top of page
Search

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | August 15, 2023




Dear Doc Erwin,

Ako ay 35 taong gulang, may asawa at dalawang anak. Dahil ang aking pamilya ay may family history ng obesity, mula pagkabata ay inalagaan na ng aking ina ang aking pagkain at pinanatiling mababa ang aking timbang.


Bagama’t naging maingat ako sa aking pagkain, sa mga nakaraang buwan ay napansin ko ang unti-unting pagtaas ng aking timbang. Kaya ako ay nag-aalala na sa mga darating na panahon ay tumaba ako nang husto at maging obese katulad ng marami sa aming pamilya. Bukod sa mga kilala nang mga pagkain na nakakataba katulad ng mga pagkain na mataas sa calories, fat at sugar content, mayroon bang mga pagkain na hindi pangkaraniwan na kinokonsidera bilang pagkain na nakakataba ngunit kinakailangang iwasan upang hindi tumaba?


Sana ay inyong matugunan ang aking katanungan at matulungan n’yo akong umiwas sa mga pagkain na maaaring makataba at makasira sa aking kalusugan. Maraming salamat po, Doc Erwin. - Mark Anthony

Maraming salamat Mark Anthony sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng Bulgar newspaper.

Napakaganda ng iyong katanungan. Dahil sa patuloy na pag-aaral ng mga scientist ay nadiskubre nila na may mga uri ng mga pagkain at inumin na maaaring makataba dahil sa kakaibang epekto nito sa ating katawan at kakaibang paraan ng pagpoproseso ng ating katawan sa mga pagkain at inumin na ito.


Ayon sa isang artikulo na inilathala ng Philosophical Transactions of the Royal Society B nito lamang July 24, 2023, naniniwala ang mga scientist sa pangunguna ni Dr. Richard Johnson ng University of Colorado Anschutz Medical Center na ang mga pagkain ng mga food at pag-inom ng mga inumin na mayaman sa fructose, isang uri ng asukal, ay isang dahilan ng epidemya ng obesity sa buong mundo.


Ang mga inumin na mayaman sa fructose ay mga softdrink, soda at mga fruit juice na hinaluan ng maraming fructose upang ito ay sumarap at tumamis. May mga pagkain din na hinaluan ng fructose upang ang mga ito ay maging kaaya-aya sa panlasa katulad ng mga tinapay, crackers, pastries, mga condiment, dips at salad dressings. May mga fastfood din na nabibibili na hinaluan ng fructose.


Dahil sa rami ng pagkain at inumin na hinaluan ng fructose, naging malaganap din ang obesity sa Pilipinas, gayundin sa buong mundo.


Ngunit bakit nga ba tumataba ang mga tao na mahilig kumain at uminom ng mga pagkain at inumin na hinaluan ng fructose?


Ayon sa mga scientist na pinangungunahan ni Dr. Richard Johnson, ito ay dahil sa “survival switch” kung saan ang inihahanda ang ating katawan upang labanan ang krisis na maaaring harapin ng ating katawan katulad ng pagkakasakit o kagutuman. Bagama’t ang fructose ay isang uri ng asukal na maaaring gamitin ng ating katawan bilang “fuel” o “energy”, may kakaiba itong epekto sa ating katawan ayon sa mga scientist.


Ang kakaibang epekto ng fructose sa ating katawan ay tinatawag na “fructose survival response” kung saan binabawasan ng fructose ang paggamit ng ating mga fat stores bilang enerhiya ng ating katawan. Dahil dito, naiipon ang taba sa ating katawan kung madalas ang pagkain at pag-inom ng inumin na mayaman sa fructose. Ito ang dahilan kung kaya’t marami ang tumataba at nagiging obese. Ayon sa mga scientist, ang pagdagdag ng fructose sa mga pagkain at inumin ang dahilan kung bakit laganap sa buong mundo ang obesity.


Sa pag-aaral na ito ng mga scientist, napag-alaman din nila na may mga pagkain at inumin na makakapagpataas ng level ng fructose sa ating katawan. Katulad ng epekto ng pagkain at pag-inom ng inumin na mayaman sa fructose, ang mga pagkain at inumin na nakakapagpataas ng fructose level sa atin ay makakapagpataas din ng ating timbang at maaaring magresulta sa pagtaba o obesity.


Ayon kina Dr. Richard Johnson ang mga pagkain na maalat (salty food), mga alak at beer ay nakaka-stimulate ng polyol pathway, kung saan ikino-convert ng ating katawan ang glucose upang maging fructose. Dahil sa pagtaas ng production ng fructose ng ating katawan sanhi ng maalat na pagkain at pag-inom ng alak ay patuloy na nag-iimbak ng taba ang ating katawan, dahilan kung bakit ang mahilig kumain ng mga pagkain na maalat at uminom ng alak ay tumataba at maaaring maging obese sa katagalan.


Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan at nadagdagan ang iyong kaalaman sa mga pagkain na maaaring magdulot ng obesity.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | August 1, 2023



Dear Doc Erwin,

Ako ay isang empleyado sa isang pribadong kumpanya at 45-anyos. Limang taon na ang nakararaan ay inatake ako sa puso at naospital. Sa awa ng Dios ay naka-recover ako. Sa kasalukuyan ay umiinom ako ng gamot upang maiwasan na muling atakihin sa puso. Umiinom din po ako ng gamot sa aking diabetes at gamot sa mataas na cholesterol level.


Nabasa ko sa inyong column na Sabi ni Doc na mabuti sa ating kalusugan ang pagkain ng gulay at maaaring makatulong ito sa mga may sakit sa puso. Nais ko po sanang malaman kung may mga pag-aaral na tungkol sa vegetarian diet at epekto nito sa mga may sakit sa puso at diabetes.


