top of page
Search

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 08, 2021




Dear Doc. Shane,

Ako ay edad 62 na, kamakailan ay ni-request ng OB ko na magpa-D&C ako dahil kumakapal diumano ang lining ng aking matris at kailangan itong i-biopsy kung ako ay may endometrial cancer. Saan ba nakukuha ang sakit na ito? – Evelyn


Sagot

Ang matris (uterus) ay bahagi ng katawan ng babae na nagdadala ng sanggol habang siya ay buntis. Kapag ang tisyu na nakapalibot sa matris (endometrium) ay tinubuan ng mga bukol, naaapektuhan ang babae ng kondisyong tinatawag na kanser sa matris o endometrial/uterine cancer.


Narito ang ilan sa mga uri nito:

  • Type 1 endometrial cancer. Ito ang pinakalaganap na uri ng kanser sa matris. Kilala rin ito sa tawag na endometrioid cancer. Sa uring ito, ang mga bukol ay mabagal ang pagtubo at bihira lamang kumalat sa ibang bahagi ng katawan. Pinaniniwalaang nagkakaroon ng kondisyong ito kapag masyadong naparami ang produksiyon ng estrogen hormone ng kababaihan. Kumpara sa ibang uri, mas madali itong gamutin.

  • Type 2 endometrial cancer. Ito ay mas mapanganib kaysa sa Type 1, sapagkat ang mga bukol ay mabilis na tumutubo at kumakalat sa ibang bahagi ng katawan. Kaya naman, nangangailangan ito ng matinding gamutan.

  • Uterine sarcoma. Ang mga bukol ay tumutubo sa mismong kalamnan ng matris (myometrium). Bihira ang uring ito, subalit maaari itong kumalat sa ibang bahagi ng katawan.

Sanhi:

  • DNA mutation. Pinaniniwalaan ng mga doktor na nagkakaroon ng kanser sa matris ang kapag nagkaroon ng mga mutation ang DNA ng kanyang mga selula. Dahil dito, ang mga selula ng matris ay lalong dumarami at lumalaki na siyang nagdudulot ng pagtubo ng mga bukol.

  • Bukod sa DNA mutation, maaari ring maging sanhi ng kanser sa matris ang pabagu-bagong dami ng estrogen at progesterone hormone sa kababaihan. Ang mga hormone na ito ay tumutulong upang lumabas ang mga katangiang pambabae, tulad ng menstruation o regla, pagkakaroon ng malambot at makinis ng balat, pagtinis ng boses, at iba pa.

Sintomas:

  • Pagsakit ng balakang

  • Paglabas ng dugo sa ari (na hindi naiuugnay sa regla)

  • Pagdurugo ng ari kahit menopause na

  • Pananakit ng ari habang umiihi o nakikipagtalik

  • Pagkakaroon ng mabahong discharge o likidong lumalabas sa ari

  • Paglaki ng matris

  • Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang

  • Pagkaramdam ng panghihina sa tiyan, likod o mga binti

Salik sa panganib:

  • Edad 40 pataas

  • Pagkakaroon ng regla sa murang edad

  • Hindi pagkakaroon ng regular na regla

  • Permanenteng pagtigil ng regla o menopause

  • Pagtaas ng timbang

  • Pagkakaroon ng diabetes at alta-presyon

  • Hindi pagkakaroon ng anak

  • Pagkakaroon ng history ng kanser sa matris sa pamilya

Pag-iwas:

  • Pagpapanatili ng wastong timbang

  • Sikaping magkaroon ng regular na ehersisyo

  • Paggamit ng mga contraceptive

  • Pagsasailalim sa hormone therapy

 
 

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 07, 2021



Dear Doc. Shane,

Maaari ba ninyong talakayin pagkakaiba ng anemia at low blood pressure? Akala ko kasi pareho lang ‘yun. – Justiana Mariah


Sagot

Ang low blood pressure o hypotension ay ang pagkakaroon ng mababang presyon ng dugo sa katawan. Ibig sabihin, mahina ang pagdaloy ng dugo. Kadalasan, ang mga kaso ng low blood pressure ay nakapagdudulot lamang ng mga simpleng sintomas tulad ng pagkahilo at pagkahimatay, ngunit, sa mga malalalang kaso, maaari itong magdulot ng panganib sa buhay. Masasabing low blood pressure kapag ang nakuhang sukat ng presyon ng dugo ay umabot na ng 90/60. Ito ay higit na mababa kaysa sa normal na sukat na 120/80.


Ano ang sanhi ng low blood pressure?

Ang pabagsak ng presyon ng dugo ay maaaring dulot ng mga sumusunod na kondisyon o sakit:

  • Pagbubuntis

  • Kondisyon o sakit sa puso

  • Kondisyon o sakit sa mga glandula ng katawan tulad ng thyroid at adrenal glands

  • Mababang asukal sa dugo o hypoglycemia

  • Diabetes

  • Mababang tubig sa katawan o dehydration

  • Pagkabawas ng dugo

  • Matinding impeksiyon sa katawan

  • Matinding allergy o anaphylaxis

  • Kakulangan ng sustansiya sa katawan tulad ng Vitamin B-12 at folate

  • Mga gamot na iniinom: diuretics, alpha blockers, beta blockers at mga antidepressant.

