top of page
Search

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | June 7, 2022



ree

Part 1


Si Dr. David Sinclair ay isa sa Time magazine’s 100 Most Influential People in the World noong 2014 at noong 2018, muli siyang pinarangalan bilang isa sa Time magazine’s 50 Most Influential People in Health Care. Bakit kaya ganito katanyag si Dr. Sinclair?


Ipinanganak at lumaki si Dr. David Sinclair sa New South Wales, Australia. Noong 1956, mula sa Hungary ay naglakbay sa Australia ang kanyang mga ninuno ng sumiklab ang rebolusyon laban sa communist government ng Hungary at noon ay mapanikil na polisiya ng Soviet Union.


Nag-aral si Dr. Sinclair sa University of New South Wales, kung saan siya ay ginawaran ng degree na Bachelor of Science at noong 1995 naman ay Ph.D. in molecular genetics. Mula sa Australia ay naging post-doctoral researcher si Dr. Sinclair sa Massachusetts Institute of Technology (MIT) sa Amerika. Habang nasa MIT ay nadiskubre niya ang isang gene na nagpapabagal ng pagtanda. Tinawag niya itong sirtuin 1.


Dahil sa kanyang talino at galing ay kinuha siya ng Harvard Medical School noong 1999. Noong 2004, sa tulong ng malaking donasyon ng pilantropo ay naitayo ni Dr. Sinclair sa Harvard Medical School ang Paul F. Glenn Laboratories for the Biological Mechanisms of Aging. Layon ng laboratoryo na ito ang pag-aralan kung paano tumatanda ang tao. Matapos ito ay na-promote bilang tenured professor sa Harvard Medical School si Dr. Sinclair.


Hindi naglaon ay nadiskubre ng mga scientists ang sirtuin 2. Sa pangunguna ni Dr. Sinclair ay nadiskubre nila na kung magiging aktibo ang mga sirtuins, ito ay magpapabagal ng pagtanda ng tao. Sa patuloy na pananaliksik ng laboratoryo ni Dr. Sinclair ay nadiskubre rin nila na ang resveratrol, substance na makikita sa red wine at ang Nicotinamide Adenine Dinucleotide o NAD ay parehong nakatutulong ma-activate ang mga sirtuins at nagpapabagal ng pagtanda.


Sa kanyang isinulat na libro na may titulong Lifespan: Why We Age – and Why We Don’t Have To, isang New York Times bestseller ay sinabi niyang kung may isang bagay na maaaring magpahaba ng buhay ng tao na kanyang natutunan sa mahigit na 25 years niyang pag-aaral sa pagtanda (aging) ng tao, ito ay ang pagkain ng mas kaunti (eat less). Ayon kay Dr. Sinclair, simula pa sa panahon ni Hippocrates, isang Greek physician ay ginagamit na ito sa panggagamot. Ayon sa kanya, ang pagkain ng mas kaunti o ang hindi pagkain sa itinakdang panahon ( fasting) ay maganda sa ating kalusugan at nakakapagpahaba ng buhay.


Inihalimbawa ni Dr. Sinclair, si Luigi Cornaro, isang mahirap na tao na dahil sa talento sa pagnenegosyo ay yumaman. Nabuhay siya sa Italya noong 15th century. Dahil sa kanyang pagyaman ay namuhay siya ng labis-labis sa pagkain at pag-inom ng alak. Ngunit siya ay nagbago ng pamumuhay noong marating niya ang edad na 30, kung saan sinanay niya ang sarili na mas kaunti ang kainin at inumin na alak. Isinulat niya ang librong First Discourse on the Temperate Life noong siya ay edad 80. Namatay siya na mahigit 100 years old.


Isa pang ehemplo na ibinigay ni Dr. Sinclair ay si Professor Alexandre Guéniot, naging Presidente ng Paris Medical Academy. Ang propesor ay naging tanyag sa kanyang restricted diet, kung saan kaunti lamang ang kanyang kinakain sa paniniwalang ang ganitong kaugalian ay nagpapahaba ng buhay. Dahil dito ay pinagtatawanan si Professor Alexandre ng kanyang mga kaibigan at mga kasama sa trabaho. Namatay ang propesor sa edad na 102.


