top of page
Search

Dear Roma Amor - @Life & Style | November 11, 2020




Dear Roma,


Gusto kong humingi ng payo kung ano ang magandang gawin sa anak kong babae na may asawa na dahil sa amin sila nakatira kasama ang kanyang dalawang anak. May trabaho ang asawa niya, pero wala silang kusa na magbigay para sa mga bills sa bahay kaya humihingi pa ako. Nagbibigay man sila, nasa isa hanggang dalawang libo lang at doon ko na kukunin ang pambayad sa kuryente, tubig, pagkain, gas at kung anu-ano pa.


Ilang taon na akong nagtitiis sa kanila, tipong ako na sa mga gawaing-bahay, halos sinasalo ko pa ang gastusin. Napakahirap pagkasyahin ng binibigay nila dahil apat silang nadagdag sa amin, pero pagdating sa mga bisyo, may nailalabas sila.


May matitirhan naman sila sa puder ng lalaki, pero rito nila sa amin piniling makisama. Dahil sa laki ng gastos, wala akong naiipon kahit nagbibigay ang aking asawa at anak kong binata. Ano ang magandang gawin, paalisin na sila o kausapin at hingan ng ambag? Sana ay mapayuhan n’yo ako. – Acel


Acel,


Kung kinaya nilang bumuo ng pamilya, kailangang matuto silang tumayo sa sarili nilang mga paa. Sa totoo lang, hindi mo sila dapat pakiusapan pa, mas mabuting diretsuhin mo na dahil may punto ka naman. Siguro, panahon na para kausapin silang mag-asawa nang masinsinan. Alamin mo kung ano ang plano nila – kung mag-i-stay sila kasama ka, dapat magkaroon kayo ng kasunduan, lalo na kung may involved na pera. Kung pipiliin naman nilang bumukod, mas okay ‘yun. Ang importante, maunawaan niya na may kani-kanya pa rin kayong responsibilidad kahit pamilya kayo. Good luck!

 
 

Dear Roma Amor - @Life & Style | November 3, 2020




Dear Roma,


Ako si Paul, 24, at may 4 yrs. GF. Okay naman kami ng GF ko, pero tuwing aalis ako o makikipagkita sa high school friends ko ay palagi siyang tutol. Hindi ko alam kung bakit ganu’n siya, samantalang mababait naman ang mga kaibigan ko. Kamakailan, nagplano kaming magkakaibigan na mag-get together, pero hindi siya pumayag na sumama ako roon, pero tumuloy ako. Nang nalaman niya ‘yun, nagalit siya at naghinalang may iba na ako. Ano’ng gagawin ko, Roma? – Paul

Paul,


Siguro, may rason siya para pagbawalan ka, pero siyempre, dapat ay alam mo kung ano ‘yun. Gayundin, baka iniisip mo na unfair para sa ‘yo dahil kaibigan mo sila at natural lang na makipagkita ka sa kanila.


Gayunman, dapat mong kausapin nang masinsinan ang GF mo dahil kung ginagawa mo ang mga bagay na ayaw niya, baka hindi ito makabuti sa inyong relasyon. Alamin mo kung ano ang rason kaya ayaw niyang umalis-alis ka, gayundin, ipaliwanag mong importante rin sa iyo ang mga kaibigan mo, lalo na kung matagal na ang inyong pagkakaibigan. Good luck!

 
 

Dear Roma Amor - @Life & Style | October 30, 2020




Dear Roma,


Ako si Isha, 25, at may 4 yrs. boyfriend. Masasabi kong suwerte ako sa BF ko dahil napakabait niya, gayundin ang kanyang pamilya. Ngayong pandemic, panay ang offer ng parents niya na magpadala ng groceries o tulong-pinansiyal sa pamilya namin. Ilang beses na ako tumanggi dahil nakakasurvive pa naman kami, pero mapilit talaga ang parents niya. Sa totoo lang, nakakahiya kasi dahil kahit bago pa ang pandemic, marami na silang naitulong sa amin, lalo na sa akin. Kamakailan lang, nagpaabot din sila ng tulong nang operahan ang aking Papa.


Roma, nahihiya talaga ako dahil ako ‘yung tipo ng tao na ayaw tumanaw ng utang na loob. Wala akong masasabi sa kabaitan nila dahil alam kong genuine ‘yun, pero may paraan ba para tumanggi? –Isha


Isha,


Kung tutuusin, sobrang suwerte mo dahil mayroon kang partner na mabait, gayundin ang kanyang pamilya. Siguro nga, minsan, nakakahiya ring tumanggap ng tulong dahil baka mauwi sa utang na loob. Pero kung alam mong genuine ito at hindi naman aabot sa ganu’ng punto, mas okay na tanggapin ito kesa tanggihan.


Ngayong may pandemya, hindi tayo dapat tumanggi sa anumang ibinibigay sa atin. Ituring natin itong blessing, lalo na kung hindi natin ito hiniling. God bless!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page