top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 26, 2021




Hinahanap ng Department of Health (DOH) ang mga healthcare workers na wala sa masterlist at hindi pa nagpapabakuna kontra COVID-19, partikular na ang mga freelancers at nagtatrabaho sa pribadong pasilidad upang makumpletong bakunahan ang target na 1.8 milyong healthcare workers, ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire ngayong umaga, Marso 26.


Aniya, "Hindi pa rin natin sila nahahanap dahil nga po maraming mga healthcare workers ngayon dealing with COVID are not affiliated in any of the institutions or facilities that we have right now…


This QSL, Quick Substitution List, ang sabi pa natin sa protocol, kung hindi po natin mahahanap ‘yung ating ibang mga ospital like private hospital, free-standing clinics during the time na mag-quick substitute kayo, puwede naman ‘yung mga tao du’n sa temporary treatment and monitoring facility, ‘yun pong mga healthcare workers na nagko-contract trace, ‘yun pong healthcare workers na nagre-research o kaya nasa laboratoryo o ‘di kaya ‘yung mga nasa private nursing home.


These are the choices from A.1 to A.7.” Batay sa huling tala ng DOH, tinatayang 508,000 frontline health workers na ang nabakunahan ng unang dose kontra COVID-19, kung saan 279,870 sa naturukan ay taga-Metro Manila, habang 110,760 naman ay taga-Central Visayas at mahigit 94,560 sa Calabarzon.


“Ngayon, isa pa po naming ipinapaalala dahil nga sinabi na po ng WHO, that we should prioritize the healthcare workers now. If we violate, this may compromise ‘yung further natin na supply in the future,” paliwanag pa ni Vergeire.


Matatandaang 9 na alkalde na ang inisyuhan ng show cause order matapos nilang magpabakuna, gayung hindi pa sila prayoridad mabakunahan. Kabilang na rin sa binakunahan sa Parañaque City ang aktor na si Mark Anthony Fernandez na umano’y kuwalipikado sa Quick Substitution List (QSL) dahil mayroon itong comorbidities.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 22, 2021




Pumalo na sa 8,019 ang bagong COVID-19 cases sa Pilipinas na naitala sa loob lamang ng isang araw at sa kabuuang bilang ay umabot na ito sa 671,792 cases ngayong Lunes.


Ayon sa Department of Health (DOH), 2 laboratoryo naman ang hindi nakapagsumite ng kanilang datos sa takdang oras.


Nakapagtala rin ang DOH ng 4 na bilang ng mga pumanaw at sa kabuuang bilang ay 12,972 na ang COVID-19 fatalities sa bansa.


Tumaas naman ng 103 ang bilang ng mga gumaling na sa kabuuan ay 577,850 na.


Samantala, sa mga positibong kaso ng COVID-19 sa bansa, tinatayang aabot sa 95.4% ang mild symptoms, 2.2% naman ang asymptomatic, 0.9% ang nasa kritikal na kondisyon, 1% ang severe symptoms, at 0.52% ang moderate ang sintomas.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 21, 2021




Inabisuhan ng Department of Health ang publiko na magsuot ng face mask kahit sa loob ng bahay partikular na kung may kasamang vulnerable o senior citizen, matapos maitala nitong Sabado ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 simula nang magka-pandemic sa bansa.


Batay sa inilabas na DOH advisory, kailangang manatili na lamang sa bahay kung walang importanteng gagawin sa labas katulad ng non-essential travel. Inirekomenda rin ang online mass ngayong Holy Week sa halip na lumabas ng bahay.


Kailangan ding may maayos na air circulation ang bawat tahanan. Dagdag nito, kailangang mag-report kaagad sa doktor kapag nakararanas ng sintomas ng virus.


Sa mga nakakaramdam ng mild symptoms ay sa isolation facility dapat pumunta sa halip na sa ospital sapagkat anila, nakalaan ang mga ospital para sa severe cases ng COVID-19.


Kaugnay nito, iginiit ni Professor Jomar Rabajante ng University of the Philippines Pandemic Response Team na pumalo na sa 15% ang positivity rate ng COVID-19 sa Metro Manila at may posibilidad 'yung magpatuloy hanggang sa Mayo kung magsusunud-sunod ang mataas na bilang ng mga nagpopositibo kada araw.


Aniya, "Dati, bumababa tayo ng less than 10, ngayon sobrang taas, 15%, lalo na sa NCR… Sa ngayon, siyempre ang aming mga monitoring depende kung ano ang mangyayari sa susunod na araw. Pero ngayon, given ang evidence na nakukuha nating datos, posibleng matagalan, posibleng umabot ng April or May, depende sa interventions ng government."


Giit pa niya, “Kapag may isang tao na lumabas, kapag bumalik sa bahay, posibleng makahawa ng household.” Dulot ng napakabilis na hawahan ay umabot na sa 7,999 ang nadagdag sa kaso ng COVID-19 at maging ang mga ospital ay nanganganib na ring mapuno.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page