Abangan ang ikalawang bahagi ng ating serye tungkol sa mga advice ni Harvard professor Dr. David Sinclair kung paano humaba ang ating buhay.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | March 8, 2022



ree



Dear Doc Erwin,


Ako ay nakatira sa barangay na malayo sa siyuda, kung saan ay walang drugstore at malayo sa health center. Karaniwan na naming kinokonsulta ang aming albularyo tungkol sa mga pang-araw-araw na sakit. Kadalasan ay gumagamit ang aming albularyo ng iba’t ibang preparasyon ng dahon ng guyabano upang gamutin ang sugat, sakit sa balat, ubo at sipon. Ano ba ang guyabano? - Andeng


Sagot


Maraming salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc. Tungkol sa inyong unang katanungan, ayon sa Ecosystems Research and Development Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang Guyabano ay isang uri ng fruit tree na karaniwang nakikita sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Ito ay tinatawag din na “soursop” o kaya ay sa scientific name nitong Annona muricata Linnaeus. Ito ay tinatawag din sa pangalang “Graviola” sa Brazil at “Guanabana” sa Español.


Makikita rin ang Guyabano sa ibang bansa, tulad ng Bahamas, Brazil, Chile, Mexico, Puerto Rico, Sri Lanka, Trinidad and Tobago at sa Virgin Islands sa bansang Amerika. Ito ay itinuturing na exotic fruit sa India, China, Nigeria, Sierra Leone, Thailand at Vietnam. Dinala ang Guyabano sa ating bansa mula sa Mexico sa pamamagitan ng Manila-Acapulco Galleon trade.


Ayon sa philippineherbalmedicine.org ang Guyabano ay mayaman sa carbohydrates, Vitamin C, Vitamin B1 at B2, potassium at fiber. Mababa ito sa saturated fat, cholesterol at sodium. Dahil ito ay masustansiya, ang hinog na Guyabano ay karaniwan ng kinakain bilang dessert. Ginagawa rin itong fruit bars, candies, shakes, ice cream, wine at guyabano fruit drink.


Bukod sa sustansiyang na idinudulot nito sa ating katawan, ginagamit din ito sa panggagamot bilang herbal medicine sa iba’t ibang bansa, tulad ng Brazil, Africa, Haiti, Malaysia, Trinidad and Tobago at Amerika.


Ito rin ay karaniwang ginagamit bilang herbal remedy sa paggamot sa ubo, lagnat at sa scurvy. Ang dinurog na dahon ay ginagamit sa pigsa, impeksiyon ng sugat, scabies, rayuma, mga sakit sa balat, tulad ng eczema.


Ang dahon ng Guyabano ay inilalaga upang gamitin bilang pampaihi, pampaantok, pampababa ng mataas na blood pressure, pampurga, insect repellant at pamatay kuto. Ito ay ginagamit din panlaban sa anxiety attacks. Ang nilagang dahon ay nilalagyan ng asin upang ipanggamot sa mga karamdamang may kinalaman sa ating panunaw (digestive disorders) at sa fatigue.


Ang juice mula sa Guyabano fruit ay iniinom bilang herbal remedy para sa impeksiyon sa ihi, pagdugo sa ihi at mga sakit sa atay.


Dumako naman tayo sa mga makabagong pag-aaral ng mga siyentipiko. Sa scientific journal na Carcinogenesis na inilathala noong 2018, sinabi ng mga siyentipiko na nakitaaan ang Guyabano ng anti-cancer, anti-inflammatory at antioxidant properties.


Ang anti-cancer activity ng Guyabano ay nakita laban sa pancreatic cancer, colon cancer, lung cancer, prostate cancer, breast cancer, head and neck cancer, lymphoma, leukemia at multiple myeloma. Ayon sa pag-aaral na nabanggit, iba’t ibang mekanismo ang ipinapakita ng Guyabano sa paglaban sa kanser.


Ang inflammation sa ating katawan ang sinasabing mekanismo o dahilan ng maraming sakit, tulad ng asthma, arthritis, Crohn’s disease, Alzheimer’s disease, sakit sa puso, diabetes, high blood pressure at cancers. Sa mga scientific studies ay nakitaan ang Guyabano ng anti-inflammatory activity, kung saan pinipigilan nito ang inflammation sa pamamagitan ng paglaban nito sa mga tinatawag na inflammatory mediators. Dahil dito ay maaaring makatulong ang Guyabano sa pagpigil o paggamot ng mga sakit na nabanggit.


Nakitaan din ng pagpapabilis ng paggaling ng sugat (wound healing properties) ang Guyabano, kung saan ang extracts galing sa dahon at tree bark ng Guyabano ay nakakapagpabilis ng apat na phases ng wound healing – coagulation, inflammation, proliferation at tissue makeover.


