top of page
Search
  • BULGAR
  • Jan 30, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Enero 30, 2024



ree


Gustong humagulgol ni Princess nang mga sandaling iyon. Ramdam kasi niya na naitsapwera na siya sa buhay ni Gabriel. Hindi na siya pinapansin ng binata at ramdam niyang wala na siyang kuwenta sa paningin nito. 


Nang makita ni Glaiza ang tunay na hitsura ni Princess, agad itong hinimatay, at sa gulat ni Gabriel binuhat niya ito at dinala sa guest room. 


“Ang sakit!” Sigaw ng puso ni Princess. 


“Nakaka-guilty naman,”dagdag pa niya. Binulong niya lang iyon, pero agad na lumingon sa kanya si Gabriel. 


“Why?!”


Napapitlag siya dahil ang lakas ng pagkakasabi ni Gabriel sa katagang iyon.


Pakiramdam niya ay sinisigawan siya nito. 


“Dahil sa akin kaya…”


“Huwag ka na muna kayang magpakita sa kanya?,”


Biglang tumulo ang luha ng dalaga. Pakiwari niya ay tinataboy na siya ni Gabriel.


Nawala na ba talaga ang pag-ibig nito sa kanya? 


“Damn,” wika nito. 


Ayaw na niyang magtanong pa dahil natatakot siya sa maaaring isagot ng binata.


“Alright,” sagot ni Princess, sabay talikod.


Narinig niyang tinawag siya ng binata, pero hindi na niya ito nilingon pa. Tiyak niya kasing masasaktan lang siya kapag ginawa niya iyon. Hindi rin siya nakasisiguro kung tinawag ba siya nito dahil gusto nitong sabihin na mahal siya o baka nais lang nitong magpaalam sa kanya. 


Noon pa man ay nakakaramdam na siya ng insecurity kay Glaiza. Ito kasi talaga ang gusto ni Gabriel, paano pa ngayong na-trap siya sa katawan ni Baninay? 


“Kung ganu’n, maiging magpakalayu-layo na lang ako.” 



Itutuloy…

 
 
  • BULGAR
  • Jan 29, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Enero 29, 2024



ree

Tumaas ang kilay ni Glaiza nang tingnan niya si ‘Princess’ dahil inagaw lang naman sa kanya ng babaeng ito si Gabriel na kanyang pinakamamahal.


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Alam niyang may pagkakamali rin siya. Hindi niya ipinaglaban noon si Gabriel gayung alam niyang may plano si Princess na agawin ito sa kanya. Simple lang naman ang sagot, dahil noon ay hindi pa siya handang panindigan ang kanyang gusto.


Magkababata sina Gabriel at Princess, pero nabihag niya ang puso ni Gabriel kahit tanggap naman niyang mas maganda sa kanya si Princess. Dahil doon, hindi niya maiwasan ang makaramdam ng pagmamalaki. Paano ba naman, sa kauna-unahang pagkakataon ay naungusan niya si Princess.


Natalo nga ba niya? May mga pagkakataon din naman kasing nahuhuli niyang nakatitig si Gabriel sa dalaga. Nakatitiyak siyang may gusto si Princess kay Gabriel, pero hindi niya alam kung mahal din ba ito ni Gabriel. Basta desidido siyang burahin ang pagmamahal ni Gabriel para sa dalaga. Kailanma'y hindi itinuring na kaibigan ni Glaiza si Princess.


“Buwisit!” Ito ang laging lumalabas sa bibig niya sa tuwing natatalo siya ni Princess sa eskuwelahan. Kaya nagpasya siyang magtungo sa ibang bansa para masabi na niya na mas angat siya kaysa kay Princess.


Ikaw Princess, kumusta ka na?” Kunwa'y masigla niyang sabi.


“Okey naman.”


“Really?”


“Oo naman.”


“Bakit naman hindi siya magiging okey?” Tanong ni Gabriel.


“Hindi ba naaksidente siya?”


Nanlaki ang mga mata ni Princess nang bigla niyang maalala ang kanyang kalagayan. “Teka, paano mo nalaman ako si Princess? Eh, nasa katawan ako ni Baninay?”


“Ano'ng pinagsasabi…?” Gilalas na tanong ni Glaiza sabay harap kay Princess. Ayaw niya kasing makita ito kanina, hanggang sa napagtanto niyang sa salamin lang pala siya nakatingin.


Itutuloy…

 
 
  • BULGAR
  • Jan 28, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Enero 28, 2024



ree

Biglang kinabahan si Princess nang makita niya si Glaiza, para kasing may nagsasabing katapusan na niya. 


Ayon kasi sa ritualist na nakausap niya, ang gayumang binigay niya kay Gabriel ay mawawala kung nakikita niya ang babaeng pinakamamahal niya, at ito ay walang iba kundi si Glaiza. Napakapit tuloy siyang bigla sa braso ni Gabriel. Mahal na mahal niya ito, kaya hindi niya gugustuhing mawala ito sa kanya. 


“Hi, Gabriel,” wika ni Glaiza na parang hindi pansin ang kanyang presensya. 


Bahagya siyang umiling dahil hindi iyon ang tamang salita. Tiyak niyang hindi siya nito papansinin dahil siya ang dahilan kaya ito iniwan ni Gabriel, nang tumalab na kasi ang panggagayuma niya, lahat ng naramdaman ni Gabriel para sa dalaga ay biglang naglaho. 


“Hello,” wika naman ni Gabriel. 


Nang bitawan niya ni Gabriel, agad itong humakbang patungo kay Glaiza, at sabay yakap nang mahigpit. Samantalang parang dinudurog naman ang puso ni Princess, sa palagay kasi niya ay nangyayari na ang kanyang kinatatakutan, at hindi man lang siya nilingon ng kanyang nobyo. 


Sa pakiwari niya, ang klase ng yakap ni Gabriel kay Glaiza ay nagsasabi na hindi na kita papakawalan pa. Para tuloy gusto niyang humagulgol ng mga sandaling iyon.


Gusto sana niyang tawagin ang kanyang boyfriend, at baka sakaling maalala nito na siya ang nobya, pero hindi niya ito magawa. Natatakot kasi siyang baka hindi na siya ang piliin nito. 


“Na-miss mo ba ako?” Pagtatanong ni Glaiza kay Gabriel. 


Agad namang bumitaw si Gabriel dito, hindi ito kumibo sa tanong ni Glaiza. 


“Aray ko!” Sigaw ng puso ni Princess na para bang naghihingalo. 


Itutuloy…

 
 
RECOMMENDED
bottom of page