top of page
Search

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | January 17, 2023




Dear Doc Erwin,


Ako ay biyudo at senior citizen na rin. Maliban sa aking osteoarthritis at paghina ng memorya ay malusog ang aking pangangatawan. Napag-alaman ko mula sa health store na makabubuti ang health supplement na Boron upang mas lumakas ang aking pangangatawan. Ano ba ito, at ano ang epekto nito sa kalusugan? – Dexter


Sagot


Ang Boron ay trace mineral na mahalaga sa kalusugan. Ito ay nakukuha sa pagkain at sa mga commercial health supplement. Kung regular na kumakain ng prutas, madahong gulay, mani at umiinom ng mga fermented na inumin galing sa gulay, tulad ng wine, cider at beer ay maaaring sapat na ang Boron sa katawan.


Sa 2015 review article sa Integrative Medicine: A Clinician’s Journal, napag-alamang maraming scientific research na ang Boron ay kinakailangan ng katawan sa kalusugan ng mga buto, pagpapagaling ng sugat, sa regulasyon ng estrogen, testosterone at Vitamin D at pag-absorb ng magnesium. Nakatutulong din ito upang mabawasan ang inflammation sa katawan at itaas ang level ng iba’t ibang antioxidant enzymes, tulad ng glutathione.


Nakitaan din ng epekto ang Boron sa pag-iwas at paggamot ng iba’t ibang uri ng kanser, tulad ng prostate, cervical at lung cancer, gayundin laban sa lymphoma. Ang Boron ay ginagamit upang mabawasan ang mga hindi kanais-nais na epekto ng mga cancer chemotherapeutic drugs.


Tungkol sa inyong kalagayan, makatulong ito sa osteoarthritis at sa inyong paghina ng memorya.


May maitutulong ba ang Boron sa paghina ng memorya ng mga senior citizens?


Ayon sa 2013 study, na inilathala sa journal na Biological Trace Element Research ay nagkakaroon ng paghina ng brain electrical activity, attention at short-term memory ang indibidwal, na kulang sa trace mineral na Boron. Kaya’t makatutulong ito upang mapanatili ang brain electrical activity, cognitive performance at short-term memory ng matatanda.


Hanggang sa ngayon ay wala pang naitala na daily minimum requirement ng Boron, ngunit kung babalikan ang mga pananaliksik na binanggit ay makikita na ang mga health benefits ng Boron ay makikita lamang sa minimum daily dose na 3 milligrams. Maaaring gamitin ang dose na 6 o 9 milligrams per day sa osteoarthritis. Nagkakasundo naman ang mga siyentipiko na 20 milligrams per day ay ang maximum na safe upper limit ng daily intake ng Boron.


Sana ay nasagot ng artikulong ito ang inyong mga katanungan.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | January 10, 2023




Dear Doc Erwin,

Dati akong overseas Filipino workers (OFW). 20 years ako nagtrabaho sa Europe. Ayon sa mga residente roon, kailangan umanong uminom ako ng Selenium supplement. Okay lang kaya i-stop na ito? Ano ba ang epekto kapag hindi sapat ang Selenium ng katawan? - Martha


Sagot


Ang Selenium, ayon sa Harvard School of Public Health ay trace mineral na kailangan ng katawan upang makagawa ng mga enzymes at proteins na ginagamit upang makagawa ng genetic material (DNA) at maprotektahan ang ating katawan laban sa cell damage at infection. Tumutulong din ang Selenium upang makagawa ang katawan ng thyroid hormone na gamit upang mapanatili ang tamang metabolism. Makikita ang mataas na concentration ng Selenium sa ating muscles at sa ating thyroid gland.


Kinakailangan natin ng 55 micrograms ng Selenium, araw-araw. Mas mataas ng bahagya ang pangangailangan sa Selenium ng mga buntis at nagpapasuso ng bata, 60 hanggang 70 micrograms, araw-araw. Makukuha ang Selenium mula sa pagkain, tulad ng isda, karneng baka, turkey at manok. Mayaman din sa Selenium ang Brazil nuts, beans at lentils. Kung ang ilan sa mga nabanggit ay kasama sa iyong kinakain sa araw-araw ay maaaring napupunan mo na ang Recommended Daily Allowance (RDA) na nabanggit natin at maaaring itigil ang iyong Selenium supplement.