Kinumpirma ang mga nabanggit sa itaas na health benefits sa isang artikulo tungkol sa anticancer properties ng Guyabano na inilathala sa scientific journal na Oxidative Medicine and Cellular Longevity noong July 2018.


Dahil sa kakulangan ng espasyo ay hindi natin mababanggit ang lahat ng mga potential health benefits ng Guyabano. Gayunman, nararapat din na banggitin natin na kailangan pa ng safety studies at ang masusing pag-aaral sa toxicological profile ng Guyabano.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | February 10, 2022


ree


Dear Doc Erwin,


Ako ay ina na may seven years old na anak na lalaki. Kamakailan ay na-diagnose siya na may epilepsy at nag-request ang doktor ng PET scan.


Ano ang PET scan? Makabubuti ba ito sa aking anak at sa kanyang sakit na epilepsy?


May radiation ba ito o may idudulot na masama sa kalusugan ng aking anak? - Maria Rosita


Sagot


Maraming salamat Maria Rosita sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at sa pagsubaybay sa ating health column.


Ang Positron Emission Tomography o PET scan ay imaging technique na ginagamit ng mga specialista sa nuclear medicine. Ang PET scan ay naiiba sa CT scan at MRI.


Sa pamamagitan ng tinatawag na radiotracers, isang radioactive material na naglalabas ng radiation at ng PET scan machine ay nalalaman ng mga dalubhasa kung paano gumagana ang ating katawan, isang organ o kung lumalala o gumagaling na ang sakit.


Halimbawa, sa inyong anak na kamakailan lamang ay na-diagnose na may epilepsy, ginagamit ang PET scan upang malaman ng inyong doktor kung saang parte ng utak ng inyong anak ang apektado ng epilepsy. Makatutulong ang PET scan upang makapagdesisyon ang inyong doktor kung anong gamot o treatment ang nararapat sa inyong anak.


Maaari rin gamitin ang PET scan sa pag-diagnose ng Alzheimer’s disease. Sa ganitong procedure ginagamit ang glucose-based radiotracer, tulad ng FDG o F-18 fluorodeoxyglucose. Dahil ang mga apektadong brain cells sa Alzheimer’s disease ay hindi gaanong nagagamit ang glucose, bilang source of energy, kumpara sa mga normal brain cells, makikita sa PET scan ang parte ng brain na may kakulangan sa paggamit ng glucose. Ang mga bahagi na ito ang apektado ng Alzheimer’s disease.


Isa pang halimbawa ay ang paggamit ng PET scan sa sakit na cancer. Sa pamamagitan ng PET scan nalalaman kung may cancer ang pasyente at kung anong stage na ng cancer meron ito. Makatutulong din ang PET scan upang malaman ng doktor at ng pasyente kung epektibo ang ginagawang treatment sa pasyente o muling bumalik ang cancer.


Sa sakit sa puso, malalaman, sa pamamagitan ng PET scan, kung aling parte ng puso ang apektado ng sakit at kung may problema sa pagdaloy ng dugo sa puso.


Tungkol sa inyong katanungan kung ang PET scan ay may radiation, dahil gumagamit ang PET scan ng radioactive material bilang radiotracer nito, mayroong risk dahil sa radiation exposure.


Hindi ito nararapat sa mga buntis at breastfeeding mothers. May mga pagkakataong ito ay maaaring gamitin sa mga nabanggit kung sa evaluation ng doktor ay mas makabubuti ito kaysa makakasama sa pasyente at sa bata. Sa pagkakataong ito ay kinakailangang malaman ng pasyente ang mga risks ng radiation ng PET scan sa kanyang katawan at sa bata na kanyang ipinagbubuntis.


Sa breastfeeding mother naman ay kinakailangang palipasin muna ang apat oras o higit pa pagkatapos ng PET scan bago muling magpasuso.


Dahil sa radiation na nanggagaling sa radiotracers na ginamit sa PET scan ay pinapayuhan ang pasyente na pansamantalang lumayo muna ng ilang oras sa mga buntis, breastfeeding mothers at sa mga bata upang maiwasan ang radiation exposure sa mga nasabing indibidwal.


Sana ay nasagot ng ating mga ipinahayag sa itaas ang iyong mga katanungan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


 
 
RECOMMENDED
bottom of page