top of page
Search

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | June 25, 2022



ree

Sa pagpapatuloy ng ating talakayan tungkol sa high blood pressure ay pag-usapan natin ang kahalagahan ng pag-iwas o pagkontrol ng high blood pressure.


Ang high blood pressure ay kadalasang nakikita sa indibidwal na may edad 50 pataas na dahilan ng pagkakasakit sa puso, stroke, kidney failure at dementia. Dahil dito pinag-aralan kung makatutulong ang pagpapanatiling normal ng blood pressure sa mga nakakatanda.


Ayon sa pag-aaral na tinawag na Systolic Blood Pressure Intervention Trial o SPRINT study, ang pagpapanatili ng systolic blood pressure ng mas mababa sa 120 sa indibidwal na may edad 50 pataas, nakatutulong na mabawasan ang pagkakasakit sa puso.


Sa isa pang controlled trial na tinawag na SPRINT MIND na pinonodohan ng National Institute of Health at inilathala sa Journal of American Medical Association noong January 28, 2022, ang pagkontrol ng systolic blood pressure na mas mababa sa 120 ay nakatulong na mapababa ang risk na magkaroon ng Mild Cognitive Impairment (MCI).


Ang MCI ay sakit kung saan ang indibidwal ay nahihirapang mag-isip at makaalala. Ang MCI ay maaaring lumala at mapunta sa condition na tinatawag na dementia. Isang halimbawa ng dementia ay ang Alzheimer’s disease.


◘◘◘


Ang Biotin ay isang uri ng Vitamin B na kinakailangan ng ating katawan upang ma-metabolize ang iba’t ibang uri ng nutrients, tulad ng fatty acids, glucose at amino acids. Ginagamit din ng ating katawan ang Biotin sa gene regulation at cell signaling. Ayon sa Food and Nutrition Board ng Amerika, 30 microgram ng Biotin araw-araw ay sapat na. Makukuha ang Biotin mula sa itlog, isda, karne, mani at kamote. Maaari rin uminom ng Biotin bilang supplement. Malimit itong kasama ng B Complex vitamins.


Ang pagkain ng 3 pirasong nilagang itlog ay sapat na upang makamit ang pangangailangan ng ating katawan sa Biotin. Dahil makukuha natin ang Biotin sa maraming pagkain, ang Biotin deficiency ay rare.


Ang dahan-dahang pagka-kalbo at pagkawala ng buhok sa ulo at katawan ay isang senyales na maaaring may Biotin deficiency. Gayundin kung may makitang rash sa mata, ilong at bibig. Ang “brittle nails” ay isa pang senyales na maaaring may Biotin deficiency. Dahil sa mga senyales na ito ng Biotin deficiency, pino-promote ang Biotin para sa “hair, skin and nail health”.


Tandaan, ang pag-inom ng ilang gamot ay maaaring magresulta sa Biotin deficiency. Ayon sa ilang pag-aaral, ang pag-inom ng anticonvulsants na carbamazepine, primidone, phenytoin at phenobarbital ay magpapababa ng Biotin level at Biotin absorption. Kaya’t ipinapayo ng mga doktor na kumain ng pagkaing mayaman sa Biotin o uminom ng Biotin supplements ang mga pasyente na umiinom ng mga gamot na nabanggit.


Bagama’t wala pang na-establish na Tolerable Upper Intake Level para sa Biotin, ang mga umiinom ng Biotin supplements ay pinag-iingat. Ito ay dahil maaaring mag-interfere ito sa ilang laboratory examinations. Maaaring magresulta ng abnormal level ng thyroid hormone at ng Vitamin D level ang indibidwal na umiinom ng Biotin supplement. Ipaalam sa inyong doktor ang pag-inom ng Biotin supplement kung may planong magpa-laboratory examination.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | June 23, 2022



ree

Sa pagsasaliksik ng mga scientists, tatlo ang nakita nilang longevity pathways na tumutulong sa ating katawan upang labanan ang pagtanda at mga kaakibat nitong sakit at paghina ng katawan. Ang tatlong pathways ay ang mTOR, AMPK at ang mga SIRTUINS. Ano ang mga kinakailangan nating gawin upang ma-activate ang mga pathways na ito? Sa nakaraang mga artikulo ay pinag-usapan na natin ang mga paraan upang ma-activate ang mga longevity pathways. Binanggit natin ang pagkain ng low calorie. May iba’t ibang pamamaraan upang magawa ito, tulad ng pagbabawas ng mga kinakain at intermittent fasting.


Ang pangalawang paraan ay ang pagkain ng low amino acid diet o ang pagbabawas ng pagkain ng protina, lalo na ang protina galing sa red meat.


Ang pangatlong paraan upang ma-activate ang longevity pathways na binanggit ay ang pag-e-exercise. Ayon sa mga pananaliksik, maa-activate na ang mga longevity pathways kung mag-e-exercise ng 15-minutes araw-araw.


May maaari pa ba tayong gawin upang mapahaba ang ating buhay, ayon sa mga longevity scientists? Ayon kay Harvard scientist Dr. David Sinclair, may mga “molecules” na maaari nating inumin upang ma-activate ang mga longevity pathways. Ang mga ito ay ang rapamycin, metformin, resveratrol at NAD boosters. Bukod sa metformin na nauna na nating tinalakay ay pag-uusapan natin ang bawat isa sa mga susunod na artikulo.


***


Noong isang araw ay nakatanggap tayo ng e-mail mula sa isang tagasubaybay ng Sabi ni Doc column. Ayon kay ginoong Rudy Ruiz, siya ay ilang taon nang umiinom ng metformin, isa sa mga “molecules” na ayon kay Dr. David Sinclair ay nagpapahaba ng buhay sa pamamagitan ng pag-activate nito ng longevity pathways.


