top of page
Search

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | July 21, 2022



ree

Dear Doc Erwin,


Noong nakaraang taon ay inatake sa puso ang aking ina. Dahil dito ay umiinom siya ng mga gamot na inireseta ng doktor upang hindi maulit ang kanyang atake sa puso.


Nabasa ko sa magazine na ang Omega 3 supplement ay makatutulong na hindi maulit ang atake sa puso. May basehan ba ito? Kung ito ay makatutulong sa aking ina, may mga pagkain ba na mapagkukunan nito? - Michael


Sagot

Maraming salamat Michael sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang Omega 3, ayon sa Harvard School of Public Health ay isang uri ng fatty acid na kinakailangan ng ating katawan sa paggawa ng mga cells at hormones na tumutulong para sa contraction ng ating muscles, ma-relax ang mga blood vessels, maregulate ang clotting mechanism ng ating dugo at tumutulong din sa regulation ng inflammation. Mayroon din role ang Omega 3 sa pag-regulate ng genetic function ng ilang uri ng mga cells sa ating katawan. Ayon sa mga scientists, dahil sa mga kayang gawin ng Omega 3 kaya’t nakatutulong ito upang tayo ay makaiwas sa sakit sa puso, stroke at makontrol ang mga sakit, tulad ng rheumatoid arthritis, eczema at lupus. Maaari rin mabigyan tayo ng protection laban sa cancer.


Itinuturing na essential fat ang Omega 3 dahil hindi ito kayang gawin ng ating katawan. Dahil dito kailangan natin makuha ang Omega 3 sa mga kinakain o kaya bilang supplement. Ang mga pagkaing mayaman sa Omega 3 ay ang isda, madahon na gulay, vegetable oil, walnuts at flax seed.


May iba’t ibang uri ng Omega 3, tulad ng alpha-linolenic acid (ALA), eicosapentaenoic acid (EPA), docosahexaenoic acid (DHA) at iba pa. Ang ALA, na makukuha sa flax seeds, chia seeds at walnuts ay kino-convert ng ating katawan sa EPA at DHA. Dahil mahina ang conversion ng ating katawan ng ALA sa EPA at DHA, makabubuting kumain o uminom ng supplement na naglalaman ng EPA at DHA. Ang mga pagkaing mayaman sa EPA at DHA Omega 3 ay mga isda, tulad ng salmon, sardinas at mackerel. Mayaman din ang atay ng isda na cod at ito ay available bilang isang supplement na tinatawag na cod liver oil.


Upang masagot natin ang iyong iba pang katanungan, banggitin natin ang pag-aaral. Isang malaking clinical trial ang isinagawa na tinatawag na GISSI Prevention Trial. Inilathala ang resulta nito sa medical journal na Lancet noong August 1999. Sa clinical trial ay pinag-aralan ng mga scientists ang epekto sa mga pasyente na nagkaroon na ng atake sa puso ng pag-inom ng 1 gram capsule ng Omega 3 supplement araw-araw sa loob ng 3-taon. Ayon sa resulta ng clinical trial na ito, mas mababa ang posibilidad na maulit muli ang atake sa puso sa mga pasyente na uminom ng Omega 3, araw-araw.


Mas mababa rin ang posibilidad na magkaroon ng stroke at biglaang pagkamatay.


Tungkol sa iyong katanungan kung gaano kadalas dapat kumain ng mga pagkaing mayaman sa Omega 3, ayon sa Harvard School of Public Health, makabubuting kumain ng mayaman sa Omega 3 hindi bababa sa isa o dalawang beses sa isang linggo.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | July 19, 2022



ree

Dear Doc Erwin,


Kamakailan ay dumating ang aking matalik na kaibigan mula sa Europa at nalaman ko sa kanya ang makabagong diet na makatutulong upang maiwasan ang maraming sakit, tulad ng sakit sa puso, diabetes at high blood pressure. Ayon sa kanya, maaari ring maiwasan ang cancer at depression sa pagkain ng tinatawag na “anti-inflammatory diet”.


Nais ko sanang malaman kung ano ang anti-inflammatory diet, kung ito ba ay makatutulong sa aking kalusugan at kung may mga pag aaral na tungkol dito. - Maria Josephine


Sagot


Maraming salamat Maria Josephine sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang “inflammation” ay pamamaraan ng ating katawan upang malabanan ang mga bacteria, virus, toxins at infections. Ina-activate ng inflammation ang ating immune system upang ma-eliminate ang mga nabanggit at tinutulungan nito ang ating katawan na maghilom at gumaling mula sa sakit. Ang ganitong uri ng inflammation ay panandalian lamang hanggang sa maibalik ang ating katawan sa healthy state nito. Ngunit kung ang inflammation ay maging “chronic” o pang-matagalan, ito ay magiging dahilan ng maraming sakit, tulad ng diabetes, sakit sa puso, hypertension, cancer at Alzheimer’s disease. Ang tawag sa ganitong masamang uri ng inflammation ay Systemic Chronic Inflammation o SCI.