Sino ang posibleng magkaroon ng low blood pressure?

Ang lahat ng tao ay maaaring makaranas ng mababang presyon ng dugo, ngunit ito ay maaaring mapadalas dahil sa mga sumusunod:

  • Edad 65 pataas

  • Umiinom ng mga gamot na pang-maintenance

  • Mayroong sakit tulad ng Parkinson’s Disease, diabetes at ilang kondisyon sa puso

Posible bang bumaba ang blood pressure kung kulang sa tulog?

Sa totoo lang, ito ay kabaligtaran dahil ang kakulangan ng tulog (mas mababa sa 6 oras ng tulog) ay nakapagdudulot ng pagtaas na presyon ng dugo at hindi pagbaba. Ang pagkahilo o panlalabo ng paningin na nararanasan mula sa bitin na tulog ay maaaring dahil sa biglaang pagtayo mula sa pagkakahiga.


Magkapareho lang ba ang low blood at anemia?

Hindi, ang low blood ay tumutukoy sa mahinang presyon ng dugo habang ang anemia naman ay tumutukoy sa kakulangan ng hemoglobin sa dugo. Magkaiba ang dalawang kondisyon at magkaiba rin ang kanilang gamutan. Ngunit, maaaring magdulot ng magkaparehong epekto sa katawan sapagkat parehong hindi nakaaabot ng tama ang sapat na suplay ng oxygen sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

 
 

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 06, 2021



Dear Doc. Shane,

Nakapagtataka dahil dinurugo ako kapag nagse-sex kami ng aking mister. Ano kaya ang sanhi nito? – Jenina Marie


Sagot Ang pagdurugo habang nakikipag-sex ay kondisyon na maraming kababaihan ang nakararanas at hindi lang kung ito ay unang beses makipag-sex. Ibang usapan ito — pagdurugo ay dahil sa pagkapunit ng ‘hymen’. Maraming posibleng sanhi ang pagdurugo habang nakikipag-sex. Isa-isahin natin ang mga karaniwang sanhi:


Isang posibilidad ay ang pagdurugo dahil nasusugatan ang mga haligi ng puwerta sa pakikipagtalik. Ito ay maaaring mangyari kung hindi sapat ang lubrikasyon habang nagse-sex; masyadong magaspang ang pasok ng ari ng lalaki. Ito ay mas madalas mangyari kung may pagbabago sa antas ng ‘estrogen’ sa iyong katawan na naoobserbahan kung nasa menopausal stage na. Ang madaling solusyon ay ang paggamit ng ‘lubricant’ o pampadulas habang nakikipagtalik; ang mga ito ay nabibili sa mga botika. Ang pagkakaroon ng mas mahabang panahon ng ‘foreplay’ ay nakapagbibigay ng dagdag-dulas sa puwerta ng babae at maaari ring makatulong.

May mga pagbabago rin sa ‘cervix’ o kuwelyo ng matris ng babae na maaaring magdulot ng pagdurugo habang nagse-sex. Ang pag-inom ng pills, kahit injectable ay posibleng magpataas ng posibilidad na ito ang sanhi. Ito ay puwedeng kusang mawala o maaaring kailanganing gamutin.


May impeksiyon din, kasama na ang ilan sa mga STD na puwedeng makaapekto sa ari ng babae at magdulot sa pagdurugo habang nakikipagtalik. Ikaw ba ay nagkaroon ng ibang partner sa sex sa nakaraang linggo at buwan? Ang partner mo ba ang ekslusibong sa iyo lamang nakikipagtalik? Ang mga tanong na ito ay dapat ikonsidera upang matukoy kung posible bang ikaw ay may STD o iba pang impeksiyon? Ang mga ito ay maaari ring magkaroon ng ibang kaakibat na sintomas tulad ng nana sa ari, pagkirot sa puwerta, lagnat at iba pa.


Mayroon ding mga kondisyon tulad ng ‘endometriosis’ at ‘uterine polyps’ na puwedeng magsanhi ng pagdurugo habang nakikipagtalik. Bukod dito, may mga kondisyon din sa katawan na ginagawang mas ‘duguin’ ang tao, tulad ng hemophilia. Bukod sa sex, may iba pang karaniwang sitwasyon na dinurugo ka rin tulad ng pagsesepilyo?

Karamihan sa mga sanhi ng pagdurugo habang nagse-sex ay hindi seryoso at marami ang kusang mawawala. Subalit, kung ito ay patuloy na nakasasagabal, mas maganda kung magpatingin sa OB-Gyne upang ma-examine nang maayos at mabigyan ng kaukulang solusyon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page