Sa kanyang e-mail ay humiling din si Kuya Rudy na talakayin natin ang high blood pressure at mga kaparaanan upang ito ay ma-control at mapababa. Bilang pagbibigay sa kanyang kahilingan ay talakayin natin ito.


Ang high blood pressure ay tinatawag din na “hypertension”. Kadalasan itong nakikita sa mga nagkakaedad. Habang tayo’y tumatanda, nagkakaroon ng pagbabago sa ating vascular system at unti-unting tumitigas ang ating mga arteries dahilan ng pagtaas ng blood pressure.


Tinawag na “silent killer” ang high blood pressure dahil madalas itong walang mga sintomas at maaaring hindi natin alam na tayo’y may hypertension na. Kung hindi mako-control o mapapababa ang blood pressure ay maaring magdulot ito ng iba’t ibang sakit tulad ng sakit sa bato (kidney), sakit sa puso, sakit sa mata at dementia.


Ang normal na blood pressure sa mga adults ay 120 (systolic) over 80 (diastolic) o mas mababa rito. Ito ay considered “elevated” blood pressure kung ang systolic blood pressure ay nasa 120 hanggang 129, at mababa sa 80 ang diastolic blood pressure. Magiging “high” blood pressure naman ito kung ang systolic blood pressure ay 130 o higit pa o kaya’y 80 o higit pa ang diastolic blood pressure.


Ano ang maaaring gawin kung may elevated o kaya high blood pressure? May mga paraan upang mapababa ang blood pressure, tulad ng exercise, pagbabago ng diet at mga gamot. Ayon sa mga eksperto sa hypertension, may mga pagbabago sa ating lifestyle na maaaring gawin upang mapababa ang blood pressure — ang pagbabawas ng timbang kung overweight; ang pag-e-exercise ng at least 150 minutes sa isang linggo; kumain ng pagkain na mayaman sa gulay, prutas, grains at protina; bawasan ang pagkain ng maalat at bawasan din ang iniinom na alak; at kinakailangan din na huminto sa paninigarilyo.


Ang pagtulog na sapat, mula 7 hanggang 8 oras ay nagpapababa ng blood pressure. Makatutulong din ang mga kaparaanan upang ma-reduce ang stress.


Ipagpapatuloy natin ang talakayan sa high blood pressure sa susunod na artikulo.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | June 18, 2022


ree

Sa pagpatuloy ng ating serye kung paano mapahaba ang buhay (lifespan) at ang pagiging malusog na pangangatawan (healthspan), pag-usapan naman natin ang gamot na pamilyar ang marami na may sakit na diabetes. Ito ay ang metformin.


Ang metformin ay isa sa mga gamot na popular gamitin sa buong mundo. Ito ay nasa Model List of Essential Medicines ng World Health Organization, isang listahan ng pinaka-epektibo, safe at cost-effective na gamot.


Bukod sa pagiging epektibo, mura at safe na gamot sa sakit na Type 2 diabetes, ang metformin ay sikat din bilang “longevity pill” o gamot na nakapagpapahaba ng buhay.


May basehan nga ba ang popularidad ng metformin bilang longevity pill? Ayon kay Dr. David Sinclair, sa mga pag-aaral sa laboratoryo ni Dr. Rafael de Cabo sa National Institutes of Health sa Amerika, maaaring makapagpahaba ng buhay ang pag-inom ng low dose metformin. Bukod sa epekto nitong 6 na porsiyentong dagdag sa haba ng buhay ay napapababa rin nito ang cholesterol at nai-improve ang physical performance.

Ayon pa rin kay Dr. Sinclair, sa 26 na research studies, 25 dito ay nagpapakita ng pagbibigay-proteksyon ng metformin laban sa cancer at sa pag-aaral ng 41,000 indibidwal na nasa edad na 68 hanggang 81 na umiinom ng metformin, nabawasan ang likelihood ng pagkakaroon ng dementia, sakit sa puso, cancer, panghihina at depression. Nababawasan ng metformin hanggang 40 percent ang risk na magkaroon ng lung, colorectal, pancreatic at breast cancer.


Paano nga ba nagagawa ng metformin ang mga binanggit na epekto nito? Ayon kay Dr. Sinclair, ang epekto ng metformin ay katulad din ng epekto ng caloric restriction. Sa cellular level, ina-activate nito ang enzyme na AMPK at ang longevity protein na SIRT1. Ini-inhibit din nito ang cancer cell metabolism.


Gaano katagal ang pag-inom ng metformin bago makita ang epekto nito? Ayon kay Dr. Sinclair, sa maliit na study, na-reverse ng metformin ang DNA methylation age ng blood cells sa loob lamang ng isang linggo sampung oras lamang matapos uminom ng metformin. Ngunit kinakailangan pa ang pag-aaral sa mas maraming indibidwal upang malaman kung gaano kabilis makikita ang anti-aging effect ng metformin.


Sa ngayon ay patuloy ang pag-aaral ng mga scientists, tulad ni Dr. David Sinclair ng Harvard Medical School at ni Dr. Nir Barzilai ng Albert Einstein College of Medicine tungkol sa aging at epekto ng metformin sa ating pagtanda. Positibo ang mga nasabing scientists na darating din sa madaling panahon na ang pagtanda (aging) ay ikokonsidera na bilang “treatable disease” at ang metformin ang gamot dito.


Ipagpapatuloy natin ang serye ng mga pamamaraan ayon sa mga scientific research kung paano mapahaba ang ating lifespan at healthspan sa mga susunod pa na artikulo. Ipagpatuloy n’yo lamang ang inyong pagsubaybay.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


 
 
RECOMMENDED
bottom of page