top of page
Search
  • BULGAR
  • Jan 8, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Enero 8, 2024



ree

“Bakit parang ayaw mo na akong pakasalan?” Naiinis na tanong nito.


Marahas na buntong hininga ang pinawalan ni Baninay. Nabubuwisit siya dahil grabeng hirap ang kanyang ginawa para lang makuha niya ang ang pag-ibig ni Gabriel at ngayon ay tatanggihan lang siya nito. 


“Hindi naman sa ganu'n…”


“Ano'ng hindi sa ganu'n?” Seryosong tanong ni Princess.


“Hindi pa ito ang tamang panahon para magpakasal tayo. Kagagaling mo lang sa aksidente.”


“Ito na ang tamang panahon para magpakasal tayo. Mahirap na kasing maulit pa ang nangyari. Mas maiging maikasal na tayo para habambuhay na kitang maangkin.”


“Ano'ng pinagsasabi mo r'yan?” 


Bigla siyang natigilan sa takot na nakita niya sa mukha ni Gabriel, at kitang-kita sa mukha nito na parang ayaw ni Gabriel na makasama siya. 


Marahas na buntong hininga ang pinawalan nito pagkaraan. Hindi kataka-taka kung ayaw nitong makasama siya dahil hindi naman talaga siya ang tunay na mahal nito.


Ngunit, hindi pa naman siya baliw para aminin iyon. 


“Gusto kong maging bongga ang kasal natin.”


“Talaga?” Matabang niyang tanong. 


“Gusto kong ibigay ang best para sa’yo.” Buong diin nitong sabi na para bang sinasabing paniwalaan niya. 


“So, pakakasalan mo na ba ako?” Naghahamong tanong niya. 


“Kapag magaling na magaling ka na.”


“Kahit nandito pa ako sa ospital, gusto na kitang pakasalan. Ayoko kasing magkahiwalay pa tayo.”


“Saka na.”


“Parang ayaw mo na akong pakasalan. May iba ka na bang mahal?” naiiyak pa niyang tanong. 


“Hindi ko alam ang sinasabi mo.”


“Mula nang magising ako, tumabang ka na sa akin.”


Hindi agad ito kumibo. Hindi naman kasi ito makakatanggi pa at sa tingin naman niya ay wala itong balak na tumanggi.


“Hindi mo na ba ako mahal?” Lakas loob niyang tanong kahit alam naman niya kung ano ang isasagot nito. 


“Hindi!”  Buong diin nitong sabi na ikinagulat din niya. Buong akala niya kasi ay hindi nito magagawang saktan si Princess.


“Tandaan mo, ikaw si Baninay,” paalala niya sa sarili. 


Itutuloy…


 
 
  • BULGAR
  • Jan 7, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | January 7, 2024



ree

Kahit ano’ng pilit ni Gabriel, hindi niya magawang maging komportable kay Princess. Para tuloy gusto niyang isipin na nagbago na ang damdamin niya para rito. 


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan nang maisip niyang napakaimposible naman nu’n. Sa tuwing tinitingnan kasi niya ang picture ni Princess, tumitibok naman ang kanyang puso, pero iba ang nararamdaman niya kapag kaharap na niya ito. Para tuloy gusto niyang isipin na magkaibang tao ang nasa larawan at ang kanyang nakakasama ngayon. 


“Sweetheart, my love, honey,” wika nito. 


Nasasabik na siyang marinig ang mga endearment na iyon mula sa kanyang mahal, subalit ngayong binibigkas iyon ni Princess, parang gusto niyang mangilabot at magsuka. 


“Miss you.”

Ilang oras lang tayong hindi nagkita,” wika nito.


Agad na niyakap ni Princess si Gabriel, ibig sana niyang tiisin ang yakap ni Princess dahil ayaw niyang mapahiya ito, kaya lang parang sinisilaban siya.


“Huwag mo nga akong yakapin!” Sigaw ni Gabriel

“May ginawa ba akong masama?” 

“Wala, masyado lang mainit.” 


Unti-unting nagkakahugis ang ngiti sa labi ni Princess at sabay sabing, “baka naman kasi nag-iinit ka. Gusto mo bang…?”


“No way!” buwisit niyang sabi. 


Ang makatabi nga lang ito ay parang babaligtad na ang kanyang sikmura. Kung puwede niya nga lang itong itaboy, ginawa na sana niya. 


“Eh hindi ba nagmamahalan naman tayo?” kunwa’y tanong nito. 


“Tumigil ka nga,” asar niyang sabi. 


Dati naman ay madalas siyang tuksuhin nito, pero katakut-takot ang pagpipigil niya na bumigay. Nang makita niya ang sakit sa mga mata nito ay bigla siyang na-guilty. “Hindi kasi tama ang panunukso mo. Hindi pa naman tayo mag-asawa.”


“Eh ‘di asawahin mo na ako. Ready na akong magpakasal sa’yo.” Nakangiting sabi ni Princess. 


Gustung-gusto nang sumigaw ni Gabriel nu’ng mga oras na ‘yun at sabihing, “tigilan mo ako!”


Itutuloy…


 
 
  • BULGAR
  • Jan 6, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | January 6, 2024



ree


“Kailangan kong makawala rito!” Ito ang paulit-ulit na sinasabi ni Princess sa kanyang sarili, pero hindi niya alam kung paano niya ito gagawin. Kahit naman nagawa na siyang pakawalan ni Baninay, hindi pa rin siya nakasisiguro kung hanggang kailan siya tatagal sa lugar na iyon. 


Sa tuwing ‘di niya nakikita si Gabriel, para bang gusto na ng kanyang puso na huminto sa pagtibok. Natigilan lang siya nang mapagtanto niyang kapag hinayaan niyang mangyari iyon, baka tuluyan lang makuha ni Baninay si Gabriel. At panigurado kapag namatay siya, hindi na siya makababalik kailanman. ‘Di niya alam kung paano niya naisip ang mga ganu’ng senaryo pero nakatitiyak siyang ‘yun ang mangyayari. 


O baka naman, kaya niya naisip ang mga ganu'ng senaryo ay dahil pinangarap din naman nilang maging isang magaling na manunulat, kaya kung anu-ano’ng ideya rin ang pumapasok sa kanyang isipan. 


Bigla siyang napamura dahil parang nakita niya sa kanyang isipan si Baninay na kumakaway na para bang nagpapaalam, at maya-maya ay nakita niya itong nakasuot ng gown na pangkasal. 


Hindi niya alam kung bakit nga ba siya nagkaroon ng ganitong vision, pero tiyak niyang hindi niya kakayanin na dumating ang sandaling iyon. Subalit, ano’ng gawin niya para makawala rito? 


Hanggang sa maalala niya na ang salita ng isip ng tao ay mas makapangyarihan. Kung ano ang isipin natin, maaari itong magkatotoo, at nang mga sandaling iyon, nakatitiyak siyang makakatakas siya rito. Ang kailangan lang niyang gawin ay mag-concentrate.


“Matatakasan kita, matatakasan kita, matatakasan kita!” Paulit-ulit niya itong binibigkas habang nakapikit.


“Ano bang ginagawa mo r’yan, ineng?” Nagtatakang tanong ng isang boses. 


Bigla siyang dumilat, at nanggilalas siya nang mapagtanto niyang nasa ibang lugar na siya. Ibig sabihin ba nito ay nakatakas na siya? 


Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page