

Samntala, Electroencephalogram o EEG ang ginagamit ng doktor upang suriin ang mga abnormalidad sa utak. May pattern sa EEG na maghuhudyat ng epilepsy. Nasa eighty percent (80%) ng mga epileptic na ginagamot ng anti-seizure medicines ay hindi nagkakaroon ng seizure sa loob ng dalawang taon. Kung walang brain injury at normal ang EEG, maaaring tuluyang mawala ang mga seizure.

Mahigit sa 50% ng mga bata ay maa-outgrow ang epilepsy. Sa loob ng 20 years, 75% ay hindi na magkaka-seizure sa loob ng limang taon. Kailangan lamang uminom ng gamot araw-araw.

Ang mga epileptic ay kailangan ng neurologist upang pangalagaan ang sakit na ito, lalo na kung ang pasyente ay nagmamaneho o kung ang trabaho ay mapanganib.

 
 

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 24, 2021





Dear Doc. Shane,

Sa kasalukuyan, ako ay nagtatrabaho bilang secretary sa private firm. Hindi naman ako napupuyat sa work o sa anumang bagay pero napakatagal bago ako makatulog sa gabi kaya madalas ay parang inaantok ako sa work at wala nang sigla magtrabaho. Minsan, kapag nakatulog na ako ay bigla rin akong nagigising at tuluyan nang hindi makakatulog. Gustuhin ko man mag-take ng sleeping pills ay natatakot ako na umasa na lang dito para makatulog dito. Ano ba ang dapat kong gawin? – Nancy


Sagot Ang madalas na dahilan ng hindi makatulog ay stress. Kapag humiga kayong balisa o nababahala, hindi magiging mahimbing ang pagtulog at magigising kayo sa hatinggabi at tiyak na sira ang araw, kinabukasan.

Kailangang baguhin ang routine at adjustment ng ilang attitudes upang makatiyak na mahimbing na pagtulog.

Ang alam ng karamihan ang magising sa hatinggabi ay masama. Kapag nangyari ito, nagpa-panic agad sila. Ang resulta, lalong hindi na makatutulog. Ayon sa pag-aaral, ito ay maling akala. Kahit magising ng 60 hanggang 90 minutes ang tao sa gitna ng kanyang pagtulog, bahagi lamang ito ng normal sleep cycle, basta walang nararamdamang kahit anong sakit.

Sa buong maghapon, stressed tayo dahil sa trabaho, kaya kailangang pabagalin ang kilos at pag-iisip upang ma-relax ang katawan bago matulog. Nakatutulong ang pagligo, pag-inom ng decaf na kape at napatunayan na ang mahaba at malalim na paghinga mula sa tiyan ay nakaka-relax din. Patayin ang ilaw sa kuwarto upang ipahiwatig sa katawan at sa utak na naghahanda na tayong matulog.

Mas malamang na dala ng mga babae sa pagtulog ang kanilang mga problema kaya mas hirap silang matulog ng mahimbing. Huwag isipin ang stress sa pagtulog at ipagpabukas ang mga problema.

Kung maaari, huwag buksan ang mga mata at huwag tumingin sa relo kapag nagising sa hatinggabi dahil lalong nakai-stress ito. Mag-concentrate sa mga bagay na nakaka-relax.

Pagkalipas ng 15 minuto kung hindi pa rin makatulog, lumipat ng kuwarto o higaan.

Kung hindi pa rin makatulog, subukan ang mga gawaing nakare-relax tulad ng pakikinig sa mga mellow music o gawin uli ang mga pre-sleep routine. Huwag magpumilit na matulog at hintaying antukin bago mahiga.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page