top of page
Search

Dear Roma Amor - @Life & Style | January 27, 2021




Dear Roma,


Ako si Faye, 25 at single. Recently, naka-chat ko ang dati kong crush na high school classmate rin. Ilang buwan na rin kaming nag-uusap at honestly, parang napalapit ang loob ko sa kanya.


Noong una, akala ko ay simpleng kamustahan lang ang aming conversation, pero umabot nang buwan ang aming pag-uusap, kaya napag-uusapan din namin ang personal naming buhay tulad ng trabaho, problema sa pamilya at kung anu-ano pa.


Masaya ako tuwing magkausap kami kasi may kakaibang vibe talaga. ‘Yung tipong hindi namin kailangang i-filter ‘yung mga gusto naming sabihin dahil gets namin ang isa’t isa. Parang bumabalik tuloy ‘yung pagkaka-crush ko sa kanya, kaya siguro ‘pag hindi kami magkausap, parang ang bagal ng oras. Ha-ha-ha, ang korni!


Pero, alam mo, Roma, may times na gusto kong umamin sa kanya, pero nag-aalangan ako dahil baka bigla niya akong i-ghost dahil for sure, awkward ‘yun at ‘di ko naman alam kung ano’ng nararamdaman niya para sa akin. Well, ‘di naman ako umaasang maging kami, pero ano bang dapat kong gawin? —Faye


Faye,


Wala namang masama sa pagkakaroon ng crush dahil ‘ika nga, para itong inspirasyon. Pero dahil tulad ng sinabi mo na nag-aalangan kang umamin sa kanya, baka mas oks na ‘wag na lang muna dahil sabi mo rin naman na hindi ka umaasang maging mag-dyowa kayo. Sa ngayon, enjoyin mo muna ang “kilig” at saka tuwing magkausap kayo. At siguro, ‘pag nagbago ang ihip ng hangin at nauna siyang umamin sa ‘yo, why not, ‘di ba? Go lang, besh!

 
 

Dear Roma Amor - @Life & Style | January 12, 2021




Dear Roma,


May partner ako, hindi pa kami kasal at wala pa kaming anak, pero pinaplano na namin ‘yung future tulad ng baby at bahay. Kaso, lagi kaming nagtatalo dahil ang gusto ko ay magkaroon kami ng sariling lupa at bahay, pero ayaw niya dahil magastos daw. Aabutin pa raw kami ng 10yrs. bago mabuo tapos magkakaroon pa ng baby.


Sa kanilang bahay na lang daw kami tumira dahil sila na lang magkakapatid ang naroon at ‘yung dalawang babaeng kapatid niya, eventually mag-aasawa at aalis na sa kanila.

Ang paniniwala niya rin, lalaki ang magdadala sa babae at siya ang eldest sa kanila, pero ‘yung bunso nila ay lalake. Kaya paano kung mag-asawa ‘yung bunso nila, magsasama-sama kami sa iisang bubong? Hindi pa naman sure, pero may posibilidad na ganu’n ang set-up. Totoo na malaki ang matitipid namin ‘pag sa bahay nila ako titira, pero parang wala akong peace of mind. Gusto ko rin namang makatipid pero, pero naguguluhan talaga ako. —Dana


Dana,


May punto naman ang partner mo dahil malaki talaga ang matitipid n’yo, pero dapat magkasundo kayo kung panghabambuhay na ganu’n ang set-up n’yo o temporary lang habang wala pang budget para sa sariling bahay. Nar’yan din kasi ang isyu ng pakikisama at mawawalan kayo ng privacy dahil may mga kasama kayo sa iisang bubong. At kung matuloy nga na roon kayo tumira, siguro oks ding pag-ipunan ang lupa at bahay kung gusto niyo talaga. Mahirap nga naman kasing makisama sa ibang tao, lalo pa’t peace of mind mo ang nakataya rito. Kaya habang wala pa kayong baby, pagsikapan n’yong makaipon para sa bahay. Good luck!

 
 

Dear Roma Amor - @Life & Style | December 31, 2020




Dear Roma,


Ako si Nadine at gusto kong humingi ng payo about sa kinakasama ko. Meron na kaming anak at ngayon, palagi kaming nagtatalo sa usaping pera. Magkaiba ang pag-iisip namin dahil lumaki siyang mayroon at ako naman ay hirap sa buhay at breadwinner ng pamilya.


Hindi pa kami kasal dahil sa totoo lang, ayaw ko pa kasi mas inuuna ko ang needs ng anak ko. Ngayon, nakikitira kami sa mga biyenan ko at masasabi kong blessed ako sa kanila.


Online seller ako at nakakaipon kahit paano dahil sa pagtitinda, habang ‘yung partner ko ay napakaluho. Gusto ko lang naman na bawasan niya ang luho niya at hindi ako humihingi sa kanya dahil mga pangangailangan lang ng anak namin, okay na ako.


‘Yung kinikita ko naman, iniipon ko dahil pinapalaki ko ang puhunan ko para mas malaki ang income ko.


Kinausap ko siya na bawasan ang pagbili ng mga bagay na hindi kailangan at ang ending, nagtalo na naman kami kasi pinaiintindi ko sa kanya na hindi habambuhay nand’yan ang parents niya. Palagi niyang sinasabi na nagmamadali ako sa mga bagay at hindi ako makapaghintay.


Ang gusto ko lang naman, magkaroon kami ng sariling bahay dahil gusto kong makita ‘yung mga pinaghihirapan ko kakatinda. Gayundin, gusto kong tulungan niya ko mag-ipon at bawasan ang kanyang luho dahil madalas siyang umutang sa pampuhunan ko. Ano ang dapat kong gawin? — Nadine


Nadine,


Sa totoo lang, napakahirap ng ganyang sitwasyon, lalo pa at may anak na kayo. Malaking bagay na nand’yan ang mga magulang niya para sa inyo pero tulad ng sinabi mo, hindi habambuhay n’yo silang maaasahan. Panahon na para magseryoso ang partner mo pagdating sa paghawak ng pera at luho niya. Kaya ang maipapayo ko ay hayaan mo siya sa paggastos, pero oras na maubusan siya ng pera, ‘wag mo siyang pautangin o bigyan ng kahit na ano. Tapos mag-ipon ka at patuloy na palaguin ang iyong negosyo para ma-secure mo ang future n’yo ng anak mo. Talagang challenging ito, pero ‘pag natupad lahat ng pangarap mo para sa iyong anak, worth it ito. Good luck!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page