top of page
Search

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 31, 2021




Dear Doc. Shane,

Mayroong sakit sa baga ang tatay ko na edad 67. Ang sabi ng doktor pulmonary fibrosis ito. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito?


Sagot

Ang pulmonary fibrosis ay isang uri ng malubhang sakit na nakaaapekto sa mga baga. Nagkakaroon nito ang tao kapag ang mga tissues ng mga baga ay napinsala at nagkaroon peklat. Bunga nito, kumakapal ang mga baga kung kaya’t nahihirapang huminga ang pasyente.


Ang pagkakaroon ng peklat sa mga baga ay dulot ng iba’t ibang salik. Subalit, may mga kaso ng sakit nito na hindi matukoy kung ano ang sanhi.


Ang mga salik at sanhi ng pagkakaroon ng sakit na ito ay ang pangmatagalang pagkakalanghap ng mga sumusunod:

  • Alikabok na galing sa tela

  • Hibla ng asbestos

  • Alikabok na galing sa bakal

  • Alikabok na galing sa uling

  • Alikabok ng bigas

  • Maliliit na dumi ng ibon at hayop

  • Maaari ring mapinsala ng radiation therapy ang mga baga at humantong sa pagkakaroon ng pulmonary fibrosis

Samantala, may mga uri rin ng gamot, tulad ng mga sumusunod, na maaaring puminsala sa mga baga at puwedeng maging sanhi ng pulmonary fibrosis:

  • Gamot na ginagamit sa chemotherapy

  • Gamot na ginagamit para sa sakit sa puso

  • Ilang uri ng mga antibiotic

  • Ilang uri ng anti-inflammatory na mga gamut

Ang ilan pa sa mga salik na maaaring magdulot ng sakit na ito ay ang mga sumusunod:

  • Paninigarilyo

  • Impeksiyong dulot ng virus

  • Pangangasim ng sikmura

Narito ang ilan sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng pulmonary fibrosis:

  • Hirap o kakapusan sa paghinga

  • Sobrang kapaguran

  • Labis na pag-ubo o pagkakaroon ng tuyong ubo (dry cough)

  • Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang ng katawan

  • Pananakit ng mga kalamnan at mga kasu-kasuan

  • Paglapad at pagbilog ng mga dulo ng mga daliri sa mga kamay at mga paa

Ang ilan sa mga komplikasyon na maaaring idulot ng pulmonary fibrosis ay ang mga sumusunod:

  • Alta-presyon sa mga baga (pulmonary hypertension)

  • Paghina sa kanang bahagi ng puso

  • Paghina ng mga baga

  • Kanser sa baga

Paano ito maiiwasan?

  • Bawasan o iwasan ang paninigarilyo

  • Iwasan ang mga naninigarilyo o ‘wag maging secondhand smoker

  • Ugaliing magsuot ng facemask lalo na kapag nasa pagawaan ng mga nakalalasong sangkap sa paligid

Samantala, kapag madalas makaranas ng paninikip ng dibdib o hirap sa paghinga, mainam na gawin ang agarang pagppakonsulta sa doktor upang huwag lumala ang pagkakaroon ng pulmonary fibrosis.

 
 

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 29, 2021




Dear Doc. Shane,

Ako ay 35 years old may dalawang anak, worried ako ngayon dahil napansin ko ang paglaki ang aking tiyan gayung hindi naman ako buntis at hindi rin ako malakas kumain. Ano kaya ang dahilan nito? – Mariz


Sagot

Narito ang ilan sa posibleng dahilan ng paglaki ng tiyan kung hindi naman buntis:

  • Stress. Kapag nakararanas ng sobrang stress, ang katawan ay naglalabas ng cortisol. Ang cortisol ang dahilan para maipon ang taba sa tiyan.

  • Pagkain ng maalat. Kapag sobra sa asin ang katawan, humihina ang kakayahan nitong tumunaw ng fats na kadalasan ay naiipon sa tiyan.