Kung vegetarian o vegan naman at hindi nakakakain ng mga pagkain na mayaman sa Selenium ay maaaring ipagpatuloy ang pag-inom ng Selenium supplement. Kailangan natin ang hindi bababa sa 55 micrograms araw-araw upang hindi magkaroon ng Selenium deficiency, kung saan maaaring magkasakit sa puso (cardiomyopathy) at magkaroon osteoarthritis.


Makasasama rin ang sobrang Selenium. Ayon sa scientific article, hanggang 800 micrograms ng Selenium ang maaaring inumin araw-araw na hindi magkakaroon ng adverse effect. Kung sobra ang iinumin na Selenium ay maaaring makaranas ng side-effects sa katagalan, tulad ng pagkalagas ng buhok at unti-unting pagtanggal ng mga kuko sa kamay at paa.


Ang kondisyon kung saan nasa toxic level na ang Selenium ay tinatawag na “selenosis”, kung saan maaaring magkaroon ng atake sa puso, kidney failure at acute respiratory distress failure.


Magkakaiba ang resulta ng mga pag-aaral tungkol sa Selenium.


Bagama’t ang iba ay nagpapakita ng pagbaba ng risk para sa cancer at pagkamatay dahil dito, ang iba namang pag-aaral ay hindi nagpapakita ng ganitong epekto. Iba’t iba rin ang resulta ng mga pag-aaral tungkol sa Selenium supplementation at epekto nito sa sakit sa thyroid at sa puso.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | December 16, 2022




Dear Doc Erwin,


Sumulat ako sa inyo upang humingi ng payo. Kamamatay lang ng aking ama dahil sa kanyang malubhang sakit at naiwan ang aking ina na nag-iisa. Ako ay nag-aalala dahil siya ay naging malulungkutin at mapag-isa. Senior citizen na ang nanay ko, siya rin ay may diabetes at sakit sa puso.


Maaari bang makaapekto sa kanyang sakit sa puso at diabetes ang pagkamatay ng aking ama at ang kanyang pagiging malungkutin? Ano ang maaari kong gawin upang matulungan ang aking ina? - Jayson


Sagot


Maraming salamat Jason sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang pagkamatay ng mahal sa buhay ay isa sa mga pangyayari sa ating buhay na magbibigay ng matinding emotional at physical stress. Ang stress na tulad nito ay kinikilalang risk factor sa maagang pagkamatay mula sa sakit sa puso. Ayon sa pinakabagong pag-aaral na inilathala sa Journal of the American College of Cardiology noong July 6, 2022, ang pagkamatay ng family member, tulad ng asawa, partner, kapatid, anak o apo ay may relasyon sa maagang pagkamatay ng naulila. Ang maagang pagkamatay ay maaring natural o dahil sa sakit o kaya’y unnatural death o sa ibang dahilan maliban sa sakit.


Ayon pa sa nabanggit na pag-aaral, pinakamataas ang risk ng maagang pagkamatay (risk of mortality) ng naulila kung ang namatay ay asawa o partner. Mas mababa naman kung ang namatay ay kapatid, anak o apo.


Sa unang linggo ng pagkamatay ng mahal sa buhay ang pinakamataas ang risk of mortality. Kaya importanteng mabigyan ng physical at emotional support ang iyong ina sa mga unang araw matapos mamatay ang iyong ama. Malaki rin ang maitutulong ng mga kaibigan ng iyong ina upang mabigyan siya ng social support. Ayon sa pag-aaral na inilathala sa American Journal of Epidemiology noong 1995, nanatiling mataas ang mortality risk ng naulila mula pitong buwan hanggang sa isang taon matapos mamatay ang mahal sa buhay.


Ayon kay Dr. Suzanne Steinbaum, ang depression, anxiety, kakulangan sa emotional support at pakikisalamuha, at ang emotional at physical stress ay maaaring makapagpalala ng sakit sa puso. Ang lungkot at pagluluksa ay nakakaapekto rin sa ating immune system. Ayon sa mga researchers ng University of Arizona, humihina ang kakayahan ng ating immune system na labanan ang sakit sa panahon ng kalungkutan at pagluluksa. Tumataas din ang level ng inflammation sa ating katawan na nagpapaalala ng sakit sa puso at diabetes.


Dahil sa mga nabanggit, bukod sa pagbibigay ng physical, emotional at social support sa iyong ina, kinakailangan na regular na matingnan ang iyong ina ng kanyang doktor. Makatutulong ito upang ma-monitor ang pag-inom ng gamot ng iyong ina, regular na ma-examine ang kanyang puso at diabetes at matingnan kung siya ay nakaka-develop ng depression o anxiety.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page