Sa pag-aaral na nailathala sa peer-reviewed journal na Nature Medicine noong December 2019, ang chronic inflammation o SCI ay unti-unti sumisira sa ating mga organs na dahilan ng maraming sakit, tulad ng diabetes, sakit sa puso, cancer at Alzheimer’s disease, depression at osteoporosis. Ayon pa rin sa pag-aaral na ito, habang tayo ay tumatanda ay tumataas ang levels ng mga inflammatory markers sa ating katawan, tulad ng cytokines, chemokines at acute phase proteins. Sa pag-aaral na inilathala sa scientific journal na Lancet noong 2010, ang mataas na level ng inflammatory marker na CRP sa ating katawan ay nangangahulugan ng pagtaas ng ating risk na magkaroon ng sakit sa puso at stroke.


Dahil sa mga nabanggit at mga pag-aaral tungkol sa anti-inflammatory effects ng mga antioxidants at polyphenols na makikita sa mga sari saring pagkain ay binuo ng mga eksperto ang “anti-inflammatory diet”. Ang diet na ito ay pagkain ng mga pagkain na mayaman sa antioxidants at polyphenols na nakatutulong sa ating kalusugan at lumalaban sa masamang uri ng inflammation sa ating katawan. Ang mga ito ay ang mga prutas na papaya, mangga pineapple at berries; mga gulay, tulad ng carrots, kalabasa at madahon na gulay; mga beans at lentils; isda na mayaman sa omega-3, tulad ng salmon, sardines at mackerel; yoghurt; at mga whole grains, tulad ng brown, red o black rice. Ang mga herbs at spices na turmeric, ginger, garlic, cinnamon at rosemary ay may anti-inflammatory properties din.


Kasama ng diet na ito ang pag-iwas sa mga pagkain na maaaring maging dahilan ng inflammation sa ating katawan, tulad ng asukal at mga refined carbohydrates, karne, pagkaing mayaman sa trans at saturated fats, at maalat na pagkain.


Bukod sa nabanggit na health benefits ng anti-inflammatory diet ay makatutulong ang diet sa mga indibidwal na may psoriasis, asthma at depression. Makababawas din ito ng pananakit ng katawan, pamamaga ng joints, pangangati at madaling pagkapagod.


Tandaan, ang kakulangan sa tulog at exercise at ang stress ay dahilan din ng chronic inflammation, kaya makabubuting matulog ng 8 hanggang 9 na oras sa gabi, mag-exercise ng 30 minuto limang beses isang linggo at umiwas sa stress. Lahat ng ito ay makatutulong sa pag-iwas sa sakit habang tayo ay tumatanda.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | July 14, 2022


ree

Dear Doc Erwin,

Sumulat ako sa inyo upang humingi ng payo. Kamamatay lang ng aking ama dahil sa kanyang malubhang sakit at naiwan ang aking ina na nag-iisa. Ako ay nag-aalala dahil siya ay naging malulungkutin at mapag-isa. Ang ina ko ay senior citizen na, may diabetes at sakit sa puso.

Maaari bang makaapekto sa kanyang sakit sa puso at diabetes ang pagkamatay ng aking ama at ang kanyang pagiging malungkutin? Ano ang maaari kong gawin upang matulungan ang aking ina? - Jayson


Sagot


Maraming salamat Jason sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang pagkamatay ng mahal sa buhay ay isa sa mga pangyayari sa ating buhay na magbibigay ng matinding emotional at physical stress. Ang stress na tulad nito ay kinikilalang risk factor sa maagang pagkamatay mula sa sakit sa puso. Ayon sa pinakabagong pag-aaral na inilathala sa Journal of the American College of Cardiology ngayun lamang July 6, 2022, ang pagkamatay ng family member, tulad ng asawa, partner, kapatid, anak o apo ay may relasyon sa maagang pagkamatay ng naulila. Ang maagang pagkamatay ay maaring natural o dahil sa sakit o kaya ay unnatural death o sa ibang dahilan maliban sa sakit.


Ayon pa sa nabanggit na pag-aaral, pinakamataas ang risk ng maagang pagkamatay (risk of mortality) ng naulila kung ang namatay ay asawa o partner. Mas mababa naman kung ang namatay ay kapatid, anak o apo.


Sa unang linggo ng pagkamatay ng mahal sa buhay ang pinakamataas ang risk of mortality. Kaya importanteng mabigyan ng physical at emotional support ang iyong ina sa mga unang araw matapos mamatay ang iyong ama. Malaki rin ang maitutulong ng mga kaibigan ng iyong ina upang mabigyan siya ng social support. Ayon sa pag-aaral na inilathala sa American Journal of Epidemiology noong 1995, nanatiling mataas ang mortality risk ng naulila mula 7 buwan hanggang sa isang taon matapos mamatay ang mahal sa buhay.


Ayon kay Dr. Suzanne Steinbaum, ang depression, anxiety, kakulangan sa emotional support at pakikisalamuha, at ang emotional at physical stress ay maaaring makapagpalala ng sakit sa puso. Ang lungkot at pagluluksa ay nakakaapekto rin sa ating immune system. Ayon sa mga researchers ng University of Arizona, humihina ang kakayahan ng ating immune system na labanan ang sakit sa panahon ng kalungkutan at pagluluksa. Tumataas din ang level ng inflammation sa ating katawan na nagpapalala ng sakit sa puso at diabetes.


Dahil sa mga nabanggit, bukod sa pagbibigay ng physical, emotional at social support sa iyong ina, kinakailangan na regular na matingnan ang iyong ina ng kanyang doktor. Makatutulong ito upang ma-monitor ang pag-inom ng gamot ng iyong ina, regular na ma-examine ang kanyang puso at diabetes at matingnan kung siya ay nakaka-develop ng depression o anxiety.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page