top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 4, 2021




Nilinaw ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na ang iginawad na compassionate special permit (CSP) sa Sinopharm COVID-19 vaccines noon ay para lamang sa 10,000 doses na inilaan sa Presidential Security Group (PSG) at hindi pa aniya napag-aaralan ng FDA ang itinurok na unang dose kay Pangulong Rodrigo Duterte kagabi, Mayo 3.


Ayon kay Domingo, "'Pag sinabing compassionate special permit, hindi po 'yun authorization na ibinigay ng FDA. In this case, ’yun pong head ng PSG hospital, siya ang nagga-guarantee na inaral niya ang bakuna and they take full responsibility for it. Sa amin po dito sa FDA, ‘di pa po namin na-evaluate ang bakunang 'yan."


Gayunman, epektibo pa rin ang naturang bakuna laban sa COVID-19, lalo’t wala pang iniulat na adverse event mula sa mahigit 3,000 miyembro ng PSG at asawa ng mga ito na unang nabakunahan.


Iginiit pa ni Domingo ang ginawang pag-e-evaluate ng World Health Organization (WHO) sa mga bakuna ng China, kung saan lumalabas na halos kapareho lamang nito ang Sinovac.


Aniya, "Unang-una, safe ang vaccine kasi inactivated virus katulad ng Sinovac… Continuing pa rin ang evaluation nila for this vaccine, pero so far, maganda naman po ang nakikitang mga resulta."


Sa ngayon ay nananatiling naka-pending ang approval para sa emergency use authorization (EUA) ng Sinopharm.


“Hanggang ngayon, pending case pa po ‘yan,” paglilinaw pa ni Domingo.


Maliban sa Sinovac COVID-19 vaccines ng China ay ang mga bakunang AstraZeneca, Sputnik V at Pfizer pa lamang ang pinahihintulutang iturok sa bisa ng EUA na iginawad ng FDA.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 27, 2021




Isinusulong sa Senado ni Cavite 4th District Representative Elpidio Barzaga na gawing mandatoryo ang pagbabakuna kontra COVID-19 para maabot ng bansa ang herd immunity, na kaagad namang pinalagan ng ilang eksperto.


Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo, “This is really personal autonomy, to have someone being a healthy person being injected with something. 'Pag nagbigay ako ng EUA, required na kailangan mayroong consent ng patient na magpabakuna… May side effects pa 'yan na hindi pa natin alam. Medyo tricky na 'yung making vaccination compulsory, making a vaccine under EUA compulsory, that’s even a little more complicated for me. That’s a very difficult proposition."


Batay pa sa Section 3 ng House Bill No. 9252 na isinumite ni Barzaga, “The COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 shall be mandatory for persons as may be determined by the DOH and shall be given for free at any government hospital or health center, and as provided in Republic Act No. 11525, PROVIDED, That inoculation must, at all times, be science and evidence based.”


Paliwanag ni Barzaga, "Consequently, a mandatory mass wide COVID-19 Vaccination Program is imperative to solve the present COVID-19 pandemic and achieve herd immunity or population immunity… A substantial proportion of a population would need to be vaccinated. This would lower the overall amount of virus able to spread in the whole population."


Tinanggihan naman ni dating Department of Health (DOH) Secretary Esperanza Cabral ang proposal ni Barzaga. Aniya, dapat munang iprayoridad na hikayating magpabakuna ang publiko bago iyon gawing mandatoryo.


Dagdag pa ni President of the Employers Confederation of the Philippines Sergio Ortiz-Luis, "Tingin namin, hindi magpo-prosper (ang bill na 'yan). Unang- una, I think, kahit makalusot sa Kongreso, eh, palagay ko, ibe-veto din ng Presidente ‘yan dahil sinabi ng Presidente na walang pilitan diyan, eh."


Sa ngayon ay tinatayang 1,739,656 indibidwal na ang mga nabakunahan kontra-COVID-19, kung saan 230,998 ang mga nakakumpleto sa dalawang dose at 1,508,658 naman para sa unang dose.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 16, 2021



Isa pang pribadong ospital ang nagsumite ng compassionate special permit (CSP) para magamit ang Ivermectin kontra COVID-19 ang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA), ayon kay Director General Eric Domingo ngayong araw, Abril 16.


Aniya, "Two hospitals na actually na nag-apply sa atin ang nabigyan ng CSP.”


Tumanggi naman siyang ibigay ang pangalan ng ospital dahil sa privacy concern.


Paliwanag pa niya, "I have to ask permission from the hospitals kasi may privacy kasi ‘yung mga pasyente nila.”


Nilinaw pa ni Domingo na kasama sa mga hinihinging requirements sa CSP ay ang pangalan ng licensed importer at ang proof of registration ng Ivermectin mula sa pinanggalingan nitong bansa.


"Hindi naman puwedeng mag-iimbento ka ng dosage, imbento ng protocol,” sabi pa niya.


Iginiit naman ng Philippine Association of Pharmacists in the Pharmaceutical Industry (PAPPI) na kailangan pa ring dumaan ng Ivermectin sa clinical trials at assessment bago tuluyang ipainom sa pasyenteng may COVID-19.


Sa ngayon ay dalawang ospital pa lamang ang pinapayagang gumamit ng Ivermectin mula nang isumite nila ang CSP.


Nagbabala naman ang Department of Health (DOH) na kasong paglabag sa Republic Act 9711 o The FDA Act of 2009 ang isasampa sa mga mahuhuling gagamit ng Ivermectin na walang CSP.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page