top of page
Search

Dear Roma Amor - @Life & Style | December 30, 2020




Dear Roma,


Tawagin mo na lang akong Angie. Magka-live-in na kami ng BF ko at nakatira kami sa bahay ng lola niya sa mother’s side. Okay naman ang pakikitungo sa akin ng mga kamag-anak niya, pero alam mo, pakiramdam ko ay ayaw sa akin ng mga kapatid niya.


Minsan, para silang nagdadabog at nagpaparinig ‘pag nasa bahay ako, kaya minsan tuloy, parang gusto ko nang yayain na bumukod ang BF ko, kaso, hindi pa stable ang mga trabaho namin. Ano ba ang dapat kong gawin para kahit paano ay magustuhan naman ako ng mga kapatid niya? —Angie


Angie,


Kung gusto mong mapalapit sa mga kapatid ng iyong boyfriend, siguro simulan mo ito sa pag-alam sa mga bagay na gusto nila. Malay mo, pare-pareho pala kayo ng gusto at ito ang maging simula ng pagiging malapit n’yo. Puwede ring mag-volunteer kang tumulong sa kanila pagdating sa gawaing-bahay. Kumbaga, pakiramdaman mo muna at for sure, magkakasundo rin kayo. Okie?

 
 

Dear Roma Amor - @Life & Style | December 20, 2020




Dear Roma,


Ako si Jasmin, married at may anak na. Gusto kong itanong kung may ibang paraan ba para sabihin sa aking mister na ayaw kong kasama tumira sa bahay ang kanyang ina, kapatid at mga anak nito?


Nanay niya ang nagsabi na rito siya titira kasama ng baby namin at paniwala niya rin na kasama niyang titira rito ang anak niyang babae at mga anak nito. Inanunsyo niya sa mga kumare at kamag-anak na ang vacant rooms namin sa bahay ay para sa kanila.


Sa totoo lang, demanding ang nanay niya at palaging nanghihingi sa amin imbes na magtrabaho siya dahil wala naman siyang sakit. Nang manganak ako, naghigpit ng padala ang mister ko, kaya napilitan siyang magbukas ng maliit na pagkakakitaan. Masama ang loob niya nang kinailangan niyang kumita para pandagdag sa mga gastos niya, maliban sa buwanang padala ng partner ko. Matagal na rin niyang kinukulit ang mister ko na kunin siya kahit wala siyang ipon at nakaasa sa padala, gayundin, puro utang at hingi sa amin.


Para sa akin, okay lang tumulong at magpadala ng nakalaang budget para sa kanya, pero hindi ko gusto na palagi siyang nakaasa at masama ang loob kapag napipilitang kumilos para sa sarili niya.


Marami rin siyang hindi maipaliwanag na expenses at palaging humihingi ng dagdag na padala sa partner ko kahit may anak na kami. Ang nangyari, ilang buwan kaming over budget at mas mahal ang gastos namin sa kanya kesa sa anak namin. Ang kapatid naman ay hindi rin magaling humawak ng finances, puro utang sa iba at hindi masyadong nadidisiplina ang mga anak.


Nakausap ko na ang partner ko na hindi ako payag na may makitira sa amin, pero ang opinyon niya ay maganda ang sama-sama, pero ayaw ko talaga. May iba bang paraan para maiparating na hindi talaga ako sang-ayon dito? —Jasmin


Jasmin,


Walang ibang paraan kundi kausapin nang masinsinan ang mister mo. Ipanunawa mo na may sarili na kayong pamilya at prayoridad, kaya dapat, unahin n’yo ‘yun at hindi ang ibang tao.


Alam niya naman siguro ang ugali ng kanyang ina, pero pinipili niyang manahimik at magbigay na lang dahil tulad ng paniniwala niya na “pamilya” pa rin sila. Sa kabilang banda, mahirap din kasing may ibang kasama sa bahay, lalo na kung hindi maganda ang ugali o pakikisama.


Kaya nga dapat bumukod ang anak na nag-asawa, para walang kahati sa atensiyon at prayoridad ang kanyang pamilya. Siguro, ikonsidera n’yo rin ang magiging epekto sa inyong anak kung may kasamang “palaasa” at mga batang hindi disiplinado. Kung ganyan ang kalalakihan niya, oks ba ‘yun para sa inyo?


Mahaba-habang usapan at maraming pasensiya ang kailangan mo para sa usaping ito, kaya anuman ang maging desisyon n’yo, for sure, para ‘yun sa ikabubuti ng pamilya n’yo. Good luck!

 
 

Dear Roma Amor - @Life & Style | December 19, 2020




Dear Roma,


Nawawalan na ako ng gana sa boyfriend ko na makipag-usap tungkol sa pag-iipon dahil sinasabi na lang niya na ‘pag nakabawi na lang at wala rin akong nakikitang magandang future sa kanya, plus madalas akong nadi-disappoint sa kanya. Wala pa naman kaming isang taon, pero kaya ko siya sinagot ay dahil alam ko sa sarili kong siya na, kaso dumating ang pandemic at nag-iba na halos lahat sa kanya o sadyang ‘di ko pa siya masyadong kilala.


Dati, palagi kaming hati sa gastos ‘pag lalabas, pero madalas, ako ‘yung mas malaki ang ambag dahil mas mataas ang sahod ko sa kanya. Ngayon, nasanay siya na puro ako ang sumasagot, mula sa pamasahe, pagkain at lahat. Hinayaan ko na lang dahil mahal ko naman siya, kaso napapaisip ako dahil parang sobra na. Madalas, feeling ko pa, required akong i-provide ‘yung mga ‘di niya mabili para sa sarili niya, kaya kung kaya kong ibigay sa kanya, babawasan ko ‘yung budget ko para sa sarili ko kahit ‘di ko na binibili ‘yung gusto ko para lang mabigay ‘yung needs niya. Ano ang mapapayo n’yo sa sitwasyon ko? —Sophie


Sophie,


For sure, alam mo na ang sagot sa tanong mo, at baka nanghihingi ka lang ng validation mula sa ibang tao. Tulad ng sinabi mo, parang nasanay siya na halos ikaw na lang ang gumagastos, tingin mo, dapat bang hayaan lang ang ganitong sitwasyon? Isipin mo, ngayong mag-dyowa pa lang kayo, pero parang ikaw na ang bumubuhay sa kanya, paano pa sa future? Tatagal ka ba sa relasyon na ‘ika nga, ikaw lang ang nagdadala?


Ikaw pa rin ang magdedesisyon kung ipagpapatuloy mo ang iyong relasyon sa BF mo, kaya pag-isipan mong mabuti para walang pagsisisihan sa huli. Good luck!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page