top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 16, 2021



ree

Lumantad na sa pulis ang 41-anyos na si Romeo Ruzon at ang 17-anyos nitong stepson, bilang mga suspek sa pagpatay sa dalawang bata sa Barangay Gumaoc East, San Jose del Monte, Bulacan nitong Miyerkules.


Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Guillermo Eleazar, "Umalis ang suspect na ito, pumunta ng Manila para takasan ang problema na ito, pero nabanggit na sa live-in partner ang kanyang ginawa."


Salaysay pa ni Eleazar, "Itong biktima and suspect ay magkapitbahay. Ang ating victim is usually naglalaro sa portion na 'yun dahil may nakukuha silang mga prutas. 'Yung ating suspect, doon din ang trabaho na gumagawa ng walis at nagtatanim ng halaman."


Sa ngayon ay nakakulong na si Ruzon sa San Jose del Monte Police Station para sa kasong murder at rape with homicide.


Inamin nitong ginahasa muna ang batang babae bago pinatay. Itinanggi naman nitong gumamit ng ilegal na droga at nakainom nu’ng ginawa ang krimen.


Samantala, nakipag-ugnayan na rin ang mga pulis sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pangangalaga sa menor-de-edad na suspek.


Patuloy pa rin namang inaalam ang motibo nila sa pagpatay.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 02, 2021



ree

Nananawagan ang grupo ng mga frontliners sa lahat ng community pantry organizers na iprayoridad ang minimum health protocols na ipinatutupad ng Department of Health (DOH) laban sa banta ng COVID-19.


Ayon sa panayam kay Confederate Sentinels of God (CSG) Inc. Founder Alvin Constantino sa programa ng Lingkud Bayanihan ng PTV-4, “Isipin at pagplanuhan nating mabuti ang itatatag na community pantry projects upang tunay tayong makatulong sa mga less fortunate at nagdurusa nating mga kababayan. Huwag nating hayaan na kumalat ang COVID-19 sa ating komunidad na maaaring maging sanhi ng kamatayan ng ating mahihirap na kapitbahay.”


Sa ngayon ay nakikipagtulungan na rin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Bayanihan Frontliners Movement lawyer-president na si Dr. Leo Olarte upang simulan ang pagbabahay-bahay ng relief goods sa National Capital Region (NCR).


Matatandaang ilang kritiko na rin ang nagrekomenda na gawing bahay-bahay ang pamimigay ng pagkain sa halip na mag-community pantry para maiwasan ang pagsisiksikan ng mga residente habang naghihintay makakuha ng suplay.


Dagdag pa ni Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Benito Atienza, “Patuloy po naming bubuhayin ang bayanihan spirit nating mga Pilipino sa tulong ng iba’t ibang samahan. Muli ay bubuksan namin ang PMA auditorium sa North Avenue, Quezon City upang tumanggap ng anumang donations in kind mula sa inyong mga puso.”


Aniya, sila ang magsisilbing daan upang makarating sa mga residente ang iba’t ibang donasyon at mga pagkain. Maaari ring makipag-ugnayan sa kanilang libreng konsultasyon tungkol sa COVID-19 at iba pang karamdaman sa pamamagitan ng 24/7 online telemedicine service na matatagpuan sa www.docph.org website.


Gayunman, patuloy pa rin ang kanilang pagsaludo sa bawat organizer ng community pantry.


“Sinasaluduhan ko po ang ating community pantry organizers. Your hearts are similarly attuned to the hearts of our patriotic Filipino heroes of the past,” sabi pa ni Constantino.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 18, 2021



ree


Mahigit P1.6 billion standby funds at relief goods ang inilaan ng pamahalaan para sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Bising, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw, Abril 18.


Sabi pa ng NDRRMC, naghanda ang central office at field offices ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P556,438,277 na pondo, kung saan available na ang P517,992,176 Quick Response Fund sa main office nito.


Dagdag pa nila, naghanda rin ang DSWD ng 370,058 family food packs na nagkakahalagang P188,605,445 at iba pang food items na mahigit P336,080,171 at non-food supplies na katumbas ng P521,499,769.


Samantala, iginiit din ng Department of Health (DOH) na naglaan sila ng mahigit P9.4 million pondo para sa mga gamot, medical supplies at health kits, partikular na ang COVID-19 supplies at personal protective equipment (PPE).


Sa ngayon ay nagpatupad na ng forced evacuation sa mga residenteng nakatira sa baybayin at ilang evacuees na rin ang nagpalipas ng magdamag sa evacuation center simula kagabi.


Nananatili pa rin namang nakataas ang Tropical Cyclone Warning Signal (TCWS) No. 1 at 2 sa Bicol, Eastern Visayas at ilang bahagi ng Mindanao.


Nauna na ring nagsuspinde ng klase sa lahat ng antas ng paaralan ang Catanduanes para sa Lunes, Abril 19.


Ayon naman sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang bagyo sa 375 kilometro silangang bahagi ng Juban, Sorsogon o 345 kilometro sa silangang parte ng Virac, Catanduanes.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page