  • Kulang sa sex. Ayon sa American Psychological Association, nagkakaroon ng hormonal imbalance ang tao kapag kulang o wala siyang sexual activity. Belly fat ang resulta ng imbalance.

  • Mabilis kumain. Mas mabilis, mas maraming calories ang nakokonsumo na nagpaparami ng fat cells.

  • Kulang sa protina ang kinakain. Nagiging magutumin kapag kulang sa protina kaya ang tendency ay kumain nang kumain.

  • Kulang sa tulog. Kapag kulang sa tulog, tumatakaw ang tao sa matatamis na mabilis magpataba.

  • Kulang sa fibers. Ang fibers ang nagtatanggal ng fat cells sa stomach linings, at saka ito lalabas sa katawan sa pamamagitan ng pagdumi.

  • Palaging nakaupo. Kahit pa healthy ang iyong kinakain, marami pa rin fat cells ang maiipon sa iyong tiyan kung palaging nakaupo.

  • Kakaunting uminom ng tubig. Ang resulta ay hindi regular na pagdumi.

 
 

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 27, 2021




Dear Doc. Shane,

Nangangati ang aking ari kahit wala naman akong vaginal discharge. Ano kaya ang dahilan nito? – Bonie


Sagot

Marapat lang na ugaliin ang tamang paglilinis ng ari ng babae dahil ito ay likas na sensitibo.


Narito ang ang ilang sanhi kung bakit nangangati ang ari:

  • Epekto ng waxing o pag-ahit. Sensitibo ang paligid ng ari kaya kung madalas mag-wax o mag-ahit, posibleng magkaroon ng irritation ang balat at magkaroon ng pangangati sa puwerta.

  • UTI. Kadalasang nakukuha ang UTI kapag na-infect ng bakterya ang urinary tract, kabilang ang urethra, kidneys, ureter at bladder.

  • Hormonal changes at perimenopause. Kapag dumarating ang menstrual cycle, binabago ng hormones ang katawan. Isang epekto nito ay ang pagkakaroon ng dry skin sa ari.

  • Pubic lice. Tulad ng kuto sa ulo, nagdudulot din ng matinding kati ang pubic lice. Nanggagaling ang pangangati kapag kinakagat ng mga kuto ang iyong balat at dahil sa mga itlog na inilalagay nito sa balat.

  • STD. Hindi lahat ng STD ay mayroong sintomas na pangangati. Ngunit mayroong mga STD, tulad ng genital warts, na nagiging sanhi ng pangangati.

  • Yeast infection. Ito ay nagmumula sa uri ng fungus na Candida. Ito ang pinakamadalas na dahilan ng makating puwerta.

Lunas:

  • Mabuting umiwas sa mga produktong may dagdag na pabango o fragrance upang makaiwas sa contact dermatitis. Nakakatulong din ang pagligo sa epsom salts o paggamit ng cream na mayroong OTC hydrocortisone upang mawala ang pangangati.

  • Ang eczema ay dahil sa allergy o problema sa autoimmune system. Ang sintomas ng eczema at psoriasis ay pamumula ng balat at pagkakaroon ng matinding pangangati. Matagal ang gamutan sa mga ganitong sakit at paminsan ay kailangan ng habambuhay na pag-inom ng gamot. Ngunit marami namang produkto na makatutulong sa mga may eczema at psoriasis, at kailangan lang magpakonsulta sa doktor upang malaman ang angkop na paraan ng treatment.

  • Kapag may pH imbalance ang vagina at masyadong maraming bakterya ay dito nagkakaroon ng bacterial vaginosis. Pero madalas ay hindi pangangati ang pangunahing sintomas ng bacterial vaginosis. Madalas ay magkakaroon ng discharge, mabahong amoy at hindi komportableng pakiramdam sa ari.

  • Nakatutulong ang pag-inom ng antibiotics at paggamit ng mga over-the-counter na gamot upang maibsan ang sintomas ng bacterial vaginosis.

Gayunman, makabubuti na magpakonulta pa rin sa OB bago gumamit ng vaginal suppositories o simulan ang mga home remedy.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page