Sana ay inyong matugunan ang aking katanungan at matulungan akong magdesisyon kung nararapat sa ‘kin ang vegetarian diet. Maraming salamat Doc. – Jose

Maraming salamat Jose sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng Bulgar newspaper.

Ang vegetarian diet o ang pagkain ng diet na nakasentro sa gulay ay itinuturing ng mga dalubhasa na kailangan ng mga indibidwal na high risk sa o may sakit na sa puso at diabetes. Sa 2021 dietary guideline ng American Heart Association ay binigyan ng importansya ang pagkain ng gulay, isda, seafood at low-fat dairy products. Ang iba’t ibang diabetes associations ay nagrekomenda na rin ng well-balanced vegetarian diets upang maiwasan ang diabetes at para na rin sa mga may sakit na diabetes.


Kamakailan lamang ay naglabas ng resulta ng pag-aaral ang mga scientist mula sa Australia.


Pinamagatang “Vegetarian Dietary Patterns and Cardiometablolic Risk in People With or At High Risk of Cardiovascular Disease”, ito ay inilathala bilang original investigation sa larangan ng Cardiology sa Journal of American Medical Association (JAMA) Network Open nito lamang July 25, 2023. Pinangunahan ang research na ito ng mga scientist mula sa Charles Parkins Centre, Faculty of Medicine and Health School of Life and Environmental Sciences ng University of Sydney at ng Royal Prince Alfred Hospital sa Sydney, Australia.


Dito sa meta-analysis ng 20 randomized clinical trials ng 1,878 participants ay pinag-aralan ng mga scientist kung may epekto ang vegetarian diet sa mga may risk factor sa cardiovascular diseases (o sakit sa puso) katulad ng LDL cholesterol, hemoglobin A1c, systolic blood pressure at body weight.


Sa pag-aaral na ito ay nakita ng mga scientist na ang pagkain ng iba’t ibang klase ng vegetarian diet ay may significant effect na magpababa ng LDL cholesterol, HbA1c at body weight sa mga high risk na magkasakit sa puso at ng diabetes. May “synergistic effect” din ang vegetarian diet sa mga indibidwal na umiinom ng gamot sa puso at sa diabetes. Maaari ring makaiwas sa sakit sa puso at sa diabetes kung kakain ng vegetarian diet.


Sa katulad n’yo na high risk na magkaroon muli ng atake sa puso dahil sa inyong diabetes at sa history ng pagkakaroon ng dating atake sa puso ay makakabuti ang paglipat sa vegetarian diet upang makaiwas sa muling atake sa puso at makatulong sa pagbaba ng blood sugar level at ganoon din ang pag-iwas sa komplikasyon ng diabetes.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | July 24, 2023



Dear Doc Erwin,


Ako ay isang 35-anyos at kasalukuyang nakatira sa Nueva Ecija. Umiinom ako ng gamot sa aking Type 2 diabetes na halos dalawang taon na. Dahil sa pagnanais ko na maging malusog ang aking katawan at mapababa ang aking blood sugar, pinili ko na lang na maging vegan at ngayon ay gulay at prutas na lamang ang aking kinakain.


Nais ko sanang makahanap ng alternatibong gamot na galing sa halaman para sa aking diabetes. Mayroon bang makabagong halamang gamot na maaari kong inumin?


Sana ay matugunan n'yo aking katanungan. — Maria Elena

Maraming salamat Maria Elena sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng Bulgar newspaper.


Tamang-tama ang iyong pagliham dahil kamakailan lamang, Hunyo 18, 2023, ay nailathala sa scientific journal na Life Metabolism ng Oxford Academic publishing ng University of Oxford ang resulta ng pag-aaral ng mga scientists mula sa Centre for Neuroendocrinology ng University of Otago sa bansang New Zealand.


Isang randomized controlled cross-over clinical trial ang kanilang isinagawa kung saan sinubukan nila na painumin ang mga indibidwal na may prediabetes at Type 2 diabetes ng extract mula sa bulaklak ng halamang Dahlia (scientific name Dahlia pinnata).


Nauna nang nadiskubre ng mga scientist mula sa laboratory studies na ang extract galing sa bulaklak ng halamang Dahlia ay nakapagpapababa ng blood sugar sa pamamagitan ng mga sangkap na nasa Dahlia extract katulad ng butein, sulfuretin, at isoliquiritigenin. Napag-alaman ng mga scientist na pinapalakas ng mga ito ang response ng ating katawan at utak sa insulin. Dahil dito ay bumababa ang blood sugar level.


Sa pamamagitan ng randomized controlled cross-over clinical trial na ito, pinag-aralan ng mga New Zealand scientist kung epektibo at ligtas ang paggamit ng extract mula sa bulaklak na Dahlia sa mga taong mataas ang blood sugar. At lumabas nga sa kanilang pag-aaral na ligtas at epektibo ang extract mula sa Dahlia flower petals laban sa diabetes.


Dahil sa ang resulta ng pag-aaral na ito ay makabago, wala pang available na pharmaceutical preparation ng Dahlia flower petal extracts sa merkado, ngunit ang ang halamang Dahlia ay available dito sa ating bansa at ginagamit ang dahon at bulaklak nito bilang tsaa.


Sumangguni sa iyong herbalist at sa iyong doktor kung paano ang mabisang preparasyon ng Dahlia flower tea upang masiguro na epektibo ang paggamit nito laban sa iyong sakit na diabetes.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan kayo ay mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page