top of page
Search

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | January 27, 2022


ree


Dear Doc Erwin,


Nabasa ko sa magazine ang pinakabagong pag-aaral tungkol sa olive oil at avocado oil. Pero dahil sa mga medical terms na ginamit sa nasabing artikulo ay hindi ko naintindihan kung paano nakatutulong ang mga ito upang humaba ang buhay ng tao.


Sana ay maipaliwanag n’yo ito upang maintindihan naming mga tagasubaybay ng Sabi ni Doc. - Chris Allan


Sagot


Maraming salamat Allan sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at sa pagsubabay sa ating health column.


Hindi mo nabanggit sa iyong sulat kung ano’ng artikulo at magazine ang iyong tinutukoy, ngunit tama ang iyong sinabi na may makabagong pag-aaral na lumabas kung saan nadiskubre ng mga scientists kung paano nagpapahaba ng buhay ang olive oil at ang iba pang oil na may monounsaturated fatty acid o MUFA, tulad ng avocado oil.


Kamakailan, inilathala sa Molecular Cell, isang bantog na scientific journal, ang research study na isinagawa ni Dr. Douglas Mashek, isang professor sa Departments of Medicine at Biochemistry, Molecular Biology and Biophysics ng University of Minnesota at Dr. Charles Najt. Ayon sa research, pinag-aralan nina Dr. Mashek ang oleic acid, isang sangkap na makikita sa olive oil at avocado oil.


Ayon sa research ni Dr. Mashek, ang oleic acid ay nag-a-activate ng SIRT1 enzyme.


Matatandaang sa ating mga naunang artikulo tungkol sa longevity na ang SIRT1 enzyme, isa sa mga anti-ageing proteins na ginagawa ng mga longevity genes, na may kinalaman sa pagpapahaba ng ating buhay.


Ina-activate ng oleic acid na nasa olive oil ang SIRT1 sa pamamagitan ng protina na tinatawag na Perilipin 5 o PLIN5. Ang SIRT1 enzymes ay tumutulong sa ating mga cells upang makagawa ng mga compounds na tumutulong na maka-adapt sa stress at humaba ang buhay ng cells.


Tumutulong din ang mga SIRT1-activated compounds na magparami ng macrophagees na tumutulong naman sa ating immune system na labanan ang mga toxins.


Ayon sa systematic review ng 28 clinical trials sa oleic acid na inilathala sa journal na Advances in Nutrition noong July 2020, ang diet na mayaman sa oleic acid, tulad ng olive oil ay nakababawas ng timbang (weight loss) at abdominal fat.


Sa artikulong isinulat nina Dr. Genevieve Buckland at Dr. Carlos Gonzales sa British Journal of Nutrition noong July 7, 2015, sinabi nilang base sa mga epidemiological evidence, ang regular na pagkonsumo ng mga pagkaing may olive oil ay nakapagpapahaba ng buhay. Sinabi rin nina Buckland at Gonzales na may converging evidence na ang olive oil ay makatutulong na maiwasan ang diabetes, metabolic syndrome at obesity.

Nakitaan din sa mga case-control studies ng anti-cancer properties ang olive oil laban sa breast cancer at digestive tract cancers. Dagdag pa nito, may strong mechanistic evidence galing sa mga experimental studies na tumutulong ang olive oil upang bumaba ang blood pressure (anti-hypertensive), makaiwas sa pagbuo ng dugo (blood clot), anti-oxidant, anti-inflammatory at anticancer action ang olive oil.


Sana ay nasagot ng ating mga ipinahayag sa itaas ang iyong mga katanungan.


Sa mga susunod na artikulo sa Sabi ni Doc ay pag-uusapan natin ang iba pang makabagong research studies tungkol sa longevity at ageing at sa ating kalusugan.


Maraming salamat sa inyong pagsubaybay.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | January 25, 2022


ree


Dear Doc Erwin,


Ako ay 55 years old, may hypertension. Noong nakaraang taon, na-mild stroke ako at dahil dito ay iminungkahi ng aking doktor na magbawas ako ng timbang at uminom ng aspirin araw-araw.


Samantala, may kaibigan ako na halos kasing edad ko na ay umiinom din nito, ngunit every other day naman siya kung uminom, hindi katulad sa akin na araw-araw.


Iniinom niya raw ito sa dalawang dahilan – upang maiwasan ang stroke at makaiwas sa cancer.


Totoo ba na nakatutulong ito upang makaiwas sa cancer? - Edwin


Sagot


Maraming salamat Edwin sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at sa pagsubaybay sa ating health column.


Aspirin ang unang non-steroidal anti-inflammatory drug o NSAID na nadiskubre ng mga siyentipiko. Ito ay may laman na acetylsalicylic acid o salicylate na nanggagaling sa halamang willow tree at myrtle. Ang bark ng willow tree ay matagal nang ginagamit sa panggagamot ng sakit ng ulo (headache) at kirot.


Bukod sa paggamit nito ng mga doktor sa panggagamot ng sakit ng ulo at kirot, ginagamit din ito sa sipon at trangkaso, menstrual cramps, arthritis, sprains at migraine.


Gayundin, ginagamit ito upang makaiwas sa pagbuo ng blood clots sa mga pasyenteng mataas ang risk na magkaroon ng cardiovascular events, tulad ng atake sa puso at stroke. Ang kadalasang pinaiinom ng low-dose aspirin (80 o 100 milligrams) ay ang mga nagkaroon na ng stroke at atake sa puso at mataas ang risk na ito ay maulit muli. Maaari rin imungkahi ng doktor na uminom ng low-dose aspirin ang mga may angina o pagsakit ng dibdib (chest pain) dahil sa sakit sa puso.


Sa mga kondisyong nabanggit ay karaniwang pinaiinom ng doktor ang low-dose Aspirin araw-araw. Sa pag-aaral na inilathala sa Journal of Cardiovascular Risk noong April 1996, epektibo rin ang pag-inom ng low-dose Aspirin (100 milligrams) every other day. Sa clinical trial na inilathala noong 2001 ang resulta sa Clinical and Applied Thrombosis and Hemostasis journal ay epektibo rin ang pag-inom ng low-dose Aspirin every three days.


Tungkol naman sa iyong katanungan kung maaari ba itong gamitin upang maiwasan ang cancer, ito ay sinagot ng National Cancer Institute at ng U.S. Preventive Services Task Force (USPSTF) sa Amerika. Sa rekomendasyong inilabas noong 2016, iminungkahi ng U.S.


Preventive Services Task Force na uminom ng low-dose Aspirin ang mga indibidwal na may edad 50 hanggang 59 para sa primary prevention ng cardiovascular disease (CVD) at colorectal cancer (CRC).


Sa isang analysis ng dalawang cohort studies na pinangunahan ni Dr. Andrew Chan ng Harvard Medical School, na inilathala noong June 2016 sa scientific journal na JAMA Oncology, ang pag-inom nito ay nakapagpababa ng risk for colorectal cancer at iba pang uri ng gastrointestinal cancer.


Sa mga observational studies na isinagawa ay maaaring may anticancer properties at nakapagpapababa ng risk ang aspirin laban sa melanoma, ovarian cancer at pancreatic cancer.


Tandaan, ang pag-inom nito para sa pag-iwas sa cardiovascular disease (CVD), colorectal cancer (CRC) at iba pang uri ng cancer na ating nabanggit ay kinakailangan ng pagsubaybay ng inyong doktor dahil mayroong risks ang regular na pag-inom nito, tulad ng stomach irritation, indigestion, nausea, pagsusuka, pagdugo ng bituka at pagpasa (bruising). Bagama’t rare ang side-effect, maaari itong maging dahilan ng hemorrhagic stroke.


Sana ay nasagot ng ating mga ipinahayag sa itaas ang iyong mga katanungan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | January 22, 2022


ree


Dear Doc Erwin,


Regular akong nagbabasa ng inyong health column na Sabi ni Doc at sa ilang artikulo ay binanggit n’yo ang Blue Zone diet. Pamilyar ako sa iba’t ibang klase ng diet dahil marami na rin akong nasubukan upang mabawasan ang aking timbang.


Maaari ba ninyong maipaliwanag kung ano ang Blue Zone Diet, paano ito ginagawa at kung ito ay makatutulong sa aking kalusugan at sa paghaba ng aking buhay? - Gilbert


Sagot

Maraming salamat Gilbert sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at sa pagsubabay sa ating health column.


Ayon sa librong The Blue Zones Solution, binanggit ni Dr. Dean Ornish, Founder and President ng Preventive Medicine Research Institute at Clinical Professor of Medicine sa University of California, ang pinaka-importanteng determinant ng ating kalusugan ay ang ating mga lifestyle choices. Para kay Dr. Ornish makabubuti sa ating kalusugan at paghaba ng buhay ang pagkain ng whole foods at plant-based diet, umiwas at i-manage ang stress, moderate exercise, tulad ng paglalakad, social at community support at meaningful at may purpose na buhay. Aniya, ang mga pamamaraang ito ay makatutulong makaiwas sa mga chronic diseases at kadalasan ay maaaring ma-reverse ang paglala ng mga sakit na ito.


Ang The Blue Zones Solution ay libro na isinulat ni Dan Buettner, taga-National Geographic Society. Sa aklat na ito ay inihayag ni Dan Buettner ang mga resulta ng kanilang pag-aaral ni Michel Poulain, isang demographer, kung saan parte ng mundo na marami sa populasyon ay nabubuhay ng higit pa sa pangkaraniwang edad o lifespan at kung saan ang matatanda ay walang sakit, tulad ng obesity, cancer o diabetes.


Ayon sa Buettner-Poulain team of experts, may 9 common denominators kung bakit nabubuhay nang matagal at bihira magkasakit ang mga centenarians (100 years old) at super-centenarians (mahigit 100 years old) sa 5 Blue Zones na nabanggit. Ang mga ito ay ang patuloy na paggalaw o pag-exercise, pagkakaroon ng sense of purpose sa buhay (‘ikigai” ang tawag ng mga Okinawans), pagkakaroon ng paraan upang maiwasan o mabawasan ang stress, 80% rule sa pagkain (kumakain hanggang 80% full lamang), pagkain ng gulay (kumakain sila ng karne limang beses lamang sa isang buwan at kaunti lamang), pag-inom ng alak in moderation (mas mahaba ang buhay ang umiinom ng alak in moderation kaysa sa hindi umiinom.


Idagdag din natin na bukod sa Blue Zone diet na kinakain ng mga Ikarians ay may natuklasan pa ang mga researchers ng University of Athens Medical School at Harvard School of Public Health. Ayon sa kanilang pag-aaral, ang regular na pag-nap o pagsiyesta sa loob ng limang araw linggu-linggo ay nagpababa ng 37 percent sa risk na magkaroon ng sakit sa puso ng mga Ikarians.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


 
 
RECOMMENDED
bottom of page