top of page
Search

Dear Roma Amor - @Life & Style | March 1, 2021





Dear Roma,


Matagal na kami ng boyfriend ko pero hanggang ngayon, feeling ko hindi pa talaga kami ready sa marriage dahil hindi ko makita na handa na siya sa responsibility. Nang nagka-work siya, pinatuloy ko siya sa apartment ko, pero lumipat kami sa mas malaki dahil nagsabi siyang magse-share naman siya sa rent, pero palagi akong nag-aabono sa lahat ng bayarin. Iniintindi ko dahil wala siyang fixed schedule ng release ng commission dahil sa sales siya. Magbabayad lang siya kung kailan at magkano niya gusto. Dumating sa point na nagkaroon siya ng problema sa bayarin sa kotse kaya nag-loan ako sa company namin dahil wala siyang malapitan.


Kapag nakuha niya ang commission niya, inuuna niyang bumili ng luxury items tulad ng relo, sapatos sa halip na magbayad ng utang. Nakapagbayad-bayad naman siya, pero malaki pa ang kulang niya. Nakakainis kasi hindi niya priority magbayad ng utang dahil hindi naman siya sinisingil. Nagka-business siya at okay naman, pero ‘yung kinikita niya ay ipinambibili niya ng alahas at naubos ang pera niya.


Nang dumating ang panahon na ako ‘yung nangailangan, nanghihingi ako sa kanya ng tulong pero wala akong maasahan. I know that relationship is not about money, pero parang nahihirapan ako dahil ako ang umaako ng responsibilidad. Okay siya sa love and care, pero paano ‘pag may pamilya na kami? Dumarating sa point na sinasabi ko sa sarili kong, “Ayoko ng ganito.” —Bam


Bam,


Tulad ng palagi nating sinasabi, kailangan mo munang makipag-usap sa iyong partner pagdating sa ganitong topic. Isa pa, kaya “partner” ay dahil dapat magkasama kayo sa hirap o ginhawa, tandem, kumbaga. Mas okay mamuhay mag-isa nang alam mong wala kang matatakbuhan kesa may partner ka nga, pero para ka namang mag-isa.


Tandaan, kung ngayon pa lang ay hindi kayo nagkakasundo, paano pa sa future? Gayundin, kung siya talaga ang para sa iyo, ipararamdam niya na secured ka, financially at emotionally kaya kung wala kang makikitang progress matapos n’yong mag-usap, isip-isip na. Good luck!

 
 

Dear Roma Amor - @Life & Style | February 7, 2021




Dear Roma,


Ako si Mameng at may isang anak na babae. Hiwalay na ako sa asawa at nagtatrabaho bilang sales lady sa isang department store. Nakatira kami ng anak ko sa parents ko at ang nanay at tatay ko ang nag-aalaga sa kanya habang nagtatrabaho ako. Taon na rin ang binilang na wala kaming komunikasyon ng ex-husband ko, pero hindi ba dapat ay suportahan niya kaming mag-ina kahit may iba na siyang pamilya? Kaso, kahit papaano ay ayaw kong humingi ng tulong sa kanya dahil baka isipin niya piniperahan ko siya. –Mameng


Mameng,


Ang paghihiwalay n’yong mag-asawa ay walang kaugnayan sa pagsuporta sa inyong mag-ina. Obligasyon ng dati mong asawa ang pagbibigay ng sustentong pinansiyal. Kahit na may pamilya pa siyang iba at hiwalay na kayo, ang katotohanang kayo ay legal na kasal dapat lang na patuloy niya kayong suportahan at hindi pabayaan. Kailangan mo lang na kausapin siya nang mabuti at sabihin ang lahat ng problema. Huwag kang mahiya at isipin mong ginagawa mo ito para sa kinabukasan ng iyong anak. Good luck sa ‘yo.

 
 

Dear Roma Amor - @Life & Style | February 3, 2021




Dear Roma,


Ako si Ayeen, 26, married at may isang anak 9 months pa lang. We’ve been in relationship for 7 yrs. bago kami mag-asawa ni hubby and now we’re both employed. Kahit ibinibigay niya lahat ng suweldo niya, ‘yung ibinibigay niya ay parang kulang pa sa luho niya at kaunti na lang natitira para kay baby kaya wala kaming savings.


Kaya ang pasya ko, ‘yung suweldo niya this month ay ibigay ko na lang sa kanya para alam niya ang gastos niya. At may concern pa ako, nabubuwisit lang ako na ayaw niyang magpa-picture sa amin ng anak ko at kailangan pa siyang pilitin. May mga ka-chat siyang officemate niya at parang mas concerned pa siya ru’n kesa sa aming mag-ina. Ano ba ang dapat kong gawin? —Ayeen


Ayeen,


Alam mo, ang pinakadapat mong gawin ay komprontahin siya, pero dapat ay handa ka sa magiging sagot niya. Basta ang mahalaga, mailabas mo ang iyong saloobin. Gayunman, kung negatibo ang kalalabasan, tanggapin mo ang katotohanan at saka ka magdesisyon. Kapag positibo naman ang resulta, bawasan mo ang pag-o-overthink dahil hindi ito nakatutulong. Kaya mo ‘yan, girl. Good luck!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page