top of page
Search

ni Lolet Abania | June 27, 2021




Posibleng sa susunod na buwan mailabas ang paunang resulta ng pag-aaral sa mga herbal medicines ng Pilipinas na lagundi at virgin coconut oil bilang potensiyal na gamot para sa mga pasyenteng may COVID-19.


“'Yung VCO at lagundi, malapit na po siguro, by next month, baka mayroong preliminary analyses kung anong sinasabi ng datos ng pag-aaral na ito,” sabi ni Dr. Jaime Montoya, director ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development sa interview ngayong Linggo nang umaga.


Matatandaang sinabi ni DOST Chief Fortunato Dela Peña na ang clinical studies para sa paggamit ng VCO kontra-COVID-19 ay makukumpleto sa pagtatapos ng June habang ang clinical trials para naman sa lagundi ay nagsimula noong October ng nakaraang taon.


Ayon sa DOST, nakumpleto ang Phase 2 ng clinical trials para sa VCO noong November habang ang completion ng hospital-based clinical trials para rito ay dapat sanang matapos noong May 31.


Subalit, ayon kay Montoya, naghihintay naman ng maraming volunteers na nais lumahok sa pag-aaral sa clinical trials para sa herbal plant na tawa-tawa na panlaban sa COVID-19.


“'Yung tawa-tawa po, medyo hindi ganoon kabilis ‘yung pagkukuha ng lalahok kasi ito ay boluntaryo, so ito, matatagalan pa nang kaunti,” saad ni Montoya.


Noong 2020, sinabi ng DOST na pinag-iisipan nilang gamitin ang tawa-tawa upang madagdagan ang treatment sa mga pasyenteng infected ng COVID-19.


Noong November, ibinunyag naman ni Montoya na isinagawa na ang Phase 1 clinical trials para sa tawa-tawa.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 24, 2021




Sisimulan na ng Department of Science and Technology (DOST) ang clinical trial hinggil sa paghahalo ng magkaibang brand ng COVID-19 vaccines, batay sa panayam kay DOST Secretary Fortunato dela Peña ngayong umaga, May 24.


Aniya, "Ito po ay magkaibang bakuna sa 2 doses. Meron po tayong 7 bakuna na approved with an EUA (emergency use authorization) pero ‘di po natin masiguro kung darating sa tamang petsa ‘yung kailangang second dose kaya mangangailangan tayo na magkaroon ng kombinasyon ng bakuna."


Nilinaw niyang magpo-focus ang trial sa Sinovac COVID-19 vaccines at ilang candidate na bakuna para i-combine rito.


Dagdag pa niya, "Gagamitin po 'yan para magkaroon tayo ng basis kung alin ang magandang ipag-mix. Puwede naman lahat ‘yan, kaya lang titingnan kung ano ang mas magandang kombinasyon."


Iginiit din ni Peña na tatagal nang mahigit 18 months ang pag-aaral ng DOST, kung saan 1,200 participants mula sa Manila, Rizal, Pasig, Makati, Pasay, Muntinlupa, Cebu at Davao ang nakahandang sumalang.


Sa ngayon ay hinihintay na lamang nila ang approval ng Food and Drug Administration (FDA) at Health Research Ethics Board (HREB) para masimulan ang trial sa Hunyo.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 8, 2021



Isinalang sa clinical trials ng virgin coconut oil (VCO) ang 42 pasyenteng may COVID-19 upang malaman kung epektibo itong gamot laban sa virus, ayon sa Department of Science and Technology (DOST) ngayong Mayo 8.


Anila, “Currently, the project team has screened 832 patients wherein 42 were enrolled to the study. Out of the 42 enrollees, 20 patients were under the VCO group while 22 received only the standard care.”


Matatandaang nagsimula ang trial ng VCO sa Philippine General Hospital (PGH) nu’ng nakaraang Hunyo, 2020 at inaasahang matatapos iyon ngayong buwan.


Patuloy namang pinaaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa pag-inom ng kahit anong gamot kontra COVID-19 hangga’t hindi pa tuluyang napapatunayan ng mga eksperto ang bisa nito.


Maliban sa VCO, ilang hinihinalang gamot na rin ang isinasailalim sa clinical trials laban sa lumalaganap na pandemya.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page