top of page
Search

Dear Roma Amor - @Life & Style | November 27, 2020




Dear Roma,


Ako si Kelly, 4 years mahigit na akong nagwo-work sa retail business. Dahil sa pandemic, hindi pa ako pinababalik sa boutique na pinapasukan ko at na-realize ko na puwedeng bukas o sa ibang araw, sabihan ako bigla na hindi na ako makakabalik.


Habang nasa bahay, naisip kong bumalik sa college dahil baka ‘pag naka-graduate ako, mas maraming opportunity ang dumating. Sa panahon kasi ngayon, parang halos lahat ng company, mas gusto na ‘yung college graduate. Balak ko sanang mag-enroll sa isang online learning school dahil old curriculum ako.


Tama ba na bumalik pa ako sa pagpasok o mag-apply na lang at sumubok sa ibang company? Sana mapayuhan n’yo ako. —Kelly


Kelly,


Siyempre, magandang choice ang mag-aral ulit dahil ‘ika nga, iba pa rin ‘pag nakatapos sa kolehiyo. Mahalaga ang diploma dahil aminin na natin, plus points ito sa paghahanap ng trabaho.


Kaya kung kaya mo namang tustusan ang pag-aaral mo, bakit hindi? Gayundin, kung sa tingin mo ay kaya pa ng sked, puwede kang mag-working student. ‘Yun nga lang, mas challenging siya, pero ‘ika nga, kung gusto, may paraan. Ang maipapayo namin ay sundin mo ang gusto mo dahil para naman ito sa iyo. Good luck!

 
 

Dear Roma Amor - @Life & Style | November 18, 2020




Dear Roma,


Para akong sinampal ng reyalidad, adulting kumbaga. Sa edad kong 25, nabaon na ako sa utang. Nagsimula ito sa credit card, napunta sa postpaid plans at sa mga pagkakataong nagigipit ako, lalo na at ako ang bread winner ng pamilya. May mga pagkakataong kinakailangan ko ng pera na pambayad sa hospital, utang ng parents ko, school at projects, pambili ng phone ng kapatid ko dahil college na siya. Gayundin, sa BGC pa ako nagtatrabaho at ang mahal ng cost of living, kaya naengganyo akong mag-loan sa mga online lending. Bukod pa rito, may existing loan ako sa government at nanghihiram na lang ako sa mga kaibigan ko para makasurvive kahit paano. Ano ba ang dapat kong gawin? Gulung-gulo na kasi ako. —Lili


Lili,


Mahirap ngang mabaon sa utang, gayung bata ka pa. Kaya kung may trabaho ka ngayon, sikapin mong makabayad ng utang kahit paunti-unti. Siguro, dapat mo ring ipaliwanag sa iyong mga magulang na hindi dapat ikaw ang nagbabayad ng kanilang mga utang. Iwasan mo munang gumamit ng credit card para sa mga bagay na hindi naman kailangan. Gayundin, ‘wag kang mangutang para makapagbayad ng naunang utang dahil hindi matatapos ang iyong bayarin. Simulan mo nang disiplinahin ang iyong sarili sa pamamagitan ng tamang pagba-budget at pag-iwas sa mga luho. Kaya mo ‘yan, besh. Good luck!

 
 

Dear Roma Amor - @Life & Style | November 12, 2020




Dear Roma,


Sumulat ako sa ‘yo kasi kailangan ko ng magpapagaan ng loob ko dahil wala akong masabihan. Noong 2013, may nakilala ako sa FB at naging madalas ang pag-uusap namin hanggang sa naging kami, pero never pa kaming nagkita sa personal. Nu’ng nag-aaral ako, kailangan kong mag-focus dahil kapag natanggal ako sa scholarship, matatanggal ako sa eskuwelahan.


Year past, gusto na niyang pumunta rito sa ‘Pinas, pero bawal dahil nag-aaral pa ako, sinabi rin ng mama ko na itigil ko ang pakikipag-ugnayan sa kanya dahil pareho pa kaming bata at nag-aaral. Ginawa ko lahat ng paraan para maputol ang koneksiyon namin dahil mas pinili ko ang studies ko. Ginawa ko lahat, pero ‘di siya bumitiw. Siya ‘yung nagparamdam sa akin ng tunay na kahulugan ng pagmamahal bukod sa pamilya ko dahil hindi niya ako sinukuan sa kabila ng pananakit ko sa kanya. Alam mo, hindi ako maganda at katalinuhan, pero siya, guwapo, matalino at talented pa, napakarami niyang alam at bukod du’n, napakalapit niya kay God.


Hanggang 2017, alam kong hinahanap niya ang account ko, pero binalewala ko lang kasi

gusto kong matapos niya ang pag-aaral niya dahil gusto niyang mag-pari. Gayundin, alam kong mas deserve niya ang babaeng may pagkakatulad sa kanya at hindi ako ‘yun.

Kahit itinigil ko ang komunikasyon sa kanya, hinahanap-hanap ko pa rin siya. Iniisip ko na kung para kami sa isa’t isa, darating din ang panahon kung kelan handa na kami pareho.


Sa last convo namin nu’ng 2017, sabi niyang itinutuloy niya ang pagpa-pari at hindi na siya mag-aasawa o hahanap ng iba, pero binlock niya ako at nag-deactivate na siya. Hindi ako bumitiw dahil nangako ako sa sarili ko na hahanapin ko siya at aayusin ko ang anumang nasira. Palagi kong dasal na ‘wag siyang mapagod, magsawa, sumuko at bumitaw. Para sa akin, siya ‘yung tamang tao sa maling panahon.


October, 2020, hinanap ko ulit siya at may nakita akong picture niya sa isang FB page. Nakalagay du’n na nag-aaral pa rin siya ng pagpapari, so hinanap ko siya dahil gusto kong malaman kung okay, masaya at healthy siya, lalo na ngayong may pandemya.

Mabait si Lord, hinayaan Niya na may makita akong pangalan niya sa isang website. Hinanap ko nang hinanap hanggang may nakita akong picture niya na nakabarong habang may kasamang babaeng naka-wedding gown.


September 1 ngayong taon, ikinasal siya sa kasamahan niya. Hindi ko mapigil ang luha ko dahil ang sakit, pero at the same time, masaya ako na masaya siya at karapat-dapat na babae ang iniharap niya sa altar at may makakasama siya sa paglilingkod sa Diyos. Nagpapasalamat din ako sa Diyos na binigyan Niya ng pangalan ang lalaking palagi kong ipinagdarasal at kahit kaunting panahon ng buhay ko, ipinahiram Niya siya sa akin. —Tricia


Tricia,


Ito na yata ang pinakamasakit na parte ng pagmamahal, ‘yung tipong binuo mo siya para sa iba.


Pero siguro, tama ka na dapat maging masaya ka na para sa kanya, kahit pa wala ka na sa happiness niyang ‘yun. This time, piliin mo ang sarili mo. Magpokus ka sa mga bagay na gusto mong gawin at makatutulong para sa iyo upang lalo pang mag-grow bilang indibidwal. Hindi man siya para sa iyo, tiyak na mayroon pang mas better, at ‘pag dumating ang taong ‘yun, make sure na hindi na mauulit ang pagkakamaling ito.


Masakit man ito para sa iyo ngayon, makaka-move on ka rin. Matagal man, worth it ito. ‘Wag mong madaliin ang pagmu-move on, kumbaga, damhin mo ‘yung sakit at okay lang umiyak dahil nakatutulong ito. ‘Ika nga, lahat tayo ay may kani-kanyang heartbreak, pero iba-iba tayo ng paraan para harapin ito. Kaya mo ‘yan, girl. Good